Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Bakit hindi pinatay sina David at Bat-sheba dahil sa pangangalunya, samantalang ang kanilang bagong-silang na anak na lalaki ay namatay?
Itinatakda ng Kautusang Mosaiko: “Kung ang isang lalaki ay masumpungang sumisiping sa isang babaing pag-aari ng isang may-ari, silang dalawa ay dapat ngang mamatay na magkasama, ang lalaking sumiping sa babae at ang babae. Gayon mo aalisin ang kasamaan sa Israel.” (Deuteronomio 22:22) Kung hinayaan ng Diyos na Jehova na hawakan ng mga hukom na tao sa ilalim ng Kautusan ang hudisyal na kaso nina David at Bat-sheba, pinatay na sana ang dalawang nangalunya. Yamang hindi nababasa ng mga hukom na tao ang mga puso, humahatol sila batay sa paggawi ng mga nagkasala ayon sa napatunayang katotohanan. Ang hatol na kamatayan ang siyang kabayaran ng pangangalunya. Walang awtoridad ang mga hukom sa Israel na magpatawad sa gayong kasalanan.
Sa kabilang dako, nababasa ng tunay na Diyos ang mga puso at nagpapatawad ng mga kasalanan kung nakikita niyang may saligan para sa kapatawaran. Yamang kasangkot sa kaso si David, na sa kaniya ay nakipagtipan Siya ukol sa Kaharian, pinili ni Jehova na Siya mismo ang humatol at ituring itong isang eksepsiyon. (2 Samuel 7:12-16) May karapatan sa gayong pagpili ang “Hukom ng buong lupa.”—Genesis 18:25.
Ano ang nakita ni Jehova nang suriin niya ang puso ni David? Sinasabi ng superskripsiyon sa Awit 51 na isinisiwalat ng awit na ito ang damdamin ni David “nang pumaroon sa kaniya si Natan na propeta pagkatapos niyang sipingan si Bat-sheba.” Ganito ang sabi ng Awit 51:1-4: “Pagpakitaan mo ako ng lingap, O Diyos, ayon sa iyong maibiging-kabaitan. Ayon sa kasaganaan ng iyong kaawaan ay pawiin mo ang aking mga pagsalansang. Lubusan mo akong hugasan mula sa aking kamalian, at linisin mo ako mula sa aking kasalanan. Sapagkat alam ko ang aking mga pagsalansang, at ang aking kasalanan ay laging nasa harap ko. Laban sa iyo, sa iyo lamang, ako ay nagkasala, at ang masama sa iyong paningin ay nagawa ko.” Tiyak na itinuring ni Jehova ang masidhi at matinding dalamhating ito sa puso ni David bilang katibayan ng tunay na pagsisisi at nagpasiyang may saligan sa pagpapakita ng awa sa mga nagkasala. Bukod diyan, si David mismo ay maawaing tao, at si Jehova ay nagpapakita ng awa sa maawain. (1 Samuel 24:4-7; Mateo 5:7; Santiago 2:13) Kaya, nang aminin ni David ang kaniyang kasalanan, sinabi sa kaniya ni Natan: “Pinalalampas naman ni Jehova ang iyong kasalanan. Hindi ka mamamatay.”—2 Samuel 12:13.
Hindi natakasan nina David at Bat-sheba ang lahat ng bunga ng kanilang kasalanan. “Sa dahilang pinakitunguhan mo nga si Jehova nang walang galang sa bagay na ito,” sinabi ni Natan kay David, “ang bata naman, na kapapanganak pa lamang sa iyo, ay tiyak na mamamatay.” Nagkasakit ang kanilang anak at namatay sa kabila ng pag-aayuno at pagdadalamhating ginawa ni David sa loob ng pitong araw.—2 Samuel 12:14-18.
Nahihirapan ang ilan na maunawaan kung bakit kailangang mamatay ang anak, yamang sinasabi ng Deuteronomio 24:16: “Ang mga anak ay hindi papatayin dahil sa mga ama.” Pero dapat nating tandaan na kung ang kaso ay hinawakan ng mga hukom na tao, ang mga magulang gayundin ang di-pa-naisisilang na anak sa bahay-bata ay mamamatay sana. Ang pagkamatay ng anak ay maaaring nakatulong din kay David na matanto nang mas malinaw kung paanong hindi naging kalugud-lugod kay Jehova ang kasalanan niya kay Bat-sheba. Makapagtitiwala tayo na makatarungang hinawakan ni Jehova ang bagay na ito, sapagkat “sakdal ang kaniyang daan.”—2 Samuel 22:31.
[Larawan sa pahina 31]
Nagpamalas si David ng tunay na pagsisisi