Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Ang Patnubay ng Anghel sa Ating Ministeryo
MALIMIT na ipinakikita ng mga karanasan na ang mga Kristiyanong ministro ay pinapatnubayan ng mga anghel. (Apocalipsis 14:6, 7) Hindi ba isang anghel ang pumatnubay kay Felipe upang makilala nito ang taimtim na bating na Etiope na ibig na makaunawa ng Bibliya? (Gawa 8:26, 27) At nang ang matuwid-pusong Gentil na si Cornelio ay manalangin nang taimtim sa Diyos at humingi ng tulong, hindi ba isang anghel ang sinugo upang tumulong sa kaniya? (Gawa 10:3-33) Ang sumusunod na karanasan na galing sa Denver, Colorado, E.U.A., ay tumutulong sa atin na makilalang ang ating ministeryo ngayon ay pinapatnubayan din ng mga anghel samantalang hinahanap natin ang mga taimtim ang pusong mga tao.
◻ Sa kanilang pagbabahay-bahay, dalawa sa mga Saksi ni Jehova ang pinagsabihan ng maybahay na siya’y totoong maraming gawain. Isang Saksi ang nagtanong sa kaniya kung kaniya na bang napag-isipan kung mayroong sinuman na maaaring makipag-usap sa mga patay? Ang mga Saksi ay inanyayahan na tumuloy at sila’y bumasa ng mga kasulatan tungkol sa sanhi ng kamatayan, sa kalagayan ng mga patay, at sa pag-asa na pagkabuhay-muli. (Eclesiastes 9:5, 10; Juan 5:28, 29) Ang babae ay interesado pala at isang pag-aaral sa Bibliya ang isinaayos. Pagkaraan ng tatlong buwan na pag-aaral siya’y humiling na ang mga Saksi sa darating na linggo ay pumunta roon sa alas 4:30 n.h. para sa pag-aaral. At ito naman ay sinang-ayunan nila.
Nang sumunod na linggo ang babae at ang kaniyang asawa ay naghihintay sa mga Saksi, sapagkat ibig ng lalaki na malaman kung ano ang pinag-aaralan ng kaniyang asawa. Ang lalaking ito ay nagtanong nang marami, isa na ay: “Sino ang anti-Kristo at ang taong tampalasan?” Ang tanong na ito ay sinagot nang kasiya-siya buhat sa Bibliya ng mga Saksi, at nang magkagayo’y humingi siya ng anim na kopya ng aklat na The Truth That Leads to Eternal Life, na lathala ng mga Saksi ni Jehova.
Nang sumunod na linggo ang lalaki at ang kaniyang asawa, pati kanilang anim na anak, ay naroroon sa pag-aaral. Ang mga anak ay magagalang at masunurin. Hindi nagtagal at lahat sila ay dumadalo na sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova sa Kingdom Hall.
Ang lalaki ay humiling sa mga Saksi na dalawin ang kaniyang anak na babaing may-asawa pati asawa nito at gayundin ang tiyahin ng lalaki at ang kaniyang anak. Ito’y ginawa at nagsaayos ng mga pag-aaral sa Bibliya sa kapuwa pamilya.
Makalipas ang isang taon ng pag-aaral sa Bibliya, ang lalaking ito, ang kaniyang asawa, at dalawang mga anak na dalagita ang napabautismo bilang sagisag ng kanilang pag-aalay kay Jehova. At saka lamang nalaman noon na ang lalaking ito ay isa palang ministrong Methodista. Subalit pagkaraan ng dalawang buwan ng pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi, siya at ang kaniyang pamilya ay umalis na sa relihiyong iyon. Napag-alaman din na nang unang pagkakataong iyon na siya’y dalawin, ang asawang babae ay nagbabalak pala na magpatiwakal at nanalangin sa Diyos na alagaan ang kaniyang pamilya pagkatapos.
Buhat sa unang-unang pagdalaw na ito, sampu katao ang tumanggap sa katotohanan. Ang lalaki ay isa na ngayong elder, isa sa kaniyang mga anak na babae ay isang payunir, at ang kaniyang manugang ay isang ministeryal na lingkod.
Maliwanag nga na may patnubay ang mga anghel sa ministeryo ng dalawang Saksing iyon. Ngayon ang sampung kataong ito na tinulungan upang makaalam ng katotohanan ay maligayang naglilingkod na lahat kay Jehova, nakalaya na sila sa huwad na relihiyon.