Panalangin
3 Paano Dapat Manalangin?
MARAMING relihiyon ang nagtutuon ng pansin sa pisikal na aspekto ng panalangin, gaya ng posisyon, pananalita, at ritwal. Gayunman, tinutulungan tayo ng Bibliya na magpokus sa mas mahalagang aspekto ng tanong na, “Paano dapat manalangin?”
Ipinakikita ng Bibliya na ang mga tapat na lingkod ng Diyos ay nanalangin sa iba’t ibang lugar at posisyon. Nanalangin sila nang tahimik o malakas depende sa kalagayan. Ang ilan ay nakatingala sa langit, ang iba ay nakayuko. Sa halip na gumamit ng mga imahen, rosaryo, o aklat-dasalan bilang pantulong sa pananalangin, nanalangin sila sa kanilang sariling pananalita mula sa puso. Bakit dininig ng Diyos ang kanilang mga panalangin?
Gaya ng nabanggit sa naunang artikulo, nanalangin sila sa iisang Diyos lamang—kay Jehova. Pero may isa pang mahalagang salik. Mababasa natin sa 1 Juan 5:14: “Ito ang pagtitiwala na taglay natin sa kaniya, na, anumang bagay ang hingin natin ayon sa kaniyang kalooban, tayo ay pinakikinggan niya.” Kailangang ayon sa kalooban ng Diyos ang ating mga panalangin. Ano ang ibig sabihin nito?
Para maging kaayon ng kalooban ng Diyos ang ating panalangin, kailangan nating malaman ang kaniyang kalooban. Kaya mahalaga ang pag-aaral ng Bibliya. Ibig bang sabihin nito na hindi tayo diringgin ng Diyos kung hindi tayo mga iskolar sa Bibliya? Hindi naman, pero inaasahan ng Diyos na aalamin natin ang kaniyang kalooban, uunawain ito, at gagawin ito. (Mateo 7:21-23) Dapat tayong manalangin kaayon ng ating natututuhan.
Habang natututo tayo tungkol kay Jehova at sa kaniyang kalooban, lalo tayong nagkakaroon ng pananampalataya—isa pang mahalagang salik sa pananalangin. Sinabi ni Jesus: “Lahat ng mga bagay na hihingin ninyo sa panalangin, taglay ang pananampalataya, ay tatanggapin ninyo.” (Mateo 21:22) Hindi ibig sabihin na dahil sa nananampalataya ka ay basta-basta ka na lamang naniniwala. Ang pananampalataya ay paniniwala sa isang bagay, na bagaman hindi nakikita ay suportado ng napakatibay na ebidensiya. (Hebreo 11:1) Ang Bibliya ay punung-puno ng ebidensiya na si Jehova, na hindi natin nakikita, ay tunay, maaasahan, at gustong sumagot sa mga panalangin ng mga may pananampalataya sa kaniya. Isa pa, lagi tayong makahihingi sa kaniya ng higit na pananampalataya, at gustