Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Gumamit ba si Jose, isang tapat na lingkod ni Jehova, ng pantanging pilak na kopa upang bumasa ng mga tanda, gaya ng waring ipinahihiwatig sa Genesis 44:5?
Walang dahilan upang isiping aktuwal na nagsagawa ng anumang anyo ng panghuhula si Jose.
Isinisiwalat ng Bibliya ang talagang pagkaunawa ni Jose hinggil sa paggamit ng mga sining ng mahika upang alamin ang kinabukasan. Bago nito, nang hilingan siyang bigyang-kahulugan ang mga panaginip ni Paraon, paulit-ulit na idiniin ni Jose na ang Diyos lamang ang ‘makapagpapatalastas’ ng mga bagay na mangyayari. Bilang resulta, naniwala mismo si Paraon na ang Diyos na sinasamba ni Jose—ang tunay na Diyos, hindi ang mga kapangyarihan ng okultismo—ang tumulong kay Jose upang malaman ang mga detalye ng mga bagay na magaganap sa hinaharap. (Genesis 41:16, 25, 28, 32, 39) Sa Kautusan na ibinigay kay Moises nang maglaon, ipinagbawal ni Jehova ang paggamit ng mahika o panghuhula, at sa gayon ay tiniyak Niya na Siya lamang ang patiunang makapagsasabi ng mangyayari sa hinaharap.—Deuteronomio 18:10-12.
Kung gayon, bakit ipinahiwatig ni Jose sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na gumamit siya ng pilak na kopa upang ‘makabasa ng mga tanda nang may kahusayan’?a (Genesis 44:5) Kailangan nating isaalang-alang ang mga kalagayan nang banggitin ang pangungusap na ito.
Dahil sa napakatinding taggutom, ang mga kapatid ni Jose ay naglakbay patungong Ehipto upang kumuha ng pagkain. Ilang taon bago nito, ang mga kapatid ding ito ni Jose ang nagbenta sa kaniya sa pagkaalipin. Ngayon, lingid sa kanilang kaalaman na ang hinihingan nila ng tulong ay ang mismong kapatid nila, na naging administrador ng pagkain sa Ehipto. Hindi ibinunyag ni Jose sa kanila kung sino talaga siya. Sa halip, ipinasiya niyang subukin sila. Angkop naman na gustong malaman ni Jose kung totoo ang kanilang pagsisisi. Gusto rin niyang malaman kung talagang minamahal nila—at kung gaano nila kamahal—ang kanilang kapatid na si Benjamin at ang kanilang amang si Jacob, na ang lubhang kinagigiliwan ay si Benjamin. Kaya gumawa ng pakana si Jose.—Genesis 41:55–44:3.
Inutusan ni Jose ang isa sa kaniyang mga lingkod na punuin ng pagkain ang supot ng kaniyang mga kapatid, ibalik ang salapi ng bawat isa sa bibig ng kani-kanilang supot, at ilagay ang pilak na kopa ni Jose sa bibig ng supot ni Benjamin. Sa lahat ng ito, gumaganap si Jose sa kaniyang papel bilang administrador sa paganong lupain. Ibinagay niya ang kaniyang sarili, ang kaniyang kilos, at ang kaniyang pananalita sa paggawi ng gayong administrador, gaya ng waring nakikita ng kaniyang walang kamalay-malay na mga kapatid.
Nang humarap si Jose sa kaniyang mga kapatid, patuloy pa rin siya sa kaniyang pagkukunwari, anupat tinanong niya sila: “Hindi ba ninyo alam na ang isang lalaking gaya ko ay may-kahusayang nakababasa ng mga tanda?” (Genesis 44:15) Kaya maliwanag na ang kopa ay bahagi lamang ng kaniyang pakana. Ang paggamit ni Jose ng kopa upang makabasa ng mga tanda ay hindi totoo kung paanong hindi rin totoo na ninakaw ni Benjamin ang kopa.
[Talababa]
a Sa paglalarawan sa sinaunang kaugaliang ito, ganito ang paliwanag ng The Holy Bible, With an Explanatory and Critical Commentary, na inedit ni F. C. Cook: “Ginagawa ito sa pamamagitan ng alinman sa paghuhulog ng ginto, pilak, o alahas sa tubig, saka pagsusuri sa anyo ng mga ito; o basta pagtingin sa tubig na gaya sa salamin.” Ganito ang sinabi ng komentarista sa Bibliya na si Christopher Wordsworth: “Kung minsan ang kopa ay pinupuno ng tubig, at ang sagot ay depende sa larawang maaaninag sa tubig na nasa kopa kapag nasinagan ng araw.”