Tanong ng mga Mambabasa
Bakit Hindi Sinasagot ang Ilang Panalangin?
Napakadaling lumapit sa Diyos. Gaya ng isang maibiging ama na natutuwa kapag ang kaniyang mga anak ay nagsasabi sa kaniya ng kanilang niloloob, gusto rin ng Diyos na Jehova na manalangin tayo sa Kaniya. Pero gaya ng isang matalinong ama, may magagandang dahilan ang Diyos kung bakit hindi niya sinasagot ang ilang kahilingan natin. Mahiwaga ba ang kaniyang mga dahilan, o may sinasabi ang Bibliya hinggil dito?
Ipinaliwanag ni apostol Juan: “Ito ang pagtitiwala na taglay natin sa kaniya, na, anumang bagay ang hingin natin ayon sa kaniyang kalooban, tayo ay pinakikinggan niya.” (1 Juan 5:14) Dapat na kaayon ng kalooban ng Diyos ang ating mga kahilingan. Ang ilan ay nananalangin para sa mga bagay na hindi talaga kalooban ng Diyos—halimbawa, ang manalo sa loterya o sa pustahan. Mali naman ang motibo ng iba kapag nananalangin sila. Nagbababala ang alagad na si Santiago hinggil sa gayong maling paraan ng pananalangin: “Kayo nga ay humihingi, gayunma’y wala kayong tinatanggap, sapagkat humihingi kayo ukol sa maling layunin, upang gugulin ninyo ito sa inyong mga pagnanasa sa kaluguran ng laman.”—Santiago 4:3.
Halimbawa, paano kung ang magkalabang koponan sa basketbol ay parehong nanalangin na manalo sila sa laro? Hindi makatuwirang asahan na sasagutin ng Diyos ang gayong magkasalungat na panalangin. Ganiyan din sa mga digmaan sa ngayon kapag ang magkabilang panig ay parehong nananalangin na manalo sila.
Ang mga taong sumusuway sa mga batas ng Diyos ay hindi makaaasang sasagutin niya ang kanilang mga panalangin. Nasabi minsan ni Jehova sa kaniyang mapagpaimbabaw na mga mananamba: “Kahit nananalangin kayo ng marami, hindi ako nakikinig; ang inyo mismong mga kamay ay napuno ng pagbububo ng dugo.” (Isaias 1:15) Sinasabi ng Bibliya: “Siyang naglalayo ng kaniyang tainga sa pakikinig sa kautusan—maging ang kaniyang panalangin ay karima-rimarim.”—Kawikaan 28:9.
Sa kabilang dako naman, laging pinakikinggan ni Jehova ang taimtim na panalangin ng kaniyang mga mananamba na gumagawa ng kanilang buong makakaya para paglingkuran siya ayon sa kaniyang kalooban. Pero ibig bang sabihin, ibibigay niya ang anumang hilingin nila? Hindi naman. Pansinin ang ilang halimbawa sa Kasulatan.
Napakalapit ng kaugnayan ni Moises sa Diyos; pero kailangan din niyang humiling ‘ayon sa kalooban ng Diyos.’ Nagmakaawa si Moises na pahintulutan siyang pumasok sa lupain ng Canaan na taliwas naman sa inihayag na layunin ng Diyos: “Hayaan mong tumawid ako, pakisuyo, at makita ko ang mabuting lupain na nasa kabila ng Jordan.” Pero bago nito, sinabihan si Moises na hindi siya makapapasok sa lupain dahil sa kaniyang kasalanan. Kaya sa halip na pagbigyan ang hiling ni Moises, sinabi sa kaniya ni Jehova: “Tama ka na! Huwag ka nang magsalita sa akin tungkol sa bagay na ito.”—Deuteronomio 3:25, 26; 32:51.
Ipinanalangin ni apostol Pablo na maalis sa kaniya ang tinatawag niyang “tinik sa laman.” (2 Corinto 12:7) Ang “tinik” na ito ay maaaring tumutukoy sa kaniyang matagal nang sakit sa mata o sa patuloy na pang-uusig sa kaniya ng mga mananalansang at “mga bulaang kapatid.” (2 Corinto 11:26; Galacia 4:14, 15) Ganito ang isinulat ni Pablo: “Tatlong ulit akong namanhik sa Panginoon na maalis ito sa akin.” Pero alam ng Diyos na kung patuloy na mangangaral si Pablo sa kabila ng kaniyang nakaiinis at nagtatagal na “tinik sa laman,” malinaw na maipakikita nito ang kapangyarihan ng Diyos at ang lubusang pagtitiwala ni Pablo sa Kaniya. Kaya sa halip na ibigay ang kahilingan ni Pablo, sinabi sa kaniya ng Diyos: “Ang aking kapangyarihan ay pinasasakdal sa kahinaan.”—2 Corinto 12:8, 9.
Oo, mas alam ng Diyos kung ang ating hinihiling ay para sa ating kapakanan. Ang sagot ni Jehova ay laging para sa ating ikabubuti at ayon sa kaniyang maibiging layunin na nakaulat sa Bibliya.