TOPACIO
Ang uri ng topacio na ginagamit bilang mga batong hiyas ay isang matigas, malinaw at malakristal na mineral na binubuo ng aluminum fluosilicate. Mas matigas ito kaysa sa kwarts at kadalasang matatagpuan ito sa mga butas sa loob ng mga batong granitiko. Ang ibang topacio ay walang kulay, ngunit matatagpuan din ito sa maraming iba’t ibang kulay kabilang na ang puti, dilaw, mapusyaw na kayumanggi, malarosas na pula, at kung minsan ay mapusyaw na berde o asul. Ang pinakapopular ay dilaw na kulay-alak. Ang pangalang topacio ay mula sa salitang Griego na to·paʹzi·on, na tumutukoy sa Pulo ng Topacio na nasa Dagat na Pula kung saan nakuha ng mga Griego ang mga topacio na pamilyar kay Pliny na Nakatatanda at sa iba pang sinaunang mga manunulat. Ang topacio ay iniuugnay ng aklat ng Job sa Cus, isang rehiyon na kahangga ng Dagat na Pula.
Kabilang ang isang topacio sa mahahalagang bato sa “pektoral ng paghatol” na isinuot ng mataas na saserdoteng si Aaron. Inilagay iyon bilang ang panggitnang bato sa unang hanay ng mga batong hiyas, at nakalilok dito ang pangalan ng isa sa 12 tribo ng Israel. (Exo 28:2, 15, 17, 21; 39:10) Ang mga pundasyon ng “banal na lunsod, ang Bagong Jerusalem, na bumababang galing sa langit mula sa Diyos . . . ay nagagayakan ng bawat uri ng mahalagang bato,” anupat ang ikasiyam na pundasyon ay topacio.—Apo 21:2, 19, 20.