Ang Hiwaga ng mga Pintuang-Bayan
MARAMING mga tao ang naiintriga ng isang hiwaga—isang istorya na may palaisipan, may mga himatong na maaaring mabasa sa sarisaring paraan, at isang sorpresa ang katapusan, baka ang pagkasumpong ng isang kayamanan. Kung isa ka roon, makatutuwaan mo ‘Ang Hiwaga ng mga Pintuang-bayan.’
Ang hiwagang ito ay nagsimulang mapabunyag sa Megiddo, isang estratehikong siyudad na dominante sa pangangalakal at sa mga rutang militar sa sinaunang Gitnang Silangan. Ang mga arkeologo ay nakahukay ng mga labi ng isang dambuhalang pananggalang na pintuang-bayan, na ang ebidensiya sa kanila ay mula pa ito noong panahon ni Solomon. Ano ba ang hitsura niyaon? Ang mga himatong ay nagsimula.
Masdan mo sa kanan ang modelo ng sinaunang Megiddo, at lalo na sa lugar ng itinampok na pintuang-bayan. Ang isang sinaunang manlalakbay o isang umaatakeng hukbo na paakyat sa daan patungo sa nakukutaang siyudad ay unang dumadating sa isang pintuan sa harap. Sa loob niyan ay naroon ang isang plasa, o looban. Dito ang anumang mga sasalakay ay mapapabilad samantalang sila’y umaabante at kumakaliwa upang marating ang malaking pintuan na nagsisilbing depensa, na siyang pinakasentro ng ating hiwaga.
Nakukutaang mga tore ang pinaka-harapang tagiliran ng pintuan. Ang buong kayarian ng pintuan ay yari, hindi sa bato o ladrilyo, kundi yari sa ashlar (maingat na tinabas sa mga bloke ng bato) na uso noong panahon ni Solomon. Subalit may naiibang istilo sa loob ng pintuang-bayan. Sa mga tagiliran ng isang mahabang bestibulo ay mayroong pagkalalaking pilastra, o mga haliging bato, na bumubuo ng anim na kamara at kung saan maaaring mag-istasyon ng mga guwardiya. (Ihambing ang Ezekiel 40:6, 10, 20, 21, 28, 29.) Kung normal ang panahon, ang isang karo o grupo ng mga mangangalakal ay madaling makalalampas, subalit iba na ang usapan kung ang mga mang-aatake ay makaraan sa mabibigat at malalaking mga pinto. Ang mga haliging bato ay puwersahang magtataboy sa mga umaatake para mapapunta sila sa isang makitid na daanan, upang mapaharap sa hukbo ng mga sandatahang lalaki, ang pinakamahuhusay sa hukbo ng Megiddo, sa mga kamara sa kanan at sa kaliwa.
Ngayon ang hiwaga ay napapalipat naman sa gawing hilaga ng dagat ng Galilea sa burol, o bunton, ng sinaunang Hazor, na kung saan si Propesor John Garstang ay naghukay noong 1928. Ang arkeologong Israeli na si Yigael Yadin ay bumaling sa malaking bunton na ito noong 1955. Ang nasa isip niya ay isang Biblikal na pangungusap na ganito ang sinasabi: “Ito ang pag-uulat tungkol sa mga kinalap para sa puwersahang pagtatrabaho na ginawa ni Haring Solomon upang maitayo ang bahay ni Jehova at . . . ang pader ng Jerusalem at ang Hazor at ang Megiddo at ang Gezer.” (1 Hari 9:15) Waring makatuwiran na ang mga inhenyero ni Solomon ay may susunding isang pinagkokopyahang plano para sa nakakatulad na portipikasyon sa mga ibang lunsod na kanilang itinayong muli. Mayroon ba ng gayong mga pintuang-bayan ni Solomon sa Hazor?
Habang lumalalim ang paghuhukay ng mga manggagawa ni Yadin, sila’y nakatuklas ng isang pader na casemate, isang dobleng pader na may mga kuwarto sa pagitan. Pagkatapos ay isang malaking kayarian na konektado sa mga pader ang nagsimulang lumitaw. Ang sabi ni Yadin: “Agad natalos namin na aming natuklasan ang pintuang-bayan. . . Isa pa, hindi nagtagal at nakita na ang plano ng pintuang-bayan—na binubuo ng anim na kamara at dalawang tore—pati na ang mga sukat nito ay kaparis din niyaong pintuang-bayan na nadiskubre [maraming taon] ang aga sa Megiddo . . . Lalong tumindi ang pagkakatuwaan sa aming kampo . . . Aming tinalunton ang plano ng pintuang-bayan ng Megiddo sa lupa, aming nilagyan iyon ng mga tanda upang makilala ang mga sulok at mga pader, at inutusan namin ang aming mga manggagawa na sa paghukay ay sundin ang mga palatandaang iyon, na nangangako: ‘dito’y makakasumpong kayo ng isang pader,’ o ‘doon ay makakasumpong kayo ng isang kamara.’ Nang ang aming ‘mga hula’ ay magkatotoo, lalo kaming napabantog . . . Nang aming basahin [sa kanila] ang talata sa Bibliya tungkol sa mga aktibidades ni Solomon sa Hazor, Megiddo at Gezer, umurong ang aming katanyagan, ngunit tumaas naman hanggang langit ang sa Bibliya!”—Hazor: The Rediscovery of a Great Citadel of the Bible.
Wari nga na ang hiwaga ng mga pintuang-bayan ay nalutas na ayon sa inaasahan ayon sa mga pahiwatig sa Bibliya. Subalit, kumusta naman ang Gezer, sa gawing timog? Batid ni Yadin na nang ang Irelandes na arkeologong si R. A. S. Macalister, na maghukay doon noong pagitan ng 1902 at 1909, ay walang natuklasang anuman na may kinalaman kay Solomon. Mayroon kayang importanteng mga himatong na hindi napansin sa tinatawag pati na ni Yadin na “Ang Hiwaga ng Gezer”?
Ibinibida niya: “Ang mga natuklasan sa Hazor at ang tanyag na talata sa 1 Hari ay umakay sa akin na gumawa ng panibagong pagsusuri sa report ni Macalister sa pag-asang makatagpo ng isang pintuang-bayan. Maguguniguni ang aking pagkamangha at walang katulad na katuwaan nang . . . makakita ako ng isang plano . . . na pinamagatang ‘Plano ng Maccabeanong Kastilyo ng Gezer.’” Ang petsang ibinigay ni Macalister sa mga labi ng “kastilyo” na iyon ay yaong panahon ng rebelyon ng mga Judiong Maccabeo (ikalawang siglo B.C.E.). Subalit inakala ni Yadin na nakakakita siya sa lumang drowing na ito ng isang pader na ‘casemate, isang panlabas na bahay sa pader at lalong higit na mahalaga ay yaong animo’y kalahati ng isang pintuang-bayan ng isang lunsod, katulad na katulad niyaong nasumpungan sa Megiddo at sa Hazor.’ Si Yadin ay naglathala ng isang artikulo batay sa mga himatong na ito. Nang maglaon, si Dr. William G. Dever ay naghukay sa Gezer. Ang resulta? Natutuwang sumulat si Dever: “Muling itinayo nga ni Solomon ang Gezer!” O tulad ng sinabi ni Yadin: “Tiyak na tiyak, yaong kakabiyak ng pintuang-bayan ay hindi lamang natagpuan ng grupo ni Dever, kundi ang estratigrapiya at mga palayok ay lubusang nagpapatotoo na ang complex ay itinayo noong panahon ni Solomon.”
Kaya nalutas ang hiwaga. Ganito ang puna ni Yadin sa The Biblical Archeologist (Tomo XXXIII, 1970, 3): “Sa tulong ng maikling talata sa Bibliya buhat sa mga Hari, ang mga kuta ni Solomon, na magkakapareho ang plano sa tatlong lunsod, ay natagpuan at natukoy ang petsa.” “Tunay, wari nga na walang halimbawa sa kasaysayan ng arkeolohiya na kung saan ang isang talata ay nakatulong ng malaki sa pagkilala at pag-alam ng petsa ng mga kayarian sa marami sa pinakaimportanteng mga bunton . . . gaya ng naitulong ng 1 Hari 9:15.”
[Mga larawan sa pahina 25]
Batay sa 1 Hari 9:15, ang mga arkeologo ay nakasumpong sa Hazor ng isang pintuang-bayan na kasinlaki at kasingkorte niyaong nasa Megiddo
[Mga larawan sa pahina 26]
Isang pang-itaas na bista ng pintuang-bayan sa Gezer. Ipinakikita ng drowing ang unang natuklasan (solidong guhit) at yaong natuklasan mga 60 taon ang nakalipas (putul-putol na guhit)
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
[Picture Credit Line sa pahina 24]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.