Ang Pamilya sa Isang Nag-aalinlangang Daigdig
Maraming sinasabi ang Bibliya tungkol sa mga pamilya. Sinasabi nito na ang pamilya’y dapat nakasalig sa pag-ibig at na ang permanenteng pagtatalaga ng dalawang tao sa isa’t isa at sa kanilang mga anak ay nasasangkot. (Mateo 19:4-6) Kahit na sa gitna ng mga lipunang hindi nakakikilala sa Bibliya ni sumusunod man sa mga simulain nito, ang 6,000 taon ng karanasan ng tao ay nagpatunay ng kahalagahan ng pamilya.
Gayunman maraming mga kabataan, na ang nakikita’y yaong nakikita sa mga lathalain, sa mga aklat at sa telebisyon, ang nag-aalinlangan sa kahalagahan ng pag-aasawa sa ngayon. Inaakala ng iba na ang pag-aasawa’y sumusupil ng iyong kalayaan at iniisip nila na ang pagiging malinis sa moral bilang isang taong tapat sa ibang tao ay naglalagay ng hangganan sa kanilang “kalayaan.” Palibhasa’y nag-aalinlangan sila sa dating moralidad, ngayon ay nagtataguyod sila ng isang “bagong” moralidad—ang totoo’y wala kundi ang dating imoralidad na may bagong pangalan lamang. Sila’y nakikisama ng pamumuhay sa isang tao na hindi talaga nakatalaga sa pagtatayo ng isang panghabambuhay na pagsasama na may pag-iibigan, pagtitiwalaan at pagkakaisa.
Lumilipas ang panahon. Sila’y tumatanda. Kung magkagayon, sa mga sandaling talagang kailangan nila ang pag-uukol sa isa’t isa ng katapatan at pagtangkilik na sana’y nalinang nila, malimit na nararanasan nila na sila’y itinatakuwil, nag-iisa at wasak ang puso. Saka lamang nila matatanto na ang kabilang tao ay hindi rin nagtalaga ng kaniyang sarili at walang layuning suklian iyon ng panahon, pag-ibig at debosyon kapag talagang kinakailangan ang mga ito.
Batid ng Diyos ang ating pagkalalang. Batid niya kung ano ang pinakamagaling para sa atin. Ang kaniyang mga prinsipyo sa moral ay hindi maaaring ipagwalang-bahala o tabigin nang hindi nagbubunga nang masama. Ito’y isang tunay na katotohanan, anuman ang sabihin ng isang nag-aalinlangang daigdig.