Dapat Mo Bang Ipagdiwang ang Pasko?
UPANG ilarawan ang pagkakahawig at ang pagkakaiba sa pagitan ng Silanganin at ang Kanluraning paraan ng pagdiriwang ng Pasko, ang impormasyong inilalahad dito ay nasa anyo ng dalawang pagpapalitang liham sa pagitan ng isang manunulat na Hapones at ng kaniyang kaibigan sa Inglatera. Ang impormasyon ay tumutulong sa iyo na sagutin ang tanong na: Dapat ko bang ipagdiwang ang Pasko?
Mahal kong David,
Naririto na naman sila. Ang mga komersiyante ay nangunguna sa mga tao na tulad ng mga punong saserdote. Si Santa Claus ang master of ceremonies. Ang mga Christmas tree ang nagsisilbing simbolo ng selebrasyon. At nagbibigay ng mga handog na Christmas cakes at mga laruan. Ang mga komersiyante ay nagtataguyod ng relihiyon ng Pasko sa Hapon. Ang kanilang misyon ay umaani ng malaking tagumpay noong nakalipas na tatlo o apat na dekada. Napakaraming mga Hapones ang nakukumberte sa “relihiyon” na ito—kahit man lamang sa loob ng mga dalawang araw isang taon!
Ito’y lubhang pinagtatakhan ko. Malimit na tinatanong ko kung bakit napakaraming mga Hapones, na karamihan sa kanila’y mga di-Kristiyano, ang nagdiriwang ng isang kapistahang “Kristiyano.” Kailan ba nagsimula ang mga Hapones ng pagdiriwang ng Pasko na ganiyang kalawak? Ano ba ang nasa likod ng lahat ng ito?
Sa paghahanap ko sa pinagmulan ng Paskong Hapones, nasumpungan ko ang isang interesanteng istorya. Si Sōseki Natsume, isang dakilang manunulat noong panahong Meiji (1868-1912), ay nagpadala ng isang Christmas postcard buhat sa Inglatera kay Shiki Masaoka, isang tanyag na poeta, na naglalarawan sa kabigha-bighaning pamaskong tanawin sa London ng katapusan ng taong 1900. Si Shiki ay kumumpuwesto pa man din ng isang haiku, ang pinakamaikling porma ng tulang Hapones, tungkol sa isang munting kapilya sa isang Araw ng Pasko. Marahil, ang Pasko ay isa pa ring bagay na bago nang pumasok ang susunod na siglo sa Hapon. Kung gayon, kailan ekasaktong nagdiwang ang mga Hapones ng kanilang unang Pasko?
Marahil ay magiging interesado kang malaman na mayroong mga autoridad na nagsasabing ang Pasko ay ipinagdiwang sa isang paaralan ng mga babae sa Ginza sing-aga noong ikawalong taon ng Meiji (1875). Gayunman, “ang kaugalian ng pagdiriwang ng Pasko ay hindi talagang nagsimula na maging kaugalian sa Hapon kundi noong 1945,” ayon sa obserbasyon ng The Christian Century. Iyan ay noong makita ng mga Hapones na ang mga pamilya ng mga sundalong Amerikano at mga misyonero ay nagdiriwang ng Pasko. Pagkatapos na matalo sa Digmaang Pandaigdig II at maiwan sa kalagayang naghihikahos sa espirituwal, ang karamihan ng mga Hapones ay nangangailangan ng isang bagay na magpapasaya sa kanila.
Ang Pasko ang nagtakip ng pangangailangang iyan. Gaya ng maguguni-guni mo, ang mga komersiyante ay hindi nag-aksaya ng anumang panahon sa paggamit sa mga dekorasyon sa Pasko upang mapalakas ang kanilang benta sa dulo ng isang taon. Ang mga dekorasyon sa Pasko ay “nagsilbing parang magic sa pang-aakit ng mga parokyano,” ang sabi ng isang kulomnista ng isang pahayagan, si Kimpei Shiba. “Ito,” ang sabi pa niya, “ay dahilan sa ang mga gayak na ito ay kaakit-akit at nagpapasaya.”
