Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Nang kanin ni Eva, at nang dakong huli, ni Adan ang bunga ng punungkahoy ng pagkaalam ng mabuti at masama, mansanas ba ang kinain nila?
Hindi natin alam. Inaakala ng maraming tao na ang ‘ibinawal na bunga’ ay isang mansanas, at sa loob ng maraming siglo ay kadalasang gayon ang pagkakalarawan ng mga pintor. Subalit hindi sinasabi ng Bibliya ang pangalan ng punungkahoy o ng bunga nito. Tinukoy lamang iyon ni Eva bilang “ang bunga ng punungkahoy na nasa gitna ng halamanan.”—Genesis 3:3.
Kapuna-puna hinggil dito ang artikulong “Apple” na nasa Insight on the Scriptures:
“Maraming pagpapalagay kung tungkol sa pagkakakilanlan ng punungkahoy at ng bunga na ipinakikilala ng Hebreong salita na tap·puʹach. Ang salita mismo ay nagpapahiwatig ng isang bagay na nakikilala sa bango, o halimuyak nito. Iyon ay galing sa ugat na na·phachʹ, na nangangahulugang ‘hipan; humingal; magpunyaging makahinga.’ (Gen 2:7; Job 31:39; Jer 15:9) Hinggil dito, sumulat si M. C. Fisher: ‘Waring sa simula ay walang anumang kaugnayan [sa na·phachʹ ] kung tungkol sa kahulugan, subalit magkaugnay ang mga idea ng “huminga” at “ihinga ang isang amoy.” Ang kaparis na anyo na puah ay kapuwa nangangahulugan na “hipan” (ng hangin) at “ihinga ang isang masarap na amoy, maging mabango.” ’—Theological Wordbook of the Old Testament, pinatnugutan ni R. L. Harris, 1980, Tomo 2, p. 586.
“Maraming bunga ang iminungkahi sa halip na mansanas, kasali na ang kahel, suha, quince, at ang apricot. . . . Gayunman, ang kaugnay na salitang Arabe na tuffah ay pangunahin nang nangangahulugang ‘mansanas,’ at kapansin-pansin na ang Hebreong mga pangalan ng lugar na Tappuah at Beth-tappuah (malamang na pinanganlan nang gayon dahil marami ng ganitong bunga sa mga lugar na ito) ay pinanatili sa kanilang katumbas sa Arabe sa pamamagitan ng paggamit ng salitang ito. (Jos 12:17; 15:34, 53; 16:8; 17:8) Ang mga lugar na ito ay hindi matatagpuan sa mga kapatagan kundi sa maburol na lalawigan, kung saan sa pangkalahatan ay medyo katamtaman ang klima. Isa pa, hindi maaaring lubusang kaligtaan ang posibilidad ng ilang pagbabago sa klima noong nakaraan. Tumutubo ngayon sa Israel ang mga punò ng mansanas at sa gayo’y waring kasiya-siyang umaangkop sa paglalarawan ng Bibliya. Nag-ulat pa nga si William Thomson, na gumugol ng maraming taon sa Siria at sa Palestina noong nakaraang siglo, na nakasumpong siya ng mga taniman ng mansanas sa mga lugar sa Ashkelon sa Kapatagan ng Filistia.—The Land and the Book, nirebisa ni J. Grande, 1910, p. 545, 546.
“Ang punò ng mansanas (Pyrus malus) ay pangunahin nang binanggit sa Awit ni Solomon, kung saan ang mga kapahayagan ng pag-ibig ng kasamang pastol ng Shulamita ay inihalintulad sa kaiga-igayang lilim ng punò ng mansanas at ng katamisan ng bunga nito. (Sol 2:3, 5) Kaniya namang inihambing ang kaniyang hininga sa bango ng mga mansanas. (Sol 7:8; tingnan din ang 8:5.) Sa Mga Kawikaan (25:11) ang angkop, napapanahong pananalita ay inihahalintulad sa ‘mga mansanas na ginto sa mga sisidlang pilak.’ Ang tanging iba pang pagbanggit sa mansanas ay nasa Joel 1:12. Ang karaniwang tradisyon na ang mansanas ang siyang ibinawal na bunga sa Eden ay walang anumang batayan sa Kasulatan. Gayundin naman, ang kasabihang ‘mansanas ng mata’ ay matatagpuan sa King James Version (Aw 17:8; Kaw 7:2; at iba pa) ngunit iyon ay hindi isang kasabihang Hebreo, na ang literal na salin ay ‘ang balintataw ng mata [ng isa].’ ”—Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 131-2, inilathala noong 1988 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.