Mga Tanong Mula sa Mga Mambabasa
Ipinakikita ng mga ulat sa ilang taon na tumaas nang kaunti ang bilang ng mga nakikibahagi sa mga emblema ng Memoryal. Ipinahihiwatig ba nito na maraming baguhan ang pinapahiran ng banal na espiritu?
May mabuting dahilan na maniwala na ang bilang ng 144,000 pinahirang Kristiyano ay kumpleto na noon pang mga nakaraang dekada.
Sa Gawa 2:1-4, mababasa natin ang tungkol sa mga nauna sa limitadong grupong iyan: “Ngayon samantalang ang araw ng kapistahan ng Pentecostes ay nagpapatuloy silang lahat ay magkakasama sa isang dako, at bigla na lang dumating mula sa langit ang isang ingay katulad niyaong sa malakas na hanging humahagibis, at pinunô nito ang buong bahay na kung saan sila ay nakaupo. At mga dila na parang apoy ang nagpakita sa kanila at nabaha-bahagi, at dumapo ang isa sa bawat isa sa kanila, at silang lahat ay napuspos ng banal na espiritu at nagpasimulang magsalita ng iba’t ibang wika, gaya ng ipinagkaloob ng espiritu sa kanila na salitain.”
Pagkatapos, pumili pa ng iba si Jehova, at pinahiran niya sila ng kaniyang banal na espiritu. Libu-libo ang nairagdag noong mga unang taon mismo ng Kristiyanismo. Sa pagdiriwang ng Memoryal sa ating panahon, kadalasan ay itinatawag-pansin ng tagapagsalita ang mga salita ni apostol Pablo sa Roma 8:15-17, na bumabanggit na ang mga pinahiran ay ‘tumatanggap ng espiritu ng pag-aampon bilang mga anak.’ Idinagdag pa ni Pablo na ang banal na espiritung kanilang tinatanggap ay ‘nagpapatotoo kasama ng kanilang espiritu, na sila ay mga anak ng Diyos, mga kasamang tagapagmana ni Kristo.’ Yaong talagang hinirang ng espiritung ito ay tiyak na nakababatid nito. Hindi ito basta hangarin o isang kapahayagan ng emosyonal at di-makatotohanang pangmalas sa kanilang sarili.
Nauunawaan natin na nagpatuloy ang makalangit na pagtawag na ito hanggang sa nagdaang mga siglo, bagaman noong tinatawag na mga Panahon ng Kadiliman, maaaring may mga panahon na ang bilang ng mga pinahiran ay lubhang kaunti.a Kaugnay ng muling pagkakatatag ng tunay na Kristiyanismo noong bandang katapusan ng nakaraang siglo, marami pa ang tinawag at pinili. Subalit waring noong kalagitnaan ng dekada ng 1930, ang buong bilang ng 144,000 ay masasabing nakumpleto na. Kaya naman nagsimulang lumitaw ang isang grupo ng matapat na mga Kristiyano na may makalupang pag-asa. Ang mga ito ay tinawag ni Jesus na “ibang mga tupa,” na nakikiisa sa pagsamba ng mga pinahiran bilang isang sinang-ayunang kawan.—Juan 10:14-16.
Kapuwa ipinakikita ng mga pangyayari sa nakaraang mga dekada na nakumpleto na ang pagtawag sa mga pinahiran at na pinagpapala ni Jehova ang lumalagong “malaking pulutong,” na may pag-asang makaligtas sa “malaking kapighatian.” (Apocalipsis 7:9, 14) Halimbawa, sa pagdiriwang ng Memoryal noong 1935, na dinaluhan ng 63,146, yaong mga nakibahagi sa mga emblema bilang pagpapakilala ng kanilang pagiging pinahiran ay may bilang na 52,465. Pagkaraan ng tatlumpung taon, o noong 1965, ang dumalo ay 1,933,089, samantalang ang mga nakibahagi ay umunti tungo sa 11,550. Sa paglipas pa ng 30 taon, ang dumalo noong 1995 ay tumaas tungo sa 13,147,201, ngunit 8,645 lamang ang nakibahagi sa tinapay at alak. (1 Corinto 11:23-26) Maliwanag, sa paglipas ng mga dekada, ang bilang niyaong mga nagpakilalang kasali sa nalabi ay lubhang umunti—mga 52,400 noong 1935; 11,500 noong 1965; 8,600 noong 1995. Gayunman, yaong mga may makalupang pag-asa ay pinagpala, at ang kanilang bilang ay lubhang tumaas.
Ang pinakabagong inilathalang report ay para sa taóng 1995, at ipinakikita nito na ang mga nakibahagi ay mas marami ng 28 kaysa sa sinundang taon bagaman ang katumbasan ng mga nakikibahagi sa mga dumalo ay aktuwal na bumaba. Matapos isaalang-alang ang lahat, ang bagay na may ilan pa na nagpasiyang makibahagi sa mga emblema ay hindi dapat na ikabahala. Sa nagdaang mga taon ay may ilan, mga bagong bautisado pa nga, na biglang nagsimulang makibahagi. Sa ilang kaso, tinanggap nila na ito ay mali pagkalipas ng ilang panahon. Natanto ng ilan na nakibahagi sila bunga ng emosyonal na reaksiyon sa marahil ay pisikal o mental na kaigtingan. Subalit naunawaan nila na talagang hindi sila tinawag sa makalangit na buhay. Nagsumamo sila ukol sa maawaing pang-unawa ng Diyos. At patuloy silang naglilingkod sa kaniya bilang mahuhusay, matapat na mga Kristiyano, taglay ang pag-asa ng walang-hanggang buhay sa lupa.
Hindi dapat mabahala ang sinuman sa atin kung ang isang tao ay nagsimulang makibahagi sa mga emblema o huminto sa paggawa ng gayon. Talagang hindi natin pananagutan kung ang isa man ay aktuwal na pinahiran ng banal na espiritu at tinawag sa makalangit na buhay o hindi. Alalahanin ang maaasahang pagtiyak ni Jesus: “Ako ang mabuting pastol, at kilala ko ang aking mga tupa.” Gayon din katiyak, kilala ni Jehova yaong kaniyang pinili bilang espirituwal na mga anak. May lahat na dahilan upang maniwala na ang bilang ng mga pinahiran ay magpapatuloy na uunti habang ang kanilang makalupang buhay ay tinatapos ng pagtanda at di-inaasahang pangyayari. Gayunman, kung paanong ang mga tunay na pinahirang ito ay nakapananatiling tapat hanggang kamatayan, anupat nakahanay para sa korona ng buhay, ang mga ibang tupa, na naghugas ng kanilang mga damit sa dugo ng Kordero, ay makaaasa na maliligtas sa nalalapit na malaking kapighatian.—2 Timoteo 4:6-8; Apocalipsis 2:10.
[Talababa]
a Tingnan ang The Watchtower ng Marso 15, 1965, pahina 191-2.