Mga Saksi ni Jehova sa Buong Daigdig—New Zealand
MAAARI bang pumuri ang mga isla kay Jehova? Oo, sang-ayon sa Isaias 42:10: “Umawit ng bagong awit kay Jehova, ng kaniyang papuri mula sa dulo ng lupa, . . . kayong mga isla at kayong mga naninirahan sa kanila.” Tiyak na pumupuri kay Jehova ang mga isla na bumubuo sa New Zealand. Bantog sa daigdig dahil sa mga look, fjord, nagtataasang bundok, glacier, baybaying-dagat, mayayabong na kagubatan na napalalamutian ng mga pakô, at malalawak na luntiang pastulan, ang New Zealand ay tunay na naghahayag ng kamahalan at kadakilaan ng Maylikha ng langit at ng lupa.
Sapol nang magsimula ang ika-dalawampung siglo, parami nang paraming taga-New Zealand ang naglakip ng kanilang mga tinig upang purihin si Jehova sa pamamagitan ng pagbaling sa kaniya sa dalisay na pagsamba at pamamahagi sa iba ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Kamakailan, isang Saksi na nakarinig ng mahusay na karanasan tungkol sa pagpapatotoo sa mga kamag-anak ang nagpasiyang magpatotoo sa kaniyang pamilya. Nagregalo siya ng mga sipi ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa sa maraming miyembro ng pamilya. Ang naging resulta? Iniulat niya na isang kapatid na babae at isang kapatid na lalaki ang nag-aaral na ngayon ng Bibliya, nabautismuhan na ang isa sa kaniyang pamangkin na lalaki bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, at ang iba ay mas nagbibigay-pansin na ngayon sa katotohanan ng Salita ng Diyos. Marami pa rin siyang dapat pangaralan; liban sa kaniyang mga magulang, mayroon siyang anim na kapatid na lalaki at siyam na kapatid na babae!
Napupuri rin si Jehova kapag ang mga Saksi ay nagtutulungan sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall. Halimbawa, ang kolumnista sa pahayagan na si Roy Perkins ay sumulat sa Opotiki News noong Mayo 17, 1994: “Bilang isang di-nananampalataya, talagang hanga ako sa mga gawa at pagsisikap ng lahat ng nakaalay na mga manggagawa na nagbubuhos ng napakaraming panahon at pagsisikap sa proyekto dahil sa pag-ibig nila sa kanilang Diyos.
“Hindi man lamang ako nakakita o nakarinig ni isang grupu-grupong pagtatalo sa lahat ng oras ng paggawa na ito na ginugol sa dulong sanlinggo . . . Gumagawa ang mga babae kasama ng kanilang kalalakihan sa ibabaw ng andamyo, bumabaklas, bumubuhat, pumapasan, lahat sa isang relaks at masayang kalagayan.
“At walang nasayang kahit isang minuto dahilan sa paninigarilyo ng isa man sa kanila. Malinis ang hangin para sa lahat ng mga manggagawa na may anumang kakayahan maliban lamang sa amoy ng pintura at alikabok ng ladrilyo.”
Sumulat ang lupon ng matatanda ng kongregasyon ng Opotiki: “Ang buong proyekto ay lumikha ng ugong sa bayan. Waring ito ang paksa ng usapan ng lahat. Maraming pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan. Isang bagay na nasumpungan naming nakatutuwa ay ang tungkol sa mag-asawang totoong relihiyoso na sa loob ng maraming taon ay humiling sa amin na huwag na silang dalawin. Araw-araw silang dumalaw sa dakong pinagtatayuan at nang maglaon ay sa mga pagpupulong. Nang bandang huli ay sinabi ng asawang lalaki, ‘Nakikita ko na kayo ang bayan ng Diyos. Sa loob-loob ko, matagal ko nang pinangarap sa aking buhay na makisama sa ganitong uring mga tao.’ ”
Sa nakaraang taon, isang kolumnista ng Otago Daily Times ang nagsabi ng ganito tungkol sa mabilis na naitayong Kingdom Hall sa Dunedin: “Isa itong kahanga-hangang gawa, kahanga-hangang halimbawa ng pangganyak at sariling-sikap.” Sinabi ng pahayagan ding iyon: “Ang mga taga-siyudad ay nagmamasid nang may paghanga habang ang malaking gusali ay nabubuo sa harap ng kanilang mga mata, at tiyak na marami ang nag-iisip kung ano kayang mga pagbabago at magagandang proyekto ang maisasagawa kung ang gayundin kalaking pinagsama-samang boluntaryong pagsisikap at napakaraming may-pagtutulungang espiritu ay magagamit. Ang Kingdom Hall ay isang maipagkakapuring simbulo ng positibong pagsisikap na umaani ng mga resulta.”
Sa daan-daang dumalaw sa dakong pinagtatayuan, isang maginoo ang nakapansin na ang mga Saksi ay nagsisipagtayo ng mga “simbahan” samantalang ang mga ito’y ipinagbibili naman ng kaniyang relihiyon dahilan sa umuunting mga miyembro. “Kung naghintay lamang kayo ng mga labindalawang buwan pa, baka nabili ninyo ang isa na pag-aari namin,” ang pagbabakasakali niya. “Kailangan naming ipagbili ang isa dahil hindi namin kaya ang mga gastusin. Subalit, siyempre pa, wala kayong bayarang klerigo. . . . At pagkatapos ay mura pa ang pangangalaga sa inyong mga gusali, hindi nagtataasang gusali na may mga tulos na imposibleng pangalagaan.”
Maliwanag, maaari ngang pumuri kay Jehova ang mga isla. Harinawang magpatuloy ang mga papuri kay Jehova sa magandang islang ito sa Pasipiko—at sa buong daigdig!
[Kahon sa pahina 9]
LARAWAN NG BANSA:
1994 Taon ng Paglilingkod
PINAKAMATAAS NA BILANG NG NAGPAPATOTOO: 12,867
KATUMBASAN: 1 Saksi sa 271
DUMALO SA MEMORYAL: 24,436
ABERIDS NG MAMAMAHAYAG NA PAYUNIR: 1,386
ABERIDS NG PAG-AARAL SA BIBLIYA: 7,519
BILANG NG NABAUTISMUHAN: 568
BILANG NG MGA KONGREGASYON: 158
TANGGAPANG PANSANGAY:MANUREWA
[Larawan sa pahina 9]
Mga payunir na nasa larangan noong mga 1930
[Larawan sa pahina 9]
Pasilidad ng sangay sa Manurewa
[Larawan sa pahina 9]
Pangangaral ng mensahe ng Kaharian sa Devonport, Auckland