Subalit, David, yamang diyan ka namumuhay sa Inglatera, baka hindi mo alam na kaugalian na ng mga Hapones na magpalitan ng regalo sa katapusan ng taon malaon pa bago magdatingan ang mga handog na pamasko. Ang Disyembre ay sa tuwina isang buwan ng malaking benta para sa mga magtitingi. Ang mga tao na ang mga pitaka’y puno ng kanilang nasahod na bonus ay inuubos iyon sa kagagasta. “Ang kapaligirang ito [ng Pasko],” gayunman, “ay naglalagay sa mga tao sa kondisyon ng pagsasaya, paggasta at hinihikayat silang bumili ng mga regalong osei-bo [mga regalo sa katapusan ng taon] kaysa karaniwan nilang ginagawa, kaya ang kaugalian ng paggamit ng mga dekorasyon sa Pasko ay nagpapatuloy,” paliwanag ni Mr. Shiba.
Sa ngayon, ang mga department store at mga magtitingi ay nagsasama-sama upang samantalahin ang “diwa ng Pasko” na waring gumagana nang husto. Pinagbubuhusan ng pansin ng mga manggagawa ng laruan at ng mga panaderiya ang kapaligirang ito upang samantalahin ang Kapaskuhan. Kung Disyembre, ang benta sa Kiddy Land, ang pinakamalaking kawing-kawing na tindahan ng mga laruan sa Hapon, ay apat na beses na mas mataas kaysa iba pang mga buwan. Tinatayang 5 hanggang 10 porsiyento ng lahat ng mga cake na ginagawa sa Hapon taun-taon ay matatawag na “Christmas cakes.”
Nasumpungan ko na ang ilang mga tao ay nasusuya sapagkat nangingibabaw ang komersiyalismo sa tanawin ng Pasko sa Hapon. Halimbawa, sinisipi ng The Daily Yomiuri ang isang Amerikano na matagal nang nanirahan sa Hapon: “Sinunod ng mga Hapones ang lahat halos ng gimmicks kung Pasko subalit sa paano man ay wala rito ang diwa ng Kapaskuhan.” Tinutukoy niya ang tungkol sa relihiyosong bahagi ng Pasko.
Ito ang nag-udyok sa akin na tunghayan ang relihiyosong panig ng Pasko. Sinasabi ng mga nagsisimba na ang Pasko (Disyembre 25) ang kapanganakan ni Kristo. Gayon na lang ang pagkabigla ko na masumpungan sa Encyclopedia of Japanese Religions na hindi nito mapatunayan na si Jesus ay ipinanganak noong Disyembre 25! Ang encyclopedia ay nagsasabi: “Bagaman ang aktuwal na petsa ng kapanganakan ni Jesus ay hindi alam, ang Pasko ay ipinagdiriwang na kung Disyembre 25 simula noong bandang ikatlong siglo . . . Ang petsang ito ay pumapatak humigit-kumulang sa araw ng winter solstice, at hinalinhan nito ang kapistahan ng pagsilang-muli ng Araw nang panahon bago kay Kristo.” Ang pagsilang-muli ng araw? Akala ko ito’y sinasabing kaarawan ni Jesus. Bueno, Paano ngang maaaring ipagdiwang ng taimtim na mga Kristiyano ang isang kapistahan na dati ay isang paganong kapistahan ng winter solstice? Hindi ito ang kapanganakan ni Jesus kundi ang kapistahan ng pagsilang-muli ng araw. Paano nga maaaring pintasan ng Kanluraning mga nagsisimba ang mga Hapones sa pagiging walang prinsipyo sa pagdiriwang ng isang kapistahang “Kristiyano” samantalang sila mismo ay gayundin ang ginagawa?
Kaya, David, pahahalagahan ko kung masasagot mo ang mga katanungang ito para sa akin, yamang ang mga ito ay lubhang nakababalisa.
Ang iyong kaibigan,
Ichiro
Mahal kong Ichiro,
Maraming salamat sa iyong liham na inilalarawan ang pagdiriwang ng Pasko sa inyong bansa. Totoong interesante sa aming mga taga-Kanluran na malaman kung paano ipinagdiriwang ng mga tao sa Silangan ang isang Kanluraning kapistahan.
