Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
“Salansangin Ninyo ang Diyablo, at Tatakas Siya Mula sa Inyo”
NOONG unang siglo, isang grupo ng mga deboto sa “sining ng pagsasalamangka” sa Efeso ang tumugon sa mensaheng Kristiyano sa pamamagitan ng hayagang pagsunog sa kanilang mga aklat tungkol sa salamangka. (Gawa 19:19) Ang tinayang halaga ng mga aklat na ito ay 50,000 piraso ng pilak. Kung ang tinutukoy ng salaysay ng Bibliya ay ang denaryo, na isang baryang pilak na Romano, iyon ay magkakahalaga ng di-kukulangin sa $37,000!
Sa ngayon ay marami ang minsang nagmay-ari ng literatura na may kinalaman sa okulto subalit sila ay nagpamalas ng determinasyon na katulad ng sa sinaunang mga taga-Efeso. Isaalang-alang ang sumusunod na karanasan buhat sa Canada.
Mga limang taon na ang nakalipas, isa sa mga Saksi ni Jehova ang nangangaral sa bahay-bahay nang sa isang pintuan siya ay aktuwal na hinila papasok sa bahay ng isang babaing nagngangalang Nora. Sa loob ng maraming mahahabang taon ng paghahanap ukol sa espirituwal, nakaipon si Nora ng daan-daang aklat tungkol sa relihiyon at espiritismo, subalit ibig niyang malaman kung ano ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa pag-asa ng mga patay. Inialok sa kaniya ng Saksi ang tract na Anong Pag-asa Para sa Namatay na mga Minamahal? Nasagot ang mga tanong ni Nora, at siya’y tumanggap ng mga suskripsiyon para sa mga magasing Bantayan at Gumising!
Nang malaunan siya ay lumipat at nawalan ng pakikipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova. Gayunman, patuloy niyang tinatanggap ang mga magasin sa pamamagitan ng koreo sa kaniyang bagong direksiyon. Pumidido rin siya ng ilan sa salig-sa-Bibliyang mga publikasyon na binabanggit sa mga magasin. Paglipas ng ilang panahon, isa sa mga Saksi ni Jehova ang dumalaw sa kaniya. Palibhasa’y humanga na ang Saksi ay gumagamit ng Bibliya kapag sinasagot ang kaniyang mga tanong, siya’y malugod na tinanggap ni Nora at inanyayahan siya na bumalik para sa higit pang pagtalakay.
Subalit, nahirapan ang Saksi na muling makipag-ugnayan kay Nora. Nabigo ang paulit-ulit na mga pagdalaw nang iba’t ibang oras sa araw at iba’t ibang araw ng sanlinggo. Gayunman, sumapit ang panahon na ang kaniyang pagtitiyaga ay ginantimpalaan, at siya’y umani ng mabubuting resulta. Isang regular na pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan, na kadalasan ay ginaganap nang tatlong beses sa isang linggo dahil sa kagustuhan ni Nora. Ang mga bagay na natututuhan niya ay nag-udyok sa kaniya na ipakipag-usap iyon sa mga kaibigan at mga miyembro ng pamilya, na siyang naging dahilan upang ang tatlo sa kanila ay humiling ng pag-aaral ng Bibliya kasama ng mga Saksi ni Jehova.
Sa kaniyang pag-aaral ay nabatid ni Nora na maraming huwad na relihiyon at mga bulaang propeta subalit isa lamang ang daan patungo sa buhay. Sa loob ng maraming taon ay sa huwad na relihiyon siya humahanap ng kasagutan sa kaniyang mga katanungan, ngunit pagkatapos malaman kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga demonyo, siya’y kumilos tulad ng sinaunang mga taga-Efeso na binanggit sa Gawa 19:19. Nilinis niya ang kaniyang aklatan at, sa loob ng mga ilang araw, sinira ang mahigit na isang libong aklat may kinalaman sa okulto at mga turo ng huwad na relihiyon. Kabilang sa mga publikasyon na sinira ay isang set ng apat na aklat na nagkakahalaga ng mahigit sa $800!
Maliwanag na nagalit dahil sa ginawa ni Nora, niligalig siya ng mga demonyo sa loob ng mga dalawang linggo. Gayunman, walang nagawa ang mga demonyong ito upang siya’y pahintuin sa pag-aaral ng Bibliya at sa pakikisama niya sa organisasyon ni Jehova sa modernong panahon.
Ang gayong mga karanasan ay mainam na naglalarawan ng katotohanan ng mga salita sa Bibliya: “Kaya nga, magpasakop kayo sa Diyos; ngunit salansangin ninyo ang Diyablo, at tatakas siya mula sa inyo.”—Santiago 4:7.