Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Pinagpapala ni Jehova ang mga Nag-iingat ng Katapatan sa Cyprus
SINABI ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Kung ako’y kanilang pinag-usig, kayo rin ay pag-uusigin nila.” (Juan 15:20) At si Jehova, sa pamamagitan ni propeta Isaias ay nagsabi: “Anumang armas na gagawin laban sa iyo ay hindi magtatagumpay.” (Isaias 54:17) Ang mga kapahayagang ito ay napatunayang kapuwa totoo sa Cyprus, kung saan ang nag-iingat ng katapatan na mga Saksi ni Jehova ay abala ng pangangaral ng mabuting balita.
◻ “Ang Simbahang Greek Orthodox ay naging labis-labis na masigasig sa pagsisikap na sirain ang aming gawain,” ang sabi ng isang report buhat sa bansang iyan. “Ang mga pari ay namamahagi ng mga pulyeto na umaakusa sa atin ng lahat ng uri ng mga bagay at sinasabihan nila ang mga tao na huwag makipag-usap sa mga Saksi ni Jehova. Dinadalaw pa mandin nila ang mga tao na nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi at sinisikap nila na sirain ang loob ng mga ito. Sa Paphos, isang paring-teologo ang sumubok na kumbinsihin ang tatlong iba’t ibang tao na huminto na ng pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Sa iba’t ibang pagkakataon bawat isa sa tatlong ito ay nag-anyaya ng isang kapatid na makikipag-usap sa teologong ito. Nakatutuwa naman, lahat silang tatlo ay mga masisigasig na ngayong nakikiugnay sa organisasyon ni Jehova.” Mangyari pa, ito’y kinayamutan ng pari, na nagsabi: “Kailanma’y hindi na ako makikipagdiskusyon sa mga Saksi ni Jehova.” May mga pari na lumabis hanggang sa punto na pagbuhatan nila ng kamay ang ilan sa mga kapatid samantalang sila’y naglilingkod sa ministeryo. Datapuwat, kadalasan ang pagsisikap ng klero ay bumabalandra, at lalong maraming mga tao ngayon ang naninindigan sa panig ni Jehova.
◻ Ang sumusunod na karanasan buhat sa Cyprus ay nagpapakita na ang pananatiling tapat sa ilalim ng pananalansang ay nagdadala ng mga pagpapala. Ang asawa ng isang babae ay napatay noong digmaan ng 1974, at siya’y naiwan na may isang munting anak na babaing palalakihin. Ang babaing ito ay muling nag-asawa. Palibhasa’y wala nang tiwala dahilan sa pagpapaimbabaw ng klero at sa kawalang kasiguruhan ng kinabukasan, siya’y pumayag na makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Siya’y sumulong nang mabilis at nagsimulang ibalita sa kaniyang mga kamag-anak ang mabubuting bagay na natututuhan niya. Nagsimula naman ang pananalansang. Ang pinakamalaking pagsubok ay dumating nang ang kaniyang 15-anyos na anak na babae ay nagsabi: “Naulila na ako sa aking ama, at kung hindi ka pa hihinto ng pakikipag-aral sa mga Saksi ni Jehova, itatakwil kita bilang aking ina. Ako’y magiging isang ulila.” Gayumpaman, ang babae ay nagpatuloy ng pakikipag-aral.
Isang araw ang anak na babae ay dumalaw sa isang kaibigan sa ospital. Sa kasunod na kama sa ospital, isang Saksi ang dumadalaw sa kaniyang kamag-anak nang sádarating ang isang pari upang dumalaw sa pasyente ring iyon. Nagsimula ang isang pag-uusap sa pagitan ng brother at ng pari. Ang kapatid na lalaking iyon ay mahinahon at mataktika, ginagamit ang Bibliya upang ipaliwanag ang kaniyang paninindigan. Sa kabilang panig naman, ang pari ay agresibo. Siya’y nagsalita sa mataas na tono, subalit minsan man ay hindi siya nagbuklat ng Bibliya. Pinagmasdang mainam ng batang babae ang pag-uusap na iyon at siya’y humanga sa kabaitan ng brother at sa bagay na ginamit niya ang Bibliya. Nang gabi ring iyon, nang ang brother at ang kaniyang maybahay ay dumalaw sa ina ng nasabing batang babae para sa pag-aaral ng Bibliya, ipinaliwanag ng batang babae ang nangyari sa ospital at tinanong sila: “Puwede ho bang aralan din ninyo ako?” Bueno ang batang babae ay nag-aaral ngayon nang dalawang beses isang linggo, at pati na ang asawang lalaki ay nag-aaral din. Ang ina ay isang bautismadong mamamahayag.
Tunay, pinagpapala ni Jehova ang nag-iingat ng katapatang mga lingkod niya sa Cyprus!
[Larawan sa pahina 7]
Sa Paphos ay napaharap din sa pananalansang si apostol Pablo