Paano Mo ba Minamalas ang Kasalanan?
“WALANG kasalanan sa iyo, walang paghihirap sa iyo; ikaw ang tipunan ng walang-hanggang kapangyarihan.” Ito ang sabi ng tanyag na pilosopong Hindu na si Vivekananda nang ipinaliliwanag ang isang talata mula sa isang banal na aklat ng Hindu, ang Bhagavad Gita. Sa pagbanggit sa Vedanta, sinabi niya: “Ang pinakamalaking pagkakamali ay ang sabihing ikaw ay mahina, na isa kang makasalanan.”a
Subalit totoo ba na walang kasalanan ang tao? At ano, kung mayroon man, ang minamana ng isang tao kapag isinilang? Tanging “mga pisikal na katangian ang tinitiyak ng pagmamana,” sabi ni Nikhilananda, isang gurong Hindu. Ang ibang katangian ay tinitiyak sa pamamagitan ng “mga ginawa [ng isa] sa mga naunang buhay.” Ayon sa Vivekananda, “ikaw ang maylikha ng iyong tadhana.” Walang itinuturo ang Hinduismo tungkol sa minanang kasalanan.
Ang ideya ng minanang kasalanan ay hindi rin umiiral sa mga kabilang sa Zoroastrianismo, Shintoismo, Confucianismo, at Budhismo. Maging sa Judeo-Kristiyanong mga relihiyon, na karaniwan nang nagtuturo ng doktrina tungkol sa minanang kasalanan, nagbabago ang saloobin tungkol sa kasalanan. Parami nang paraming tao ngayon ang hindi nag-iisip na sila’y makasalanan.
“Hindi pinasisigla ng modernong kaisipan ang moral na kadustaan; lalo na, hindi nito pinasisigla ang pagdusta sa sarili,” sabi ng teologong si Cornelius Plantinga, Jr. May pananagutan din ang mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan sa pagwawalang-bahala sa kasalanan. “Huwag kang pumunta sa simbahan kung ibig mong makarinig ng tungkol sa kasalanan,” sabi ng isang klero sa Duke University. At ayon kay Plantinga, ang ilang simbahan ay karaniwan nang bumabanggit sa kasalanan may kinalaman lamang sa mga usaping panlipunan.
Totoo, maraming pagdurusa sa ngayon. Palasak ang karahasan, krimen, digmaan, alitan ng mga lahi, pag-aabuso sa droga, pandaraya, paniniil, at karahasan laban sa mga bata. Sa katunayan, ang ika-20 siglo ay tinawag na isa sa pinakamadugong mga siglo na naranasan ng sangkatauhan. Idagdag pa rito ang kirot at pagdurusang dulot ng sakit, pagtanda, at kamatayan. Sino ang hindi nananabik na makalaya sa katakut-takot na problema sa sanlibutan sa ngayon?
Ano, kung gayon, ang pangmalas mo sa kasalanan? Minana ba ang kasalanan? Makalalaya pa kaya tayo sa kirot at pagdurusa? Tatalakayin sa susunod na artikulo ang mga tanong na ito.
[Talababa]
a Ang pilosopiyang Vedanta ay batay sa mga Upanishad, na lumilitaw sa dulo ng mga kasulatang Hindu, ang mga Veda.