“Punô ng mga Pangalang Pamumusong”
SA AKLAT ng Bibliya na Apocalipsis ay inilalarawan ang isang pangitain na “isang matingkad-pulang mabangis na hayop na punô ng mga pangalang pamumusong.” Ito’y umiiral sandali, pagkatapos ay nagtutungo sa kalaliman at mula roo’y umaahon ito pagtatagal-tagal. (Apocalipsis 17:3, 8) Malimit, sa mga pahina ng magasing ito ay ipinakilala na kung sino ang matingkad-pulang hayop na ito na, sa simula, tumutukoy sa Liga ng mga Bansa at, pagkatapos, sa kahalili nito, ang United Nations. Subalit bakit nga ba sinabing ang matingkad-pulang hayop ay “punô ng mga pangalang pamumusong”?
Ang unang borador ng Kasunduan ng Liga ng mga Bansa, salig sa magkasanib na mungkahi ng Britanya at ng Amerika, ay inihayag sa publiko noong Pebrero 14, 1919. Kinabukasan, sa isang editoryal na pinamagatang “Ang Liga ng Kapayapaan,” sinabi ng The Times ng London: “May katuwirang ipagmalaki at kilalanin na sa Tipan ang mga Ingles ang may malaking bahagi sa paggawa nito. . . . Kami’y mangangahas magsabi na ito ang pinakamahalagang internasyonal na dokumentong napalathala kailanman.” Si George Thayer, isang ministro ng First Congregational Church of Cincinnati sa Estados Unidos, ay nagsabi na ito “ang pinakadakilang deklarasyon ng kalooban at hangarin ng sibilisadong mga tao sa lupa na kailanman ay naisulat.” Pinuri rin ito ng mga pahayagang may iba’t ibang wika. “Ito’y hindi isang Bibliya,” ang sabi ng Pranses na peryodikong L’Homme Libre, “subalit ito’y maaaring higit pa sa riyan, yamang ang Bibliya, o sinumang Ebanghelista ay hindi kailanman nakahadlang sa mga tao sa pagpapatayan. Ang mithiin ay natutupad.” Sinabi naman ng Pranses na pahayagang Victoire na ito “ang pinakadakilang sama-samang pagsisikap na nakita kailanman sapol nang pasimula ng daigdig upang maitatag ang katuwiran at katarungan sa lupa.”
Pagkatapos na maitatag ang Liga ng mga Bansa, si Heneral Jan Smuts, isa sa mga kinatawan ng Britanya sa komisyong iyon, ay sumulat: “Ang kasunduan ay isa sa pinakadakilang nayaring dokumento sa kasaysayan ng tao. . . . Ito’y magtatagumpay, sapagkat wala nang ibang paraan para sa kinabukasan ng sibilisasyon. . . . Isa’t isa ang mga bayan na hindi pa kasali sa kasunduan ay sasailalim na rin ng bandila nito at sa ilalim ng bandilang ito ang lahi ng sangkatauhan ay susulong tungo sa tagumpay ng mapayapang organisasyon ng naipagwaging hangarin.”
Lahat ng ganiyang inaasahan ay napatunayang bigo nang magsiklab ang Digmaang Pandaigdig II noong 1939. Ang Liga ay nabigo. Iyon ay isa lamang organisasyon ng tao na binubuo ng mga taong di-sakdal. Ganiyan din ang kahalili niyaon, ang United Nations. Gayunman, noong araw na lagdaan ang UN Charter, isang editoryal sa The New York Times ang nagkabit doon ng etiketang “ang punungkahoy ng kapayapaan” at nagsabi, “Isang dakilang pag-asa ang sumilang . . . Dakilang mga bagay ang marahil darating.” Sa katulad na paraan, ang mga pinuno ng simbahan ay nagkabit sa UN ng etiketang “ang tanging pag-asa” para sa kapayapaan at “ang huling pag-asa.”
Isang pamumusong ang sabihing mga organisasyon ng tao ang makagagawa ng mga bagay na tanging ang Kaharian lamang ng Diyos ang makagagawa. Kaya, inihula ng Bibliya na pagkatapos ng sandaling pag-iral, ang United Nations ay tutungo sa “pagkawasak.” Tanging ang sakdal na makalangit na pamahalaan ng Diyos ang makapagdadala ng walang-hanggang kapayapaan sa sangkatauhan.—Apocalipsis 17:11, 12; Isaias 9:6, 7; Daniel 2:44.