“Isa Pa”
NAGSIMULANG uminom nang labis si Allen noong siya ay 11 anyos.a Naglalaro silang magkakaibigan sa kakahuyan habang ginagaya ang mga tauhan sa mga pelikula. Ang mga tauhang ginagaya nila ay kathang-isip lamang pero ang alak na iniinom nila ay tunay.
Unti-unting lumakas uminom ng alak si Tony noong siya’y 40 anyos. Gabi-gabi umiinom siya ng isa o dalawang baso hanggang sa naging lima o anim. Nang maglaon, hindi na niya alam kung ilan ang naiinom niya sa isang araw.
Humingi ng tulong si Allen hinggil sa kaniyang problema sa pag-inom. Tinanggihan ni Tony ang tulong na iniaalok ng kaniyang nagmamalasakit na pamilya at mga kaibigan. Buháy pa si Allen, pero si Tony, patay na. Namatay siya sa aksidente sa motor dahil sa kalasingan mga ilang taon na ang nakalilipas.
Kahit na walang kasamang umiinom ang isa pero labis naman ang kaniyang pag-inom, nakaaapekto rin ito sa ibang tao na kadalasan pa ngang may masaklap na resulta.b Ang pag-abuso sa alak ay madalas na nagiging sanhi ng mga berbal at pisikal na pang-aabuso, pananakit at pagpaslang, mga aksidente sa pagmamaneho at sa trabaho, at maraming problema sa kalusugan. Bilyun-bilyong dolyar bawat taon ang naaaksaya dahil sa pinsalang dulot ng pag-abuso sa alak. Hindi pa kasali riyan ang pasakit na dulot nito sa mismong umiinom, pati na sa kaniyang pamilya.
Gayunpaman, “hindi lahat ng madalas uminom ay may problema sa pag-inom at hindi lahat ng may problema sa pag-inom ay umiinom araw-araw,” ang sabi ng U.S. National Institutes of Health. Marami sa mga hindi naman alkoholiko ang unti-unting nagiging malakas uminom nang hindi nila namamalayan. Ang iba naman ay paminsan-minsan lang uminom ngunit nakakalima o higit pang bote o tagay sa isang upuan.
Kung iinom ka, gaano naman karami? Kailan ka dapat tumigil sa pagsasabing “isa pa”? (Kawikaan 23:29, 30, Contemporary English Version) Tatalakayin sa susunod na mga artikulo ang kapaki-pakinabang na impormasyon tungkol sa paksang ito.
[Mga talababa]
a Binago ang ilang pangalan.
b Bagaman apat na beses na mas malamang na maging alkoholiko ang mga lalaki kaysa sa mga babae, kapit din ang impormasyong tinatalakay rito sa mga babae.