“Ating Pinahahalagahan ang mga May Edad!”
“HINDI baga nasa matatanda ang karunungan at nasa mga may edad ang unawa?” ang tanong ni Job. (Job 12:12) Ganiyan din ang napansin ni Solomon: “Ang ulong may uban ay isang putong ng kagandahan kung naroroon sa daan ng katuwiran.” (Kawikaan 16:31) Ang mga salitang ito ay sinalita sa panahon na ang mga may edad ay kinaaalang-alanganan at iginagalang. At paulit-ulit na ipinakikita ng Bibliya kung paanong ang mga nakababata noong mga kaarawang iyon ay nakinabang sa pakikisama sa mga may edad.
Halimbawa, si Ruth ay nagkaroon ng mga taon ng pagkakataon na masaksihan at bulaybulayin ang halimbawa na nakita niya sa kaniyang biyenan, si Noemi. Ang gayong pakikisama niya rito ay marahil siyang nag-udyok kay Ruth na sumamba kay Jehova. Kaya’t nang magkaroon siya ng pagkakataon na humiwalay kay Noemi at bumalik sa kaniyang bayan ng mga mananamba sa idolo, si Ruth ay taimtim na nagsabi: “Kung saan ka pupunta ay roon din ako pupunta, at kung saan magpapalipas ka ng gabi doon din ako magpapalipas ng gabi. Ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Diyos ay aking Diyos.” (Ruth 1:16, 17) Oo, bilang resulta ng kaniyang pakikipagkaibigan kay Noemi, si Ruth ay naging “isang babaing may bait.”—Ruth 3:11.
Si Timoteo ay isa pa rin na nakinabang sa pakikisama sa isang taong nakatatanda sa kaniya. Siya’y gumugol ng maraming taon sa paglalakbay kasama ni apostol Pablo. At ng dahil sa pagkabilanggo’y nagkahiwalay sila, si Timoteo ay tumanggap ng mga liham kay Pablo na nagpapatibay-loob upang “pukawin na tulad sa apoy ang kaloob ng Diyos” na taglay ni Timoteo. (2 Timoteo 1:6-8) Lubus-lubusan na natuto si Timoteo kay Pablo kung kaya’t nang siya’y sumulat sa mga taga-Filipos, ipinaliwanag ni Pablo na siya’y ‘walang sinumang nakilala na may kalooban na katulad ng sa kaniya [kay Timoteo] na tunay na nagmamalasakit sa mga bagay na may kinalaman sa kanila.’—Filipos 2:20.
Subalit, ngayon, ang paggalang sa mga may edad ay halos naparam na sa mga ilang bansa. Gayunman, ito ba’y dapat mangyari sa gitna ng mga Kristiyano? Hinding-hindi nga. Ang mga tunay na Kristiyano sa ngayon ay nagpapahalaga pa rin sa mga may edad sa bagay na maitutulong nila dahil sa kanilang pananampalataya, debosyon, at karanasan sa buhay. Halimbawa, isang sister ang sumulat: “Kailanma’t nadarama kong ako’y nasa ilalim ng kagipitan sa pamamalakad na ito, hinahanap-hanap ko sa palibot ang mga nakatatanda sa loob ng kongregasyon, at ako’y napatitibay dahilan sa kanilang katatagan.” Isang kapatid ma lalaking kabataan, 34 anyos, ay nagsabi rin ng ganiyan tungkol sa tapat na mga may edad: “Kanilang natulungan ako sa lahat ng pitak ng buhay. Halimbawa, kinakailangan kong maalaman kung paano ako magiging timbang. Bueno, isang 72-anyos na kapatid na lalaki ang nagsabi sa akin, ‘Tiyakin mo na ginagawa mo ang mga bagay na ibig ni Jehovang gawin mo muna. Ito’y isang patuloy na pakikipagbaka. Subalit ang pagkatimbang ay nakakamit lamang samantalang hinahanap mo muna ang Kaharian.’”
