KAMANDAG
Nakalalasong fluido na inilalabas ng ilang ahas at iba pang mga hayop. (Bil 21:4-9; Deu 8:15; Gaw 28:3-6) Ang isang salitang Hebreo para sa kamandag ng mga reptilya ay ang che·mahʹ (Deu 32:24), na ginagamit din upang tumukoy sa “pagngangalit,” “pagkapoot,” at iba pang katulad nito. (Deu 29:28; Eze 19:12) Nagmula ito sa salitang-ugat na nangangahulugang “mag-init” (Deu 19:6) at maaaring tumutukoy sa pamamaga o hapding dulot ng kagat ng isang makamandag na ahas. Ibang salitang Hebreo (roʼsh, o rohsh) naman ang ginagamit para sa “lason,” o “kamandag,” ng mga kobra, tubig na “may lason,” at “nakalalasong halaman.”—Deu 32:32, 33; Job 20:16; Jer 8:14; 9:15; 23:15; Pan 3:19; tingnan ang KOBRA; NAKALALASONG HALAMAN; ULUPONG, MAY-SUNGAY NA.
Bagaman ang lason ng ilang hayop ay waring para lamang sa kanilang proteksiyon o pagpatay, kapansin-pansin ang pananalitang ito ni H. Munro Fox: “Sa ilang kaso, alam natin na ang mga lason ay may papel na ginagampanan sa katawan ng hayop na gumagawa nito. Sa maraming pagkakataon, maaaring ito ang tunay na raison d’être [dahilan ng pag-iral] ng mga kamandag, na malayung-malayo sa anumang gamit nito bilang proteksiyon. Halimbawa, ang nakalalasong laway ng mga ahas ay may ginagampanan sa pagtunaw ng pagkain ng ahas.”—Marvels & Mysteries of Our Animal World, The Reader’s Digest Association, 1964, p. 259.
Makasagisag na Paggamit. Ang sinungaling at mapanirang-puring mga pananalita ng balakyot, na lubhang nakapipinsala sa reputasyon ng biktima, ay inihahalintulad sa nakamamatay na kamandag ng serpiyente. (Aw 58:3, 4) Tungkol sa mga maninirang-puri, sinasabing, “Ang kamandag ng may-sungay na ulupong ay nasa ilalim ng kanilang mga labi” (o, “nasa likod ng kanilang mga labi”), kung paanong ang glandula ng kamandag ng ulupong ay nasa likod ng labi at mga pangil ng panga nito sa itaas. (Aw 140:3; Ro 3:13) Ang dila ng tao, kapag ginamit nang mali sa paninirang-puri, paninira nang talikuran, pagtuturo nang may kabulaanan, o sa katulad na pananalitang nakasasakit, “ay punô ng nakamamatay na lason.”—San 3:8.