Isang Nagpapahalagang Matanda Na
Isang 79-anyos na babae sa Hapón ang napukaw na sumulat ng ganitong liham pagkatapos na mabasa ang Hunyo 1, 1987, labas ng Ang Bantayan sa temang “Sino ang Kakalinga sa Matatanda Na?”
Sa mga Kapatid na Aking Iginagalang,
Pagkatapos na pag-aralan ko ang Hunyo 1, 1987, na labas tungkol sa matatanda na, nakita kong ito’y may lubhang malaking pang-unawa at kabaitan. Nang sumapit ako sa parapo 11, kinuha ko ang aking panyolito sapagkat iyak na lamang ako ng iyak at hindi makahinto. Mga luha iyon ng matinding pasasalamat. Anong laking pag-ibig at kabaitan! Wala akong magawa kundi ang sinasabi ng Awit 150—purihin si Jah! Mapakumbabang inihahandog ko ang aking pinakamatitinding pasasalamat sa inyo mga kapatid sa paglalathala ng palaisip na mga artikulong ito tungkol sa pagpapakita ng kabaitan sa mga taong matatanda na, hanggang sa kaliit-liitang detalye. Mangyari pa, pinasasalamatan ko ang maiinam na artikulong inilalathala ninyo bawat buwan, at wala akong maisip na mga salita upang maipahayag ko ang aking hustong pagpapahalaga. Muli, salamat sa inyo.
Nakalulugod naman, lahat ng aking kakongregasyon ay totoong mapagmahal at mababait. Kanilang sinusundo ako at inihahatid ng kanilang mga kotse sa teritoryong iniatas na pangaralan namin, at dahilan sa kanilang kabaitan, ako’y isang auxiliary payunir. Sa araw-araw ay lubhang napapasalamat ako na ako ay narito sa gayong kahanga-hangang organisasyon na may proteksiyon.
Sa daigdig sa ngayon, na ang matatandang tao ay dumarami ngunit hindi gaanong minamahalaga, wala nang higit na magiging mahalaga pa kaysa mga pagpapala na tinatanggap natin buhat sa gayong maibiging Diyos. Aking dalangin na harinawang matulungan ko ang pinakamaraming mga tao hangga’t maaari upang matuto ng katotohanan at sila’y makigalak na kasama natin.
Purihin si Jehova at salamat sa inyo, mga minamahal kong kapatid. Pakisuyong ipagpaumanhin ninyo ang aking pangit na sulat-kamay, na ikinahihiya ko. Harinawang pagpalain kayo ni Jehova at pagkalooban kayo ng mabuting kalusugan.
Isang di-karapat-dapat na matandang babae,
[pirmado] Nogami
Mga salita at mga damdamin na katulad nito ang totoong nagpapatunay na ang tunay na pag-ibig Kristiyano ay walang nakikilalang hangganan o limitasyon man ng edad. Ang mga Saksi ni Jehova, bata man at matanda na, ay nagpapakilala ng kanilang pagkaalagad sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa sinabi ni Jesus: “Sa pamamagitan nito ay makikilala ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.”—Juan 13:35.