Alam Mo Ba?
Ang ketong ba na binabanggit sa Bibliya ay kapareho ng sakit na ketong sa ngayon?
Ang terminong pangmedisina na “ketong” na ginagamit ngayon ay tumutukoy sa isang impeksiyon na dala ng baktirya at nagdudulot ng sakit sa mga tao. Ang baktiryang ito (Mycobacterium leprae) ay unang natuklasan ni Dr. G.A. Hansen noong 1873. Natuklasan ng mga mananaliksik na ang mga baktiryang lumabas sa katawan dahil sa pagbahin o pagsinga ay maaaring mabuhay nang hanggang siyam na araw. Nasumpungan din nilang ang mga taong kasa-kasama ng mga may ketong ay mas malamang na mahawa sa sakit, at na posible ring mahawa ang isa mula sa kontaminadong damit. Ayon sa World Health Organization, mahigit 220,000 bagong kaso ng ketong ang iniulat noong 2007.
Walang alinlangang may mga taong nagkaketong sa Gitnang Silangan noong panahon ng Bibliya, at kahilingan sa Kautusang Mosaiko na ikuwarentenas ang taong may ketong. (Levitico 13:4, 5) Gayunman, ang salitang Hebreo na tsa·raʹʽath na isinaling “ketong” ay hindi lamang tumutukoy sa mga taong may ketong. Maaari ding magkaroon ng tsa·raʹʽath ang mga damit at mga bahay. Ang uring ito ng ketong ay maaaring lumitaw sa mga damit na lana o lino o sa anumang bagay na yari sa balat. Sa ilang kaso, maaari itong alisin sa pamamagitan ng paglalaba, pero kung hindi maalis ang “salot na manilaw-nilaw na luntian o mamula-mula,” ang damit o ang anumang bagay na yari sa balat ay dapat sunugin. (Levitico 13:47-52) Sa mga bahay, ang salot ay makikita sa “mga uka na manilaw-nilaw na luntian o mamula-mula” sa dingding. Ang apektadong mga bato at argamasa ay aalisin at itatapon nang malayo sa tirahan ng mga tao. Kapag bumalik ang ketong, ang gusali ay dapat gibain at itatapon ang mga materyales. (Levitico 14:33-45) Sinasabi ng ilan na ang ketong sa mga damit o bahay ay maaaring ilarawan ngayon bilang amag. Pero hindi pa rin ito tiyak.
Bakit lumikha ng kaguluhan sa mga panday-pilak ang pangangaral ni apostol Pablo sa Efeso?
Malaki ang kinikita ng mga panday-pilak sa Efeso sa paggawa nila ng mga “pilak na dambana ni Artemis,” ang patrona ng Efeso, isang diyosa ng pangangaso, pag-aanak, at panganganak. (Gawa 19:24) Ang kaniyang imahen ay sinasabing nahulog “mula sa langit” at iningatan sa templo ni Artemis sa Efeso. (Gawa 19:35) Ang templong ito ay itinuturing na isa sa pitong kamangha-manghang gawa ng mga tao ng sinaunang daigdig. Pulu-pulutong na mga deboto ang dumadagsa sa Efeso kung Marso/Abril taun-taon upang dumalo sa mga kapistahang nagpaparangal kay Artemis. Dahil sa pagdagsa ng mga taong dumadalaw sa dambana, naging mabenta ang mga bagay na may kaugnayan sa kulto, na ginagawang mga subenir, anting-anting, o handog sa diyosa o ginagamit ng pamilya sa kanilang pagsamba kapag nakauwi na sila. Binabanggit ng sinaunang mga inskripsiyon mula sa Efeso ang paggawa ng ginto at pilak na mga estatuwa ni Artemis, at espesipikong binabanggit ng iba pang inskripsiyon ang samahan ng mga panday-pilak.
Itinuro ni Pablo na ang mga imaheng “ginawa ng mga kamay ay hindi mga diyos.” (Gawa 19:26) Dahil dito, nakita ng mga panday-pilak na nanganganib ang kanilang negosyo kung kaya nagsulsol sila ng kaguluhan upang tutulan ang pangangaral ni Pablo. Ipinahayag ni Demetrio, isa sa mga panday-pilak, ang kanilang mga pangamba, sa pagsasabi: “May panganib na hindi lamang mawawalan ng dangal ang hanapbuhay nating ito kundi ituturing ding walang kabuluhan ang templo ng dakilang diyosa na si Artemis at maging ang kaniyang karingalan na sinasamba ng buong distrito ng Asia at ng tinatahanang lupa ay mapapawi.”—Gawa 19:27.