Codex Bezae—Isang Pambihirang Manuskrito
SI THÉODORE DE BÈZE, isang kilalang iskolar na Pranses ng Kasulatang Griego Kristiyano, ay isang matalik na kasama at kahalili ng repormistang Protestanteng si John Calvin. Noong taóng 1562, si Beza, gaya ng higit na karaniwang pagkakilala sa kaniya, ay naglabas sa liwanag ng isang pambihirang sinaunang manuskrito. Ayon sa kaniya ay kinuha niya iyon sa monasteryo ni “San” Irenaeus sa Lyons, Pransiya, pagkatapos na ang lunsod ay pagsamantalahan ng mandarambong na mga Huguenots. Ang dako na pinagmulan nito ay malabo, subalit ang Hilagang Aprika o Ehipto ang malamang na siyang pinanggalingan nito.
Ang codex ay may sukat na dalawampu’t lima por dalawampung sentimetro at ang karaniwang paniwala’y ang petsang ito ay mula pa noong ikalimang siglo C.E., medyo huli ng kaunti kaysa Sinaitic, Vaticano, at Alexandrine na mga manuskrito. Ito’y may 406 na mga dahon at ang laman nito ay yaon lamang apat na Ebanghelyo at Mga Gawa ng mga Apostol, at may mga ilang puwang. Subalit sa Codex Bezae ay marahil ang orihinal ay may kasaling mga ibang liham, sapagkat mayroon ito ng isang bahagi ng ikatlong liham ni Juan. Ang mga Ebanghelyo ni Mateo at ni Juan ay nauuna kaysa kay Lucas at Marcos.
Ang manuskrito ay isang sinaunang halimbawa ng isang tekstong dalawahang-wika, ang Griego’y nasa kaliwang pahina at ang Latin naman ay nasa kanan. Marahil ito ay isang kopya ng isang manuskritong papiro na may sinaunang teksto, nahahawig sa mga iba pang papiro noong ikatlo o ikaapat na mga siglo na kilala bilang P29, P38, at P48.
Isinulat sa mariin, eleganteng mga uncials (mga kapital), ang Codex Bezae ay hindi patu-patuloy sa pahina. Ito’y nakasulat sa mga linya na hindi pare-pareho ang haba, kung kaya’t ang katapusan ng bawat linya ay kumakatawan sa isang sandaling paghinto sa pagbabasa. Ang Latin ay nasusulat sa istilo ng mga letrang Griego, at ang teksto ay ibinagay sa mga pagbasang Griego sa maraming kaso. Ang tekstong Griego, sa kabilang panig naman, ay medyo naiiba at itinuwid ng maraming kamay, kasali na yaong sa orihinal na mga eskriba.
Ang Codex Bezae ay may uncial na pangalang “D.” Ito ay ibang-iba at walang anumang kinalaman sa lahat ng mga iba pang pangunahing mga manuskrito. Gaya ng ipinakikita ng mga talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures, ang codex kung minsan ay kasuwato at kung minsan naman ay hindi kasuwato ng Sinaitic (א), ng Vaticano (B), at ng Alexandrine (A) na mga codex. Ang mga kahalagahan ng codex na ito ay naroroon sa bagay na pinatutunayan nito ang mga iba pang importanteng mga manuskrito sa halip na sa taglay nitong mga kapuna-punang mga omisyon at adisyon.—Tingnan ang mga talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References, sa Mateo 23:14; 24:36; 27:49; Marcos 7:16; 9:44, 46; 11:26; Lucas 15:21; Juan 5:4.
Sa kabila ng mga ilang di-karaniwang mga pagbasa at mga pagkakaiba, ang Codex Bezae ay isa pang mainam na katibayan ng pagkapag-ingat sa Bibliya hanggang sa ating kaarawan.
[Picture Credit Lines sa pahina 24]
Sa itaas: Sa pahintulot ng Syndics of Cambridge University Library
Sa kaliwa: Sa kagandahang-loob ng Trustees of the British Museum