Tahasang masasabi ko, tama ka sa pagsasabi na ang Pasko ay isang kapistahang pagano. Halos anumang reperensiya’y magsasabi sa iyo na ang kapistahan ng Pasko ay nagsimula sa paganong pagdiriwang ng Saturnalia, ang kapistahang Romano para sa kanilang diyos ng pagsasaka na si Saturn.
Oo, kung paanong tinanggap ninyong mga Hapones ang Pasko sa inyong Budhista at Shintoistang mga kultura, ganoon ding tinanggap ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ang mga kapistahang pagano sa kanilang “Kristiyanong” tradisyon. Sa isang diwa ito ay maaaring mas makasalanan pa sapagkat bagaman ipinagdiriwang ng mga Hapones ang Pasko bilang isang kapistahang banyaga, itinuturing ng mga nagsisimba ang paganong pagdiriwang ng Saturnalia bilang isang “Kristiyanong” Pasko.
Sa katunayan, may panahon noon na dito sa Inglatera ay ipinagbawal ang sekular at relihiyosong pagdiriwang ng Pasko bilang isang gawaing pagano. Iyan ay nang ang mga Puritans ay namamahala sa Inglatera. Sa Massachusetts Bay Colony sa Hilagang Amerika, ang Pasko ay ipinagbawal din ng mga Puritans na umalis sa Inglatera dahilan sa kanilang mga paniniwala at sila’y nagpataw ng mga multa sa pagsasaya sa panahong ito.
Subalit inaakala kong dapat mong malaman ang pangmalas ng Bibliya tungkol sa pagsasama ng Kristiyanismo sa mga relihiyong pagano. “Huwag kayong makipamatok ng kabilan sa mga di-sumasampalataya.” Iyan ang payo ni apostol Pablo sa 2 Corinto 6:14-16. Doon ay sumipi siya sa aklat ni Isaias (52:11, para sa iyong reperensiya): “‘Kaya nga magsialis kayo sa kanila, at magsihiwalay kayo,’ sabi ni Jehova, ‘at huwag kayong magsisihipo ng maruming bagay.’”
Paano natin maihihiwalay ang ating mga sarili mula sa mga di-sumasampalataya samantalang ipinagdiriwang pa rin ang isang kapistahan na nagmula sa mga relihiyong pagano? Ang katanungang ito ay nag-udyok sa maraming taimtim na mga Kristiyano na talikdan ang kanilang tradisyon ng pagdiriwang ng Pasko. (Magiging interesante sa iyo na buksan mo ang iyong Bibliya sa Mateo 15:3-6 at basahin ang mga salita ni Jesus na nakaulat doon.) Gayunman mayroon pang higit na mga dahilan upang iwasan ang gayong mga pagdiriwang.
Kung ang Disyembre 25 ay hindi siyang kapanganakan ni Jesus, ang pagdiriwang sa petsang iyan bilang kaniyang kapanganakan ay katumbas ng pagsisinungaling. Kagaya ng nabanggit mo sa iyong liham, paano nga magagawa ng isang Kristiyano na umiibig sa katotohanan at pinag-uutusang maging tapat na itaguyod ang kasinungalingan? (Efeso 4:25) Mula sa petsa mismo hanggang sa istorya ni Santa Claus, ang Pasko ay punung-puno ng kasinungalingan. Gayunman, ang mga Kristiyano ay sinabihan sa Apocalipsis 22:15 na “ang bawat nag-iibig at gumagawa ng kasinungalingan” ay mawawalan ng pagpapala ng Diyos na buhay na walang hanggan.
Kung gayon, bakit ipinagdiriwang ng tinatawag na mga Kristiyano sa Kanluran ang Pasko? Ang isa sa mga kadahilanan ay ang komersiyalismo, kung papaanong totoo rin ito sa inyong bansa. Nabasa ko ang tungkol sa isang ministrong Baptist sa Estados Unidos na nanangis: “Kung lubusang aalisin ang komersiyal na bahagi, madarama ng karamihan na hindi nila naranasan ang Pasko. Subalit ang relihiyosong bahagi nito ay maaaring lubusang alisin at gayunman ay hindi mapapansin ng maraming tao ang pagkakaiba.” Ang mga salitang ito ay kapit din sa Inglatera.
