Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
‘Maliligaya ang Nagugutom sa Espirituwal’
SINABI ni Jesus: “Maliligaya ang mga palaisip sa kanilang espirituwal na mga pangangailangan.” (Mateo 5:3) Ang gayong mga tao ay maghahanap ng nagbibigay-buhay na impormasyon buhat sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, at ang pagkakuha ng kaalamang ito ay aakay sa kanila sa buhay na walang-hanggan.—Mateo 4:4; Juan 17:3.
◻ Isang taong gutom sa pagkaing espirituwal sa isang bansa sa Aprika ang lumakad ng apat na oras sa ginaw at kadiliman upang makakuha ng isang kopya ng Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya. Pagdating niya sa lugar na kung saan nangangaral ang mga Saksi ni Jehova, ganiyan na lamang ang laki ng kaniyang pagdaramdam noong makita niya na naipasakamay na ng iba ang huling aklat. Siya’y dumuon sa lugar na iyon ng may tatlong araw hanggang sa dumating ang karagdagang suplay ng mga aklat, at ganoon na lamang ang kaniyang katuwaan na makakuha siya ng ganitong napakainam na impormasyon tungkol sa espirituwal na mga bagay.
Sa buwan ng kanilang paggawa sa nakabukod na lugar na ito, ang mga Saksi ay nakapamahagi ng 55 aklat, 365 brochure, at 145 magasin, at sila’y nakakuha ng 5 suskrisyon. Ganiyan na lamang ang pagkaantig ng kanilang damdamin nang, samantalang sila’y paalis na, kapuwa mga adulto at mga bata ay kasunod nila na namamaalam sa kanila sa wikang Kpelle: “Sumainyo nawa si Jehova!” Pinagsisikapan na ang mga interesado ay matulungan.
Isa pang tagarito sa bansang ito ang gutom sa espirituwal. Siya (ang babae) ay ingat-yaman ng kaniyang simbahan at isang may tungkulin na may kinalaman sa libangan sa kaniyang county. Nang siya’y dalawin ng mga Saksi, lumuluhang inamin niya na ang simbahan ay hindi sumusunod sa mga kahilingan ng Bibliya para sa pagka-Kristiyano. Ipinakita ng mga Saksi buhat sa kaniyang sariling Bibliya kung papaano makikilala ang tunay na relihiyon. Pagkatapos ay dumalo siya sa dalawang pulong sa Kingdom Hall at sinabi niya nang matapos: “Ang aking nakita at narinig ay talagang nakakumbinsi sa akin na ito nga ang katotohanan.” Siya’y humanga sa mga pulong at sa asal ng mga taong naroroon. Kaniyang nakita na ang sinabi ng mga Saksing dumalaw sa kaniya ay hindi isang bagay na inimbento lamang nila kundi isang bagay na talagang tunay. Magmula na noon gumawa na siya ng mga hakbang upang maputol ang kaniyang kaugnayan sa simbahan, at ang resulta nito ay isang mainam na pagpapatotoo sa pamayanan.
◻ Isang may kabataang Melanesian na katekista sa New Caledonia ang gutom sa espirituwal. Siya’y nakatagpo ng isang kopya ng aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Tungo sa Buhay na Walang-Hanggan sa mesa sa bahay ng kaniyang ina, at kaniyang binasa ang kabanata 2 at 3. Ang teksto sa Bibliya sa Exodo 20:4, 5 at Juan 4:23, 24 na tinalakay doon ay nakaantig ng kaniyang puso. Sa liwanag ng sinasabi ng mga talatang ito, kaniyang itinanong sa kaniyang pari kung bakit ang paggamit ng mga imahen sa pagsamba ay pinapayagan ng Iglesiya Katolika. Iniwasan ng pari ang tanong na iyon. Ang lalaki ay naparoon sa mga iba pang relihiyong “Kristiyano,” ngunit ang mga ito’y hindi nagbigay sa kaniya ng kasiya-siyang mga kasagutan sa kaniyang mga katanungan. Sa katapus-tapusan ay ipinasiya niya na dumalo sa isang pulong ng mga Saksi ni Jehova kasama ang kaniyang ina, na noon ay nagpapakita na ng interes sa katotohanan. Ang pag-iibigan na kaniyang nasaksihan sa gitna ng mga Saksi at ang kanilang mga turo na sa Bibliya nakasalig ay lubhang hinangaan niya.
Sa kabila ng malalayong distansiya, siya’y regular na naglalakad sa pagpunta sa mga pulong, dagling nanindigan siya sa panig ng katotohanan, at nabautismuhan. Ngayon siya’y isang ministeryal na lingkod. Ang kaniyang ina at dalawa sa kaniyang likas na mga kapatid na babae ay naging mga Saksi ni Jehova rin. Ang kabataang lalaking ito ay nangaral sa kaniyang sariling tribo at nagsimula ng maraming mga pag-aaral sa Bibliya. Ngayon siya’y mayroong mga katribo na dumadalo sa mga pulong sa lugar na ito—lahat ay nangyari dahilan sa isang kabataan ang nagkataong nakapuna sa mesa ng isang aklat na nagpapaliwanag ng Bibliya, kaniyang pinag-aralan iyon, at kaniyang pinaniwalaan ang kaniyang natutuhan.
Si Jehova ay may malawak na palatuntunan sa espirituwal na pagpapakain na nagaganap na ngayon, at kayrami-rami ang nakikinabang. Angkop ang pagkahula ni Isaias tungkol doon nang kaniyang sabihin: “Narito! Ang aking mga lingkod ay kakain, ngunit kayo [mga miyembro ng mga huwad na relihiyon] ay magugutom.” (Isaias 65:13) Tayo’y maliligaya kung nakikinabang tayo sa paglalaan ni Jehova para matustusan ang ating espirituwal na kagutuman.