Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
“Karapat-dapat Siya sa Kamatayan”
SI Jesus, nagagapos na tulad ng isang karaniwang kriminal, ay dinala kay Annas, ang maimpluwensiyang dating mataas na saserdote. Si Annas ay mataas na saserdote nang ang mga rabbing guro sa templo ay manggilalas sa 12-taóng gulang na batang si Jesus. May mga anak na lalaki si Annas na nang malaunan ay naglingkod bilang mataas na saserdote, at sa kasalukuyan ang kaniyang manugang na si Caifas ang nasa puwestong iyan.
Marahil si Jesus ay unang dinala sa tahanan ni Annas dahilan sa ang punong saserdoteng iyan ay matagal ding naging prominente sa relihiyon ng mga Judio. Ang ganitong paghinto nila roon upang makipagkita kay Annas ay nagbigay ng pagkakataon upang tipunin ng Mataas na Saserdoteng si Caifas ang mga kagawad ng Sanedrin, ang 71-miyembrong mataas na hukumang Judio, at kumuha rin naman ng mga bulaang saksi.
Ang punong saserdoteng si Annas ay nagtatanong ngayon kay Jesus tungkol sa kaniyang mga alagad at tungkol sa kaniyang pagtuturo. Gayunman, sinabi ni Jesus bilang tugon: “Ako’y hayagang nagsalita sa sanlibutan. Ako’y laging nagtuturo sa sinagoga at sa templo, na kung saan lahat ng mga Judio ay nagkakatipon; at wala akong sinalita sa lihim. Bakit mo ako tinatanong? Tanungin mo ang mga nakarinig ng aking sinalita sa kanila. Narito! Ang mga ito ang nakaaalam ng aking sinabi.”
At kapagdaka, isa sa mga punong kawal na nakatayo roon malapit kay Jesus ang sumampal sa kaniya, na ang sabi: “Ganiyan ba ang pagsagot mo sa punong saserdote?”
“Kung ako’y nagsalita nang masama,” tugon ni Jesus, “patotohanan mo ang kasamaan; ngunit kung mabuti, bakit mo ako sinampal?” Pagkatapos ng pag-uusap na ito, si Jesus ay gapós na ipinadala ni Annas kay Caifas.
Sa sandaling ito lahat ng mga punong saserdote at mga matatandang lalaki at mga eskriba, oo, ang buong Sanedrin, ay nagsisimulang magkatipon. Ang kanilang dakong pinagtitipunan ay maliwanag na ang tahanan ni Caifas. Gayunman, ang gayong paglilitis sa gabi ng Paskuwa ay maliwanag na labag sa kautusang Judio. Ngunit ito’y hindi nakapigil sa mga pinunong relihiyoso na isagawa ang kanilang buktot na layunin.
Nangyari na, mga ilang linggo bago pa binuhay ni Jesus si Lazaro, ang mga kagawad ng Sanedrin ay nagpasiya na sa kanilang sarili na siya’y kailangang mamatay. At dalawang araw lamang bago noon, noong Miyerkules, ang mga maykapangyarihang relihiyoso ay nangagsanggunian upang dakpin si Jesus sa pamamagitan ng tusong pakana upang mapatay siya. Akalain mo ba, tunay na siya ay hinatulan na bago siya nilitis!
Ngayon ay nagsikap na makakita ng mga saksing titistigo nang walang katotohanan upang makapagbangon ng sumbong laban kay Jesus. Subalit, hindi nakakita ng mga saksing magpapatotoo na kaayon ng kanilang pagpapatotoo. Sa wakas, dalawa ang humarap at nagsabi: “Narinig naming sinabi niya, ‘Aking igigiba ang templong ito na gawa ng mga kamay at sa loob ng tatlong araw ay itatayo ko ang isa naman na hindi gawa ng mga kamay.’ ”
“Wala ka bang masasabing anuman?” ang tanong ni Caifas. “Ano ba ang sinasaksihan ng mga ito laban sa iyo?” Ngunit si Jesus ay hindi umimik. Kahit na sa maling bintang na ito, sa ikinapahiya ng Sanedrin, ang mga saksi ay hindi magkaisa-isa sa kanilang sinasabi. Kaya sinubukan naman ng mataas na saserdote ang isang naiibang pamamaraan.
Batid ni Caifas na totoong maramdamin ang mga Judio kung tungkol sa kaninumang nag-aangking ang mismong Anak ng Diyos. Sa dalawang naunang pagkakataon, padalus-dalos na ikinapit nila kay Jesus ang tawag na isang mamumusong na karapat-dapat sa kamatayan, minsa’y maling naguniguni nila na siya’y nag-aangkin na kapantay ng Diyos. Ngayon ay nagharap si Caifas ng isang tusong kahilingan: “Sa ngalan ng Diyos na buháy ikaw ay pinasusumpa ko na sabihin sa amin kung ikaw nga ang Kristo na Anak ng Diyos!”
Anuman ang isipin ng mga Judio, si Jesus ay talagang siyang Anak ng Diyos. At ang hindi pag-imik ay maaaring ipangahulugang itinatatuwa niya ang kaniyang pagiging ang Kristo. Kaya buong tibay-loob na tumugon si Jesus: “Ako nga; at makikita ninyong mga tao ang Anak ng tao na nakaupo sa gawing kanan ng kapangyarihan at napaparitong may kasamang mga ulap sa kalangitan.”
Sa sandaling ito, sa isang dramatikong pagtatanghal, hinapak ni Caifas ang kaniyang kasuotan at ang bulalas: “Siya’y namusong! Ano pa at kailangan pa natin ng mga saksi? Narito! Ngayon ay narinig ninyo ang pamumusong. Ano ba ang inyong opinyon?”
“Karapat-dapat siya sa kamatayan,” ang pahayag ng Sanedrin. At nang magkagayo’y ginawa nilang siya’y maging katatawanan, at sila’y nagsabi ng maraming mga bagay bilang pamumusong laban sa kaniya. Kanilang sinampal siya sa mukha at niluraan iyon. Ang iba naman ay tinakpan ang kaniyang buong mukha at kanilang pinagsusuntok siya at tinuya: “Manghula ka sa amin, ikaw na Kristo. Sino ba ang sumampal sa iyo?” Ang ganitong mapang-abuso, labag-sa-kautusan na iginawi nila ay naganap sa panahon ng paglilitis nang kalaliman ng gabi. Mateo 26:57-68; 26:3, 4; Marcos 14:53-65; Lucas 22:54, 63-65; Juan 18:13-24; 11:45-53; 10:31-39; 5:16-18.
◆ Saan unang dinala si Jesus, at ano ang nangyari sa kaniya roon?
◆ Pagkatapos ay saan naman dinala si Jesus, at sa anong layunin?
◆ Papaano nahikayat ni Caifas ang Sanedrin upang ipahayag na si Jesus ay karapat-dapat sa kamatayan?
◆ Anong mapang-abuso, labag-sa-kautusan na paggawi ang naganap sa panahon ng paglilitis?