Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ang Deuteronomio 14:21 ay kababasahan ng ganito: “Huwag kayong kakain ng anumang bangkay ng hayop.” Sinasalungat ba nito ang Levitico 11:40, na kababasahan naman ng ganito: “Ang kumain ng anumang mula sa bangkay nito ay maglalaba ng kaniyang mga kasuutan, at siya ay magiging marumi hanggang sa gabi”?
Walang pagkakasalungatan sa dalawang talatang ito. Inuulit lamang ng naunang teksto ang pagbabawal sa pagkain ng hayop na nasumpungang patay, marahil ay napatay ng mababangis na hayop. (Exodo 22:31; Levitico 22:8) Ipinaliliwanag naman ng ikalawang teksto kung ano ang maaaring gawin ng isang Israelita kung nalabag niya ang pagbabawal na iyon, marahil nang di-sinasadya.
Ang katotohanan na may ipinagbabawal ang Kautusan ay hindi nangangahulugang masusunod ito sa lahat ng panahon. Halimbawa, may mga kautusan laban sa pagnanakaw, pagpaslang, pagbibigay ng bulaang patotoo, at iba pa. Kasabay nito, may mga kaparusahan para sa paglabag sa mga kautusang iyon na ibinigay ng Diyos. Ang mga kaparusahang iyon ay lalong nagpapatibay sa mga kautusan at nagpapakita kung gaano kaselan ang mga ito.
Ang isang taong lumabag sa pagbabawal sa pagkain ng laman ng bangkay ng hayop ay magiging marumi sa paningin ni Jehova at kailangang maglinis sa wastong pamamaraan. Kung hindi niya lilinisin nang wasto ang kaniyang sarili, ‘mananagot siya dahil sa kaniyang kamalian.’—Levitico 17:15, 16.