Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ayon sa Mateo 5:22, nagbabala si Jesus laban sa anong tatlong panganib?
Sa kaniyang Sermon sa Bundok, binabalaan ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga tagasunod: “Sinasabi ko sa inyo na ang bawat isa na patuloy na napopoot sa kaniyang kapatid ay magsusulit sa hukuman ng katarungan; ngunit ang sinumang nagsasalita sa kaniyang kapatid ng isang di-mabigkas na salita ng paghamak ay magsusulit sa Kataas-taasang Hukuman; samantalang ang sinumang nagsasabi, ‘Ikaw na kasuklam-suklam na mangmang!’ ay nararapat sa maapoy na Gehenna.”—Mateo 5:22.
Gumamit si Jesus ng mga bagay na pamilyar sa mga Judio—ang hukuman ng katarungan, ang Kataas-taasang Hukuman, at ang maapoy na Gehenna—upang ipabatid sa kanila na ang parusa ay depende sa antas ng kasalanan.
Una, sinabi ni Jesus na sinumang patuloy na napopoot sa kaniyang kapatid ay magsusulit sa “hukuman ng katarungan,” ang lokal na hukuman. Ayon sa tradisyon, ang mga hukumang ito ay nasa mga lunsod na may 120 o higit pang mga adultong lalaki. (Mateo 10:17; Marcos 13:9) Ang mga hukom sa gayong hukuman ay may karapatang maggawad ng hatol, maging sa mga kaso ng pagpaslang. (Deuteronomio 16:18; 19:12; 21:1, 2) Kaya ipinakikita ni Jesus na ang isang taong nagkikimkim ng matinding poot laban sa kaniyang kapatid ay nagkakasala nang malubha.
Idinagdag pa ni Jesus na ang taong “nagsasalita sa kaniyang kapatid ng isang di-mabigkas na salita ng paghamak ay magsusulit sa Kataas-taasang Hukuman.” Ang Griegong salita na rha·kaʹ (talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References) na isinaling “di-mabigkas na salita ng paghamak” ay nangangahulugang “walang laman” o “walang-isip.” Ayon sa The New Thayer’s Greek-English Lexicon of the New Testament, ang salitang iyon ay “terminong ginagamit ng mga Judio sa pandurusta noong panahon ni Kristo.” Kaya nagbabala si Jesus na isang malubhang pagkakasala ang paghahayag ng pagkapoot sa kapuwa na gumagamit ng mapang-alipustang termino ng paghamak. Para na ring sinabi ni Jesus na ang taong gumagamit ng gayong salita ay hahatulan hindi lamang ng lokal na hukuman kundi ng Kataas-taasang Hukuman, ang buong Sanedrin—ang hudisyal na lupon sa Jerusalem na binubuo ng mataas na saserdote at ng 70 matatandang lalaki at mga eskriba.—Marcos 15:1.
Bilang panghuli, ipinaliwanag ni Jesus na ang sinumang magsabi, “Ikaw na kasuklam-suklam na mangmang!” ay nararapat sa maapoy na Gehenna. Ang salitang “Gehenna” ay mula sa mga salitang Hebreo na geh hin·nomʹ, na nangangahulugang “libis ng Hinom,” na nasa kanluran at timog ng sinaunang Jerusalem. Noong panahon ni Jesus, ang libis ay ginagamit na sunugan ng basura, pati na ng mga bangkay ng buktot na mga kriminal na itinuturing na hindi nararapat sa isang disenteng libing. Kaya ang salitang “Gehenna” ay angkop na sagisag ng lubusang pagkapuksa.
Ano kung gayon ang ibig sabihin ng pananalitang “kasuklam-suklam na mangmang”? Ang salitang ginamit dito ay katulad ng Hebreong termino na nangangahulugang “mapaghimagsik,” o “masuwayin.” Tumutukoy ito sa isang tao na walang-kuwenta, isang apostata at mapaghimagsik sa Diyos. Kaya kapag tinawag ng isa ang kaniyang kapuwa na “kasuklam-suklam na mangmang,” para na rin niyang sinabi na dapat lamang tumanggap ang kaniyang kapatid ng parusang tulad ng iginagawad sa isang mapaghimagsik sa Diyos, ang walang-hanggang pagkapuksa. Sa pangmalas ng Diyos, ang isa na bumibigkas ng gayong hatol laban sa iba ang siya mismong nararapat sa napakatinding parusa—ang walang-hanggang pagkapuksa.—Deuteronomio 19:17-19.
Kaya nagbigay si Jesus sa kaniyang mga tagasunod ng isang pamantayang mas mataas kaysa sa mga simulain sa Kautusang Mosaiko. Bagaman naniniwala ang mga tao na ang isang mamamatay-tao ay “magsusulit sa hukuman ng katarungan,” higit pa rito ang itinuro ni Jesus. Tinuruan niya ang kaniyang mga tagasunod na iwasan maging ang pagkikimkim ng matinding poot laban sa kanilang mga kapatid.—Mateo 5:21, 22.