Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Higit Pang Payo sa Pagtutuwid
SAMANTALANG naroon pa sa bahay sa Capernaum, may isang bagay pa na tinalakay bukod sa pagtatalu-talo ng mga apostol sa kung sino ang pinakadakila. Ang insedenteng ito rin naman ay maaaring naganap sa kanilang pagbabalik sa Capernaum, nang si Jesus ay hindi personal na naroroon. Si apostol Juan ay nag-uulat: “May nakita kaming isang tao na nagpapalabas ng mga demonyo sa pamamagitan ng paggamit ng iyong pangalan at pinagbawalan namin siya, sapagkat hindi natin siya kasama.”
Maliwanag na ang pagkamalas ni Juan sa mga apostol ay isang bukod-tanging de-titulong grupo ng mga tagapagpagaling. Kaya’t kaniyang inaakala na ang tao ay gumagawa ng makapangyarihang mga gawa sa di tamang paraan sapagkat siya’y hindi bahagi ng kanilang grupo.
Gayunman, si Jesus ay nagpayo: “Huwag ninyong pagbawalan siya, sapagkat walang taong gumagawa ng isang makapangyarihang gawa sa pangalan ko na pagdaka’y makapagsasalita ng masama tungkol sa akin; sapagkat ang hindi laban sa atin ay sumasa-atin. Sapagkat ang sinumang magpainom sa inyo ng isang sarong tubig dahil sa kayo’y kay Kristo, katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi mawawala sa anumang paraan ang ganti sa kaniya.”
Hindi naman kinakailangan na ang taong ito’y literal na sumunod kay Jesus upang mapasa-kaniyang panig. Ang kongregasyong Kristiyano ay hindi pa naitatayo noon, kaya’t ang hindi niya pagiging bahagi ng kanilang grupo ay hindi nangangahulugan na siya’y nasa isang bukod na kongregasyon. Ang tao sa totoo naman ay may pananampalataya sa pangalan ni Jesus at sa gayo’y nagtagumpay sa pagpapalabas ng mga demonyo. Siya’y gumagawa ng isang bagay na maihahambing at kasuwato ng sinabi ni Jesus ay karapat-dapat sa isang gantimpala. Sa paggawa nito, ayon sa ipinakita ni Jesus, hindi niya iwawala ang kaniyang gantimpala.
Subalit kumusta naman yaong taong natisod ng mga salita at mga gawa ng mga apostol? Ito’y totoong maselang! Ganito ang itinawag-pansin ni Jesus: “Ang sinumang magbigay ng ikatitisod sa maliliit na ito na sumasampalataya sa akin, mabuti pa sa kaniya kung bitinan ang kaniyang leeg ng isang malaking gilingang bato na gaya ng pinipihit ng isang asno at siya’y aktuwal na ihagis sa dagat.”
Sa kaniyang mga tagasunod ay sinabi ni Jesus na dapat nilang alisin sa kanilang buhay ang anuman na kasinghalaga sa kanila ng isang kamay, isang paa, o isang mata na maaaring magpatisod sa kanila. Mas mabuti ang wala nitong minamahalagang mga bagay na ito at pumasok ang isa sa Kaharian ng Diyos kaysa manatili siyang mayroon nito at napapabulid naman sa Gehenna (isang nagliliyab na tapunan ng basura malapit sa Jerusalem), na sumasagisag sa walang-hanggang pagkapuksa.
Si Jesus ay nagbabala rin: “Ingatan ninyo na kayong mga tao’y huwag ninyong pawalang-halaga ang isa sa maliliit na ito; sapagkat sinasabi ko sa inyo na ang kanilang mga anghel sa langit ay nakakakitang palagi ng mukha ng aking Ama na nasa langit.” Pagkatapos ay ipinaghahalimbawa niya ang pagiging mahalaga ng “maliliit” na ito nang ilahad niya ang tungkol sa isang tao na mayroong 100 tupa subalit nawala ang isa. Iiwan ng taong iyon ang 99 upang hanapin ang isang nawala, ang sabi ni Jesus, at pagka kaniyang natagpuan iyon ay magagalak siya roon higit kaysa 99. “Gayundin naman,” ang sabi ngayon ni Jesus, “hindi nga kalooban ng aking Amang nasa langit na ang isa sa maliliit na ito ay mapahamak.”
Marahil ang sumasaisip ay ang pagtatalu-talo ng kaniyang mga apostol, kaya ipinayo ni Jesus: “Taglayin ninyo sa inyong sarili ang asin, at kayo’y manatiling may pakikipagpayapaan sa isa’t isa.” Ang walang lasang mga pagkain ay napasasarap kung iyon ay lalagyan ng asin. Sa gayon, dahil sa makasagisag na asin ay nagiging lalong madaling tanggapin ang sinasabi ng isang tao. Ang pagkakaroon ng gayong asin ay tutulong upang mapanatili ang kapayapaan.
Subalit dahilan sa di-kasakdalan ng tao, kung minsan ay may nangyayaring malulubhang pagtatalu-talo. Si Jesus ang nagbigay rin naman ng mga panuntunan para sa pagsunod sa mga iyon. “Kung magkasala ang iyong kapatid,” ani Jesus, “pumaroon ka’t ipakilala ang kaniyang kasalanan nang ikaw at siya lamang. Kung pakinggan ka, nabawi mo ang iyong kapatid.” Kung hindi siya makinig, ganito ang payo ni Jesus, “magsama ka ng isa o dalawa pa, upang sa bibig ng dalawa o tatlong saksi ay mapatunayan ang bawat bagay.”
Tangi lamang bilang isang huling remedyo, ang sabi ni Jesus, na ang bagay na iyon ay dapat dalhin sa “kongregasyon,” samakatuwid nga, sa responsableng mga tagapangasiwa ng kongregasyon na maggagawad ng makatarungang hatol. Kung ang nagkasala ay hindi susunod sa kanilang disisyon, ganito ang sa wakas ay sinabi ni Jesus: “Ituring mo siyang basta isang tao ng mga bansa at isang maniningil ng buwis.”
Sa paggawa ng gayong disisyon, ang mga tagapangasiwa ay kailangang humawak nang mahigpit sa mga tagubilin sa Salita ni Jehova. Sa gayon, pagka nakatagpo sila ng isang tao na nagkakasala at nararapat na parusahan, ang hatol ay ‘natalian na sa langit.’ At pagka kanilang “kinalagan sa lupa,” na nakakita sila ng isang walang kasalanan, iyon ay “nakalagan na sa langit.” Sa gayong paglimilimi ng mga hahatol, sinabi ni Jesus, “kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon na sama-sama sa aking pangalan, naroon ako sa gitna nila.” Mateo 18:6-20; Marcos 9:38-50; Lucas 9:49, 50.
◆ Bakit hindi na kinakailangan noong kaarawan ni Jesus na sumama pa sa kaniya?
◆ Gaano kalubha ang pagtisod sa isang maliit, at paano ipinaghalimbawa ni Jesus ang kahalagahan ng gayong maliliit?
◆ Ano marahil ang nagbunsod kay Jesus na palakasing-loob ang mga apostol na magkaroon ng asin sa kani-kanilang sarili?
◆ Ano ang kahulugan ng ‘pagtatali’ at ‘pagkakalag’?