Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
Pinahid Na ng Diyos ang Kaniyang mga Luha
YAONG mga taong iniaayon ang kanilang buhay sa mga kautusan at mga simulain ni Jehova ay lubhang pinagpapala. Bagaman ang paggawa ng kinakailangang mga pagbabago ay hindi laging madali, ang tulong at pampatibay-loob ay madaling makuha. (Awit 84:11) Inilalarawan ito ng sumusunod na karanasan mula sa Timog-silangang Asia.
Habang nagbabakasyon, isang Saksi mula sa Pransiya ang nakipag-usap sa isang may-ari ng tindahan na nagngangalang Kima hinggil sa layunin ni Jehova para sa lupa. Iniwan din niya kay Kim ang isang kopya ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. Habang binabasa-basa ang aklat, nakita ni Kim ang mga pananalitang, “papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata.” (Apocalipsis 21:4) “Talagang naantig ako ng talatang ito,” gunita ni Kim. “Palibhasa’y nakikita akong nakangiti at nakikipagkuwentuhan buong araw sa tindahan, sino ang makaaalam na kapag nasa bahay na ako sa gabi, umiiyak ako hanggang sa makatulog?” Ipinagtapat niya ang dahilan ng kaniyang kalungkutan: “Labingwalong taon na akong may kinakasamang lalaki at hinding-hindi ako maligaya dahil ayaw niya akong pakasalan. Nais ko nang tapusin ang ganitong paraan ng pamumuhay, ngunit yamang matagal ko na siyang kinakasama, wala akong lakas ng loob na gawin ito.”
Di-nagtagal, tinanggap ni Kim ang isang pag-aaral sa Bibliya sa isa sa mga Saksi ni Jehova na nagngangalang Linh. “Sabik akong ikapit ang turo ng Bibliya,” sabi ni Kim. “Halimbawa, inihinto ko na ang pagsamba sa aking mga ninuno, bagaman umakay ito sa pagsalansang ng aking pamilya. Karagdagan pa, sinikap kong gawing legal ang aming pagsasama, ngunit tumanggi ang aking kinakasama. Sa mahirap na panahong ito, ang Saksi mula sa Pransiya ay patuloy na nagpadala sa akin ng mga publikasyon sa Bibliya, at si Linh ay lubhang nakapagpapatibay sa akin. Ang pagtitiis at maibiging suporta ng mga kapatid na ito ang tumulong sa akin na magbata hanggang sa makilala ko kung sino talaga ang aking kinakasama. Natuklasan kong nagkaroon na pala siya ng 5 ‘asawa’ at 25 anak! Ito ang nagbigay sa akin ng lakas ng loob na iwanan siya.
“Ang pag-alis sa isang malaki at maalwang bahay upang manirahan sa isang maliit na apartment ay hindi madali. Karagdagan pa, ginipit ako ng aking dating kinakasama upang pumisan muli sa kaniya, anupat nagbanta pa ngang sisirain ang aking mukha sa pamamagitan ng asido kung tatanggi ako. Sa tulong ni Jehova, nagawa ko ang tama.” Patuloy na sumulong si Kim at sa wakas ay nabautismuhan noong Abril 1998. Bukod pa rito, ang dalawa sa kaniyang mga kapatid na babae at ang kaniyang anak na lalaking tin-edyer ay nagsimula nang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova.
“Inisip ko noon na wala nang pag-asa ang buhay ko,” sabi ni Kim. “Gayunman, maligaya na ako ngayon, at hindi na ako umiiyak sa gabi. Pinahid na ni Jehova ang mga luha sa aking mga mata.”
[Talababa]
a Binago ang mga pangalan.