Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Hinipo Niya ang Kaniyang Kasuotan
ANG balita ng pagbabalik ni Jesus buhat sa Decapolis ay nakarating na sa Capernaum, at isang lubhang karamihan ng mga tao ang nagkatipon sa tabing-dagat upang salubungin siya. Tiyak na kanilang nabalitaan na pinatahimik niya ang bagyo at pinagaling ang mga taong inaalihan ng mga demonyo. Ngayon, samantalang siya’y umaahon na sa dalampasigan, sila’y nagkatipon sa palibot niya, nasasabik at umaasa.
Isa sa mga sabik na makasilay kay Jesus ay si Jairo, isang punong tagapangasiwa ng sinagoga. Siya’y nanikluhod sa paanan ni Jesus at paulit-ulit na nagmakaawa: “Ang aking munting anak na babae ay naghihingalo. Pakisuyo pong pumaroon kayo at ipatong ninyo sa kaniya ang inyong mga kamay upang siya’y gumaling at mabuhay.” Palibhasa siya’y bugtong na anak at 12 taóng gulang lamang, ang bata ay mahal na mahal kay Jairo.
Si Jesus ay tumugon at, kasa-kasama ang karamihan ng mga tao, nagtungo sa tahanan ni Jairo. Ating maguguniguni ang kaingay ng mga tao samantalang inaasam-asam nilang masaksihan ang isa pang himala. Subalit ang pansin ng isang babae na naroon sa karamihang iyon ay napatuon sa kaniyang sariling mabigat na problema.
May 12 mahahabang taon na inaagasan ang babaing ito. Siya’y nagpatingin sa marami ng doktor at ginugol ang lahat ng kaniyang salapi sa pagpapagamot. Subalit siya’y hindi natulungan; bagkus, lalong lumubha ang kaniyang problema.
Gaya ng marahil mauunawaan mo, bukod sa pinahina siya ng kaniyang sakit, ito ay nakahihiya rin naman at naglalagay sa isa sa hamak na kalagayan. Ang isa karaniwan na ay hindi nagsasalita sa publiko tungkol sa gayong karamdaman. Isa pa, sa ilalim ng Kautusang Mosaiko ang isang babaing may agas ay nagiging marumi, at sinumang humihipo sa kaniya o sa kaniyang mga kasuotan na tigmak-dugo ay nangangailangan na maghugas ng sarili at maging marumi hanggang sa kinagabihan.
Nabalitaan ng babae ang mga himala ni Jesus at ngayon ay kaniyang hinanap ito. Dahilan sa siya’y marumi, hangga’t maaari ay ayaw niyang mapansin siya ng karamihan samantalang siya’y nakikipaggitgitan, at ang sabi sa kaniyang sarili: “Kung mahihipo ko lamang ang kaniyang panlabas na mga kasuotan ay gagaling ako.” Nang kaniya ngang gawin iyon, agad-agad na naramdaman niya na gumaling ang kaniyang agas!
“Sino ba ang humipo sa akin?” Anong laki ng kaniyang kabiglaanan sa mga salitang iyon ni Jesus! Paano kaya nalalaman ito ni Jesus? ‘Guro,’ ang tutol ni Pedro, ‘iniipit ka at sinisiksik ka ng karamihan, at sasabihin mo pang, “Sino ang humipo sa akin?”’
Pagkatapos na magmasid sa palibot sa paghahanap sa babae, ganito ang sabi ni Jesus: “Mayroong humipo sa akin, sapagkat naramdaman ko na may umalis na bisa sa akin.” Oo nga, iyon ay hindi isang karaniwang paghipo, sapagkat ang paggaling na resulta niyaon ay nakabawas sa lakas ni Jesus.
Nang makita ng babae na siya’y napansin, ang babae ay lumapit at nagpatirapa kay Jesus, natatakot at nanginginig. Sa harap ng lahat ng tao roon, kaniyang inilahad ang buong katotohanan tungkol sa kaniyang karamdaman at kung paano siya ngayon ay gumaling.
Palibhasa’y naantig ang damdamin dahil sa kaniyang buong pagtatapat na iyon, may pagkahabag na siya’y inaliw ni Jesus: “Anak, ang iyong pananampalataya ang nagpagaling sa iyo. Humayo kang mapayapa, at gumaling ka buhat sa iyong malubhang sakit.” Anong buting malaman na yaong Isa na pinili ng Diyos na maghari sa lupa ay isang may mainit na damdamin at mahabagin, na may malasakit sa mga tao at gayundin may kapangyarihan na tumulong sa kanila! Mateo 9:18-22; Marcos 5:21-34; Lucas 8:40-48; Levitico 15:25-27.
◆ Sino si Jairo, at bakit siya naparoon kay Jesus?
◆ Ano ang naging problema ng isang babae, at bakit ang pagpunta kay Jesus para humingi ng tulong ay naging napakahirap para sa kaniya?
◆ Paano napagaling ang babae, at paano siya inaliw ni Jesus?