Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
May iba pa bang bagay na inilagay sa kaban ng tipan maliban sa dalawang tapyas na bato?
Nang ialay ang templo ni Solomon noong 1026 B.C.E., “walang anumang nasa Kaban maliban sa dalawang tapyas na ibinigay ni Moises sa Horeb, nang si Jehova ay makipagtipan sa mga anak ni Israel habang lumalabas sila mula sa Ehipto.” (2 Cronica 5:10) Ngunit hindi laging ganiyan.
“Nang ikatlong buwan pagkalabas ng mga anak ni Israel mula sa lupain ng Ehipto,” pumasok sila sa ilang ng Sinai. (Exodo 19:1, 2) Pagkatapos, umakyat si Moises sa Bundok Sinai at tinanggap ang dalawang tapyas na bato ng Kautusan. Inilahad niya: “Nang magkagayon ay pumihit ako at bumaba mula sa bundok at inilagay ko ang mga tapyas sa kaban na ginawa ko, upang manatili roon ang mga iyon, gaya ng iniutos ni Jehova sa akin.” (Deuteronomio 10:5) Ito ay pansamantalang kaban, o lalagyan, na ipinagawa ni Jehova kay Moises upang paglagyan ng mga tapyas ng Kautusan. (Deuteronomio 10:1) Noon lamang huling bahagi ng 1513 B.C.E. natapos ang kaban ng tipan.
Di-nagtagal pagkatapos ng pagliligtas sa kanila sa Ehipto, nagsimulang magbulung-bulungan ang mga Israelita tungkol sa pagkain. Kaya pinaglaanan sila ni Jehova ng manna. (Exodo 12:17, 18; 16:1-5) Nang panahong iyon, tinagubilinan ni Moises si Aaron: “Kumuha ka ng isang banga at lagyan mo iyon ng isang omer na punô ng manna at ilagay mo iyon sa harap ni Jehova bilang bagay na iingatan sa lahat ng inyong mga salinlahi.” Sinabi ng ulat: “Gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises, inilagay iyon ni Aaron sa harap ng Patotoo [isang imbakan para sa pag-iingat ng importanteng mga dokumento] bilang bagay na iingatan.” (Exodo 16:33, 34) Bagaman walang-alinlangang nakapagtipon na ng manna si Aaron sa isang banga noong panahong iyon, nailagay lamang ito sa harap ng Patotoo nang matapos na ni Moises ang Kaban at mailagay na roon ang mga tapyas.
Gaya ng nabanggit na, ang kaban ng tipan ay natapos noong huling bahagi ng 1513 B.C.E. Ang tungkod ni Aaron ay inilagay sa Kaban nang bandang huli, pagkatapos ng paghihimagsik nina Kora at ng iba pa. Binanggit ni apostol Pablo ang “kaban ng tipan . . . , na kinalalagyan ng ginintuang banga na may manna at ng tungkod ni Aaron na nag-usbong at ng mga tapyas ng tipan.”—Hebreo 9:4.
Inilaan ng Diyos ang manna nang pansamantalang manirahan ang mga Israelita sa ilang sa loob ng 40 taon. Hindi na iyon inilaan nang ‘magsimula silang kumain ng ani ng lupang’ ipinangako. (Josue 5:11, 12) May layunin ang paglalagay ng tungkod ni Aaron sa kaban ng tipan—bilang pinakatanda o patotoo laban sa mapaghimagsik na salinlahi. Ipinahihiwatig nito na ang tungkod ay nanatili roon habang naglalakbay sila sa ilang. Kung gayon, waring makatuwirang sabihin na mga ilang panahon matapos pumasok ang mga Israelita sa Lupang Pangako at bago ialay ang templo ni Solomon, ang tungkod ni Aaron at ang ginintuang banga ng manna ay inalis na sa kaban ng tipan.