“Salitang Sinalita sa Tamang Panahon”
“Mistulang mga mansanas na ginto sa mga sisidlang pilak ang salitang sinalita sa tamang panahon para roon,” ang sabi ng Kawikaan 25:11. Ang ating maalalahaning mga salita at mga gawang kabaitan ay maaaring marahang umantig sa puso ng isang matuwid na tao upang lumakad sa landas na nakalulugod kay Jehova. Isang bagay na maaaring nasabi natin o ginawa, kahit marami nang taon ang lumipas, ang maaaring nagugunita pa rin ng isang tao. Halimbawa, samantalang dumadalaw sa isang kongregasyon, isang tagapangasiwa ng sirkito at ang kaniyang maybahay ang naging panauhin ng isang bagong kababautismong sister. Ang maybahay ng tagapangasiwa ng sirkito ay nagpadala ng isang card ng pasasalamat bilang pagpapahalaga sa ipinakita sa kanila na kagandahang-loob. Mahigit na pitong taon ang nakaraan, ganito ang tinanggap niyang liham:
“Inaakala kong kailangan kong sumulat at sabihin sa iyo ang naitulong mo sa akin sa nakalipas na mga taon bagama’t hindi mo talagang namamalayan ito. Aking inanyayahan ka at si Jim para sa kaunting salu-salo sa pananghalian, at pagkatapos ay pinadalhan mo ako ng isang napakagandang card ng pasasalamat. Ito’y napakataimtim, pero ang tekstong binanggit doon ang tumagos sa aking puso, at kailanman ay hindi ko nalilimot iyon. Ito’y noong 1976. Ako ang kaisa-isa sa aking pamilya na talagang interesado sa katotohanan. Inaaralan ko ang aking mga anak na babae at pinagsisikapan kong maging isang mabuting maybahay. Pero kung minsan ibig ko nang umatras, umatras sa katotohanan, umatras sa mga pananagutan—basta umatras. Subalit ang talata na isinulat mo ang bumabagabag sa aking puso, at sasabihin ko sa aking sarili, ‘Mapag-imbot ka naman,’ at saka nagpapatuloy na rin ako.
“Walang nag-iisang bagay sa buong walong taóng iyon ang nagkaroon ng napakalaking epekto sa akin kaysa rito, at ibig kong ibalita sa iyo ang tungkol doon. Bukod sa teksto, naisip ko na napakainam na ang sinumang napakaraming gawain na katulad mo ay magkakaroon pa ng panahon upang pasalamatan ako sa paggawa ng isang bagay na dapat ko namang ginagawa.
“Ah, siyanga pala—ang teksto—ito’y 2 Juan 8.
“Sandra”
Sa ngayon, ang asawa ni Sandra ay bautismado na at katulad na rin niya na isang mamamahayag ng mabuting balita. Isa sa kanilang dalawang anak na babae ay isang regular payunir, at yaon namang isa ay auxiliary payunir mula pa noong kamakailan nang magtapos siya sa high school.
At sa wakas, ano ba ang sinasabi ng 2 Juan 8? “Mag-ingat kayo sa inyong sarili, upang huwag ninyong iwala ang mga bagay na aming pinagpagalan, kundi upang tanggapin inyo ang isang lubos na kagantihan.”