MANGUNGULTI
Isang tao na dalubhasa sa hanapbuhay na pagkukulti; sa kasanayang ito, ang mga balat ng hayop ay ginagawang katad na maaari namang gamitin sa paggawa ng iba’t ibang uri ng kagamitan. (2Ha 1:8; Mat 3:4) Walang alinlangan, ang gawaing pagkukulti noong sinauna ay isinagawa ring kagaya nitong kamakailan sa Gitnang Silangan, samakatuwid nga, sa isang kultihan na may isa o dalawang silid, na kinaroroonan ng mga kasangkapan at mga tangke para sa paghahanda sa mga balat. Kasama sa karaniwang proseso ng paghahanda sa katad ang (1) pagpapaluwag sa mga balahibo, kadalasa’y gamit ang isang timpladang may apog; (2) pagtanggal sa mga balahibo, maliliit na piraso ng laman, at taba na nakadikit sa balat; at (3) pagkulti sa balat gamit ang likido na maaaring gawa mula sa talob ng sumac o ng ensina, o mula sa iba pang mga uri ng halaman.
Nagpalipas si Pedro “nang maraming araw sa Jope kasama ng isang Simon, na isang mangungulti,” na ang bahay ay nasa tabi ng dagat.—Gaw 9:43; 10:32.