BATU-BATO
[sa Heb., tor, tohr; sa Gr., try·gonʹ; sa Ingles, turtledove].
Isang maliit at mailap na kalapati na kadalasa’y napakahilig mandayuhan. Maliwanag na ginagaya ng pangalang Hebreo ang malungkot na huning “tur-r-r tur-r-r” na nililikha ng ibong ito.
Ang mga batu-bato na pinakamalimit makita sa Palestina ay ang common turtledove (Streptopelia turtur) at ang collared turtledove (Streptopelia decaocto). Ang collared turtledove ay tinawag nang ganito dahil sa makitid na tulad-kuwelyong kulay itim sa batok nito. Ang isa pang uri, ang palm turtledove o laughing dove (Streptopelia senegalensis), ay unti-unting lumaganap sa Israel nitong nakalipas na mga dekada.
Ang batu-bato ay binanggit sa Jeremias 8:7 kasama ng mga ibon na ‘sumusunod na mabuti sa panahon ng kani-kaniyang pagdating,’ anupat maliwanag na nagpapahiwatig ito ng taunang pandarayuhan. Tiyak na ang tinutukoy rito ay ang common turtledove, yamang ang ibang batu-bato sa Palestina ay hindi nandarayuhan kundi namamalagi roon sa buong taon. Ang common turtledove ay isang di-nagmimintis na tagapagbadya ng tagsibol sa Palestina, anupat dumarating doon mula sa T sa maagang bahagi ng Abril at ‘ipinaririnig nito sa lupain ang kaniyang tinig.’—Sol 2:12.
Palibhasa’y mahiyain at maamo, ang batu-bato ay umaasa sa mabilis na paglipad para makatakas sa mga kaaway nito. (Aw 74:19) Kapag kapanahunan nila, naglipana ang mga batu-bato sa buong Palestina, at yamang mga butil, mga buto ng halaman, at halamang clover ang kinakain nila, madali silang mahuli ng mga silo na nasa lupa. Isinama ni Abraham ang isang batu-bato sa kaniyang handog noong si Jehova ay ‘magtibay ng isang tipan’ sa kaniya. (Gen 15:9, 10, 17, 18) Nang maglaon, alinman sa hiniling o pinahintulutan ng Kautusang Mosaiko na gamitin ang mga batu-bato sa ilang paghahain at mga ritwal ng pagpapadalisay. (Lev 1:14; 5:7, 11; 12:6, 8; 14:22, 30; 15:14, 15, 29, 30; Bil 6:10, 11) Si Maria ay naghandog sa templo ng alinman sa dalawang batu-bato o dalawang inakáy na kalapati matapos ipanganak si Jesus.—Luc 2:22-24; tingnan ang KALAPATI.