Sa isa namang kaso, isang kapatid na lalaki na 87 anyos ang nagkasakit nang malubha. Isang elder, kasama ang isang kapatid na lalaking di-aktibo, ang dumalaw sa kaniya. Napaiyak ang kapatid na di-aktibo at ang sabi’y: “Kayo’y isang mabuting kaibigan. Kayo’y hahanap-hanapin ko.” At ang tugon naman ng may edad nang lalaki: “Ikaw ay hahanap-hanapin ko rin.” Umiiyak pa rin ang di-aktibong kapatid nang kaniyang sabihin, “Magkita tayo sa Bagong Kaayusan—kung iyan ay narito na.” Bagaman mahina, ang ating kapatid na may edad na ay nagpumilit na umupo, at ang matatag na tugon: “Tiyak na darating iyan.” Bagaman ang di-aktibong lalaki ay hindi tumugon sa pampatibay ng loob na ito, ang pananampalataya ng lalaking may edad na ang umantig sa puso ng elder na nakasaksi nito. “Ang kaniyang pananampalataya ay naging malaking tulong sa akin,” ang naaalaala pa niya.
Ang mga kapatid na may mga edad na ay malimit may magagandang karanasan sa pamumuhay Kristiyano at nagbibigay ng payo na mabuti at praktikal. “Kalungin ninyo ang inyong mumunting mga anak at yakap-yakapin sila,” ang sabi ng isang may edad, “sapagkat hindi magtatagal at sila’y lálakí na. Sila ang unahin ninyong asikasuhin. Sila ang inyong mahal na mga alagad.” “Pagka ginipit ka ng sistemang ito o pagka sinusubok ka ni Satanas,” ang payo pa ng isa, “kailanman ay huwag mong iiwanan ang katotohanan. Patuloy na sundin mo ito, sapagkat ang resulta nito ay kaligayahan para sa iyo.” Isang may edad nang mag-asawa na naglingkod nang may katapatan sa isang lugar sa New Zealand sa loob ng mga 43 taon ang nagbigay ng ganitong praktikal na payo: “Kung magagawa ninyo, mas mabuti ang dumuon kayo sa isang lugar, imbis na magpalipat-lipat. Ang katotohanan ay may lalong malaking epekto sa komunidad, at kayo ay patuloy na nakapamumuhay ayon dito, at sa gayo’y lalo kayong tumitibay.”
Totoo, marami sa ating matatanda nang mga kapatid ang hindi makalahok sa pagbabahay-bahay gaya ng paglahok ng mga nakababata. Ang iba ay nakaratay sa banig ng karamdaman. Ang iba naman ay dumaranas ng makirot na mga sakit. Ang sabi ng isang may edad nang sister, “Hindi sa ayaw kong tumanda. Ang ayaw ko ay yaong dala ng pagtanda.” Gayunman ay nagagawa pa rin niya na magpakita ng sigasig bilang Kristiyano!
Ikaw ba ay gumugugol ng panahon upang makilala ang iyong mga kapatid na may edad? Ikaw ba ay nagsisikap na tularan ang mga katangian na makikita sa kanila, mga katangian na dinalisay na tulad sa ginto sa paglipas ng panahon at sa pamamagitan ng karanasan? Tunay, ang ating mga kapatid na may edad ay isang mahalagang kayamanan kung gagamit lamang tayo ng panahon na sila’y obserbahan at kausapin. Sabi ng isang nakababatang Kristiyano: “Ang mga tapat na may edad ay naging mga uliran ko sa pagpapatuloy sa katotohanan, sa tunay na pag-ibig, sa pananampalataya na buháy, sa pagkamahabagin, at sa sigasig sa paglilingkod sa Diyos. Para sa akin ang kanilang kagandahan ay tulad ng mga punungkahoy na punúng-punô ng namumukadkad na bulaklak, at sila’y tulad ng nagniningas na apoy sa isang gabing malamig.” Oo, tayo’y may dahilan na pahalagahan ang mga kasamahang may edad!