Kapuna-puna, sinasabi ng Bibliya ang malapit na kaugnayan sa pagitan ng komersiyalismo at ng tinatawag nitong “Babilonyang Dakila.” Pagkatapos ilarawan ang pagbagsak ng “Babilonyang Dakila” na ito, ang Bibliya (sa Apocalipsis 18:2, 11-19) ay nagsasabi: “Ang naglalakbay na mga mangangalakal sa lupa ay magsisiiyak at magluluksa tungkol sa kaniya, sapagkat wala nang bibili pa ng kaniyang kalakal . . . Ang naglalakbay na mga mangangalakal ng mga bagay na ito, na nagsiyaman dahil sa kaniya, ay doon sa malayo tatayo dahil sa takot nila sa pagpapahirap sa kaniya at sila’y mananangis at mananaghoy.”
Makikilala mo ba ang “Babilonyang Dakila”? Bueno, sino ba ang nagbigay sa “naglalakbay na mga mangangalakal sa lupa” rito sa Inglatera at sa Hapon ng mga napakalaking tubo sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng huwad na mga turo tungkol sa Pasko? Hindi ba ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan? Oo, natutuhan ko mula sa aking mga pag-aaral na ang “Babilonyang Dakila” ay kumakatawan sa pambuong-daigdig na imperyo ng huwad na relihiyon pati na ang Sangkakristiyanuhan.
Ano sa palagay mo ang dapat nating gawin? Ang ulat ng Bibliya tungkol sa “Babilonyang Dakila” ay tumulong sa akin na magpasiya kung ano ang dapat kong gawin. Ang Apocalipsis 18:4 ay humimok sa akin: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung hindi ninyo nais na maparamay sa kaniyang mga kasalanan, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot.”
Ang ‘paglabas sa kaniya,’ samakatuwid nga, pag-alis sa relihiyon na nagtataguyod ng kasinungalingan, ay nangangahulugan ng desididong pagkilos sa ganang sarili ko. Hindi madaling alpasan ang lahat ng mga kaugaliang nauugnay sa Pasko. Ang Pasko ay isang sosyal at gayundin isang relihiyosong kapistahan dito. Kailangan ko ang tibay-loob upang maging iba sa kanila. Ang mga salitang nasumpungan ko sa Kawikaan 29:25 ay totoong nakatulong: “Ang pagkatakot sa tao ang nagdadala ng silo, ngunit siyang tumitiwala kay Jehova ay maliligtas.”
Naunawaan ko ang mga puntong ito sa tulong ng mga Saksi ni Jehova. Libu-libong mga tao sa Inglatera ang kumuha ng gayunding hakbang at ‘lumabas sa Babilonyang Dakila’ at sa lahat ng maling relihiyosong gawain nito pati na ang pagdiriwang ng Pasko. Subalit hindi ito nangangahulugan na hindi namin iginagalang o pinararangalan si Jesu-Kristo. Iginagalang namin siya, hindi sa pamamagitan ng pagpapakita ng “espiritu ng Pasko” minsan lamang sa isang taon kundi sa pamamagitan ng pagpapakita ng tulad-Kristong espiritu sa buong taon.
Ang iyong tapat na kaibigan,
David
(Tingnan ang Efeso 4:20-24; Filipos 2:1-6; Colosas 3:1-14 para sa tulad-Kristong espiritu na sinisikap nilang pagyamanin.—Editor.)
[Blurb sa pahina 4]
Ang mga komersiyante ay nangunguna sa mga tao na tulad ng mga punong saserdote. Si Santa Claus ang master of ceremonies
[Blurb sa pahina 5]
Ginamit ng mga komersiyante ang Pasko upang mapalakas ang benta sa dulo ng isang taon
[Blurb sa pahina 5]
Ito ang nag-udyok sa akin na tunghayan ang relihiyosong panig ng Pasko
[Blurb sa pahina 6]
“Kaya nga magsialis kayo sa kaniya . . . at huwag kayong magsisihipo ng maruming bagay”
[Blurb sa pahina 6]
“Ang naglalakbay na mga mangangalakal sa lupa ay nananangis at nananaghoy sa kaniya”
[Blurb sa pahina 7]
“Ang pagkatakot sa tao ang nagdadala ng silo, ngunit siyang tumitiwala kay Jehova ay maliligtas”