Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Dapat ba tayong manghinuha mula sa Mateo 11:11 na patiunang alam na ni Jesus na si Juan Bautista ay mamamatay bago kay Jesus?
Oo, maliwang na alam na ni Jesus na si Juan ay hindi makaliligtas upang maging isang pinahirang Kristiyano, sapagkat sinabi ni Jesus: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Sa gitna ng mga ipinanganak ng mga babae ay walang lumitaw na isang dakila kaysa kay Juan Bautista; gayunman ang lalong maliit sa kaharian ng langit ay lalong dakila kaysa kaniya.”—Mateo 11:11.
Nang ibalita ni anghel Gabriel ang napipintong kapanganakan ni Juan, kaniyang inihula na si Juan, “taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias, . . . ay maghahanda para kay Jehova ng isang nahahandang bayan.” Si Juan ay magiging isang tagapaghanda ng daan, na naghahanda ng isang bayan para sa Mesiyas ni Jehova. Subalit walang anuman sa kinasihang patalastas na iyon ang nagpapakita na si Juan mismo ay magiging isang alagad ng darating na Mesiyas, ni nagpapahiwatig man ng bagay na iyon sa makahulang pangungusap na sinalita ng ama ni Juan, si Zacarias.—Lucas 1:17, 67-79.
Sa gayon, pagkatapos bautismuhan si Jesus, si Juan ay patuloy na nangaral at nagbautismo, nagpatuloy sa atas sa kaniya na maghanda ng isang bayan. Si Juan ay may makahimalang kaalaman na si Jesus ang maglalaan ng isang bautismo na taglay ang banal na espiritu, ngunit hindi sinabi ni Juan na siya mismo ay tatanggap ng banal na espiritu na magiging isang pinahirang Kristiyano. (Mateo 3:11) Kinilala rin ni Juan na siya’y patuloy na mababawasan sa kadakilaan, samantalang si Jesus naman ay patuloy na magiging lalong dakila.—Juan 3:22-30.
Nang salitain ni Jesus ang ating mababasa sa Mateo 11:11, si Juan ay nabibilanggo na. Patiunang ipinakilala ni Jesus na ang nakabilanggong propetang ito ay mas mababa kaysa isang pinakamababa na sa hinaharap ay maglilingkod bilang isang hari-saserdote sa langit. Gayunman, wari ring naalaman ni Jesus na si Juan ay malapit nang mamatay, papanaw sa lupa bago mabuksan ang “bagong” daan na patungo sa makalangit na buhay. (Hebreo 10:19, 20) Iyan ay nangangahulugan na si Juan ay hindi patuloy na mabubuhay hanggang Pentecostes 33 C.E., nang magsimula ang pagpapahid ng espiritu sa mga alagad ni Jesus. Sa gayon, ang sinabi ni Jesus sa Mateo 11:11 ay maaari ring unawain na nangangahulugan na alam niyang si Juan ay hindi pupunta sa langit.