Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Dapat ba nating ipagpalagay mula sa Apocalipsis 20:8 na napakalaking bilang ng mga tao ang maililigaw ni Satanas sa panahon ng huling pagsubok?
Inilalarawan ng Apocalipsis 20:8 ang huling pagsalakay ni Satanas sa mga taong nabubuhay sa lupa sa katapusan ng sanlibong-taóng pamamahala ng Mesiyanikong Kaharian. Tungkol kay Satanas, sinasabi ng talata: “Lalabas siya upang iligaw yaong mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, ang Gog at Magog, upang tipunin sila para sa digmaan. Ang bilang ng mga ito ay gaya ng buhangin sa dagat.”
Sa kabila ng mga pagsulong sa makasiyensiyang mga pamamaraan at kagamitan, hindi pa rin nalalaman ang dami o bilang ng “buhangin sa dagat.” Samakatuwid, maaaring sabihin na ang pananalitang iyon ay kumakatawan sa di-batid at di-tiyak na bilang. Subalit nagpapahiwatig ba ito ng napakalaki, ubod ng dami, at pagkalaki-laking bilang pa nga, o ito ba ay isa lamang di-batid ngunit malaki-laking bilang?
Sa Bibliya, ang pananalitang “gaya ng buhangin sa dagat” ay ginagamit sa iba’t ibang paraan. Halimbawa, sa Genesis 41:49, mababasa natin: “Si Jose ay nagpatuloy sa pag-iimbak ng mga butil na lubhang pagkarami-rami, tulad ng buhangin sa dagat, hanggang sa nang dakong huli ay tinigilan na nila ang pagbibilang niyaon, sapagkat iyon ay wala nang bilang.” Ang pagdiriin dito ay sa pagiging di-mabilang nito. Gayundin naman, sinabi ni Jehova: “Kung paanong ang hukbo ng langit ay hindi mabibilang, ni ang buhangin man sa dagat ay matatakal, gayon ko pararamihin ang binhi ni David na aking lingkod.” Kung paanong tiyak na di-mabibilang ang mga bituin sa langit at ang buhangin sa dagat, gayundin katiyak na tutuparin ni Jehova ang kaniyang pangako kay David.—Jeremias 33:22.
Kadalasan, ang pananalitang “buhangin sa dagat” ay tumutukoy sa isang bagay na malaki-laki at kahanga-hanga ang dami o laki. Ang mga Israelita sa Gilgal ay labis na nabagabag dahil sa hukbo ng mga Filisteo na nagtipon sa Micmash, na “gaya ng mga butil ng buhangin na nasa baybay-dagat dahil sa dami.” (1 Samuel 13:5, 6; Hukom 7:12) At “ang Diyos ay patuloy na nagbigay kay Solomon ng napakalaking karunungan at unawa at ng lawak ng puso, tulad ng buhangin na nasa baybay-dagat.” (1 Hari 4:29) Bagaman ang mga binanggit sa bawat halimbawa ay malaki-laki, may hangganan pa rin ang mga ito.
Ang “buhangin sa dagat” ay maaari ring mangahulugan ng di-batid na bilang, bagaman hindi nagpapahiwatig ng pagiging napakarami. Sinabi ni Jehova kay Abraham: “Tiyak na pararamihin ko ang iyong binhi tulad ng mga bituin sa langit at tulad ng mga butil ng buhangin na nasa baybay-dagat.” (Genesis 22:17) Sa pag-ulit sa pangakong ito sa apo ni Abraham na si Jacob, ginamit ni Jehova ang pananalitang “mga butil ng alabok sa lupa,” na muling binanggit ni Jacob na “mga butil ng buhangin sa dagat.” (Genesis 28:14; 32:12) Gaya ng kinalabasan, bukod kay Jesu-Kristo, ang “binhi” ni Abraham ay may bilang na 144,000, na tinawag ni Jesus na “munting kawan.”—Lucas 12:32; Galacia 3:16, 29; Apocalipsis 7:4; 14:1, 3.
Ano ang matututuhan natin mula sa mga halimbawang ito? Na ang pananalitang “gaya ng buhangin sa dagat” ay hindi laging nangangahulugan ng walang hangganan at pagkalaki-laking bilang; ni lagi itong ginagamit upang ilarawan ang isang bagay na napakarami o ubod-laki ang sukat. Kadalasan ay kumakatawan ito sa isang bilang na di-batid ngunit malaki-laki naman. Kaya makatuwirang maniwala na ang mapaghimagsik na pulutong na susuporta kay Satanas sa kaniyang huling pagsalakay sa bayan ng Diyos ay hindi magiging napakarami o napakalaki, kundi malaki-laki at sapat ang dami upang maging isang banta. Gayunman, ang bilang ay nananatiling di-batid hanggang sa ngayon.