Hindi Namatay ang Kanilang Ilaw
NOONG panahon ng Bibliya ay may tapat na mga Saksi ni Jehova na dumanas ng mga hadlang at kahirapan. Sila’y napaharap sa pagsalansang at waring mga kabiguan. Gayumpaman, hindi sila sumuko dahil sa pagkasira ng loob. Sa katunayan, hindi namatay ang kanilang ilaw.
Halimbawa, si propeta Jeremias ay binigyan ng atas na maging propeta ng Diyos sa apostatang bansa ng Juda. Ipinahayag niya ang babala tungkol sa sasapit na pagkawasak ng Jerusalem. (Jeremias 1:11-19) Bilang resulta, malimit makipagtalo si Jeremias sa kaniyang mga kababayan, na ang turing sa kaniya ay isang tagapagpalahaw ng kapahamakan.
Ang saserdoteng si Pashur, ang pangunahing administrador sa bahay ng Diyos, ay nanakit minsan kay Jeremias dahil sa kaniyang inihula at inilagay siya sa mga pangawan. Sa waring pagkabigong ito, sinabi ni Jeremias: “Ako’y pinagtatawanan buong araw; bawat isa ay tumutuya sa akin. Sapagka’t tuwing magsasalita ako, ako’y humihiyaw. Karahasan at pagkawasak ang inihihiyaw ko. Sapagkat ang salita ni Jehova ay naging sanhi ng pag-upasala at pangungutya sa akin sa maghapon.” Nasiraan ng loob ang propeta hanggang sa sukdulang sabihin niya: “Hindi na ako babanggit ng tungkol sa kaniya [kay Jehova], at hindi na ako magsasalita sa kaniyang pangalan.”—Jeremias 20:1, 2, 7-9.
Gayunman, si Jeremias ay hindi nagpadaig sa panghihina ng loob. Tungkol sa “salita ni Jehova,” ganito ang ipinahayag niya: “Sa aking puso ay napatunayan na iyon ay mistulang isang naglalagablab na apoy na nakukulong sa aking mga buto; at ako’y napagod sa kapipigil, at hindi ko mabata iyon.” (Jeremias 20:8, 9) Palibhasa’y determinadong salitain ang mga kapahayagan ng Diyos, si Jeremias ay pinalakas ng banal na espiritu at nagampanan ang pagkasugo sa kaniya.
Si apostol Pablo ay may marami ring dahilan para masiraan ng loob, kung siya’y napadala sa mga iyon. Siya’y nagbatá ng likas na mga kapahamakan, pagkawasak ng barko, pag-uusig, at pambubugbog. Karagdagan pa, ‘dumaragsa sa kaniya sa araw-araw ang kabalisahan para sa lahat ng kongregasyon.’ (2 Corinto 11:23-28) Oo, sa araw-araw si Pablo ay kailangang humarap sa mga suliranin, anupat nababalisa tungkol sa mga bagong kongregasyon na natulungan niyang maitatag. Bukod dito, siya’y di-sakdal at kailangang makipagbaka sa “isang tinik sa laman,” na posibleng yaong panlalabo ng paningin. (2 Corinto 12:7; Roma 7:15; Galacia 4:15) Ang ilan ay nagsalita pa nga nang talikuran laban kay Pablo, at ito’y umabot din sa kaniyang pandinig.—2 Corinto 10:10.
Gayunpaman, hindi hinayaan ni Pablo na madaig siya ng pagkasira ng loob. Hindi, hindi siya isang superman. (2 Corinto 11:29, 30) Ano ang nagpanatili sa ningas ng kaniyang ‘apoy sa loob’? Una, siya’y may umaalalay na mga kasama, ang ilan ay sumama pa sa kaniya sa Roma kung saan siya’y naging isang bilanggo sa bahay. (Gawa 28:14-16) Ikalawa, minalas ng apostol ang kaniyang kalagayan sa timbang na paraan. Ang kaniyang mga mang-uusig at mananalansang ang may pagkakamali, hindi si Pablo. Sa pagtatapos ng kaniyang buhay sa lupa, isinaalang-alang niya ang kaniyang ministeryo sa positibong paraan at ang sabi: “Mula ngayon ay nakalaan para sa akin ang korona ng katuwiran, na ibibigay sa akin ng Panginoon, ang matuwid na hukom, bilang gantimpala.”—2 Timoteo 4:8.
Higit sa lahat, regular na nananalangin si Pablo sa Diyos na Jehova, at ‘ang Panginoon ay tumayong malapit sa kaniya at nagbigay ng kapangyarihan sa kaniya.’ (2 Timoteo 4:17) “Sa lahat ng mga bagay,” sabi ni Pablo, “ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.” (Filipos 4:13) Ang pakikipag-usap sa Diyos at sa mga kapuwa Kristiyano, lakip ang positibong pagpapahalaga sa kaniyang ministeryo, ang tumulong kay Pablo na magpatuloy sa paglilingkuran kay Jehova.
Si Pablo ay kinasihan ng Diyos na sumulat: “Huwag tayong manghihimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam, sapagkat sa takdang kapanahunan ay mag-aani tayo kung hindi tayo manghihimagod.” (Galacia 6:7-9) Mag-aani ng ano? Buhay na walang-hanggan. Kung gayon, tularan si Jeremias, Pablo, at ang marami pang ibang tapat na mga saksi ni Jehova na binanggit sa Kasulatan. Oo, tularan sila, at huwag padaig sa pagkasira ng loob. Huwag hayaang mamatay ang inyong ilaw.—Ihambing ang Mateo 5:14-16.
[Mga larawan sa pahina 25]
Hindi hinayaan nina Pablo at Jeremias na mamatay ang kanilang ilaw