Ang Modernong “Yungib ng mga Magnanakaw”
SA MAGASING Natural History, ang propesor ng antropolohiya na si Colin Turnbull ay naglahad ng kaniyang mga karanasan bilang isang turista sa Jerusalem. Sinabi niya na ang “espiritu ng Pasko” na nagsimulang tumubo sa kaniya “ay dagling nanlamig” nang kaniyang mapagmasdan ang mga tindahan sa siyudad na “punô ng mga sukal na ipinagbibili sa katawa-tawang halaga sa mga mámimili (turista) kung Pasko na waring napupuspos ng sapilitang damdamin na mamili.”
Sinabi ni Turnbull tungkol sa kaniyang “espiritu ng Pasko”: “[Ito ay] higit pang napawi sa isang lugar na inaakala kong baka posibleng buhayin [ito] roon—ang nitso ng Banal na Sepulkro.” (Panloob na tanawin na makikita sa itaas.) Doon, ang iginawi ng kapuwa mga turista “na waring nagpapakita ng isang tahasang kawalang-galang sa sagrado” ay nakasira ng kaniyang loob samantalang sila’y “nagtutulakan at nagsasalyahan sa isang paraan na di-maka-Kristiyano, ginagamit ang mga balikat at mga braso upang puwersahang makapasok sa makitid na pasukan patungo sa sepulkro mismo. Manakanaka nagkakaroon ng kaunting pag-aaway, may kasamang pagmumurahan at mga pag-aambaan na malayung-malayo sa kabanalan.”
Imbis na “maisauli sa kapaligiran ang pagkasagrado,” ang sabi ni Turnbull, ang klero na nangangasiwa “ang pumawi sa anumang guniguning kabanalan sa kanilang pagpapakita ng halimbawa ng marahas na pagkilos.” Binanggit niya ang “isang pigurang nakasutana ng kulay-kayumanggi, may makapal na talukbong, mistulang si Rasputin” na “parang hari-hariang kumilos upang ang karaniwang mga turista ay maitaboy tungo sa pasukan ng sepulkro tuwing matatanawan ang isang grupo ng matataas magbayad, may dalang kandila na mga turista (tinatawag na mga manlalakbay), na pinangungunahan ng isa pang Rasputin.” Ang resulta, sabi ng guro, ay “pag-aaway ng mga walang-dalang kandila at ng may mga dalang kandila, at pati na ng iba’t ibang klerigo, na waring doo’y may walang-katapusang sunud-sunod na magkakaribal na sektang nag-aagawan sa oras at sa espasyo.”
Ang kasama ni Propesor Turnbull ay “mga ilang yarda ang layo sa may likod ng bahay-sambahan, nakayukayok sa kaniyang mga kamay at mga tuhod, halos nakakubli sa loob ng isang butas sa pader.” Nagbibida si Turnbull: “Habang ako’y nagmamasid, ang kaniyang kanang kamay ay inilabas at kakapa-kapang dumukot ng pera sa kaniyang bulsa, ngunit ang kaniyang isa pang kamay ay pinamalaging nasa loob, nakaunat na parang may humahawak. Gayunman, sa sandaling nailipat na niya ang pera sa loob ng butas ang kaniyang kaliwang bisig ay binitawan na at ang aking kaibigan ay tumayo . . . Sa kaniyang kaliwang kamay ay may tangan siyang isang ubod-liit na krus na kahoy, basa sa parte niyaon na winisikan ng umano’y sagradong tubig ng monghe na mayroon ng gayong pribilehiyo at nakayukayok nang hindi nakikita sa loob ng munting kuweba, naghihintay ng kaniyang biktima.”
Ganiyan ding paggawi ng maimpluwensiyang mga tao sa templo ang napagmasdan ni Jesu-Kristo, at kaniyang sinabihan sila na kanilang ginagawa iyon na “isang yungib ng mga magnanakaw.” (Lucas 19:45, 46) Mangyari pa, sa ating kaarawan ang gayong ‘mga yungib ng mga magnanakaw’ ay hindi sa Jerusalem lamang makikita.
[Picture Credit Line sa pahina 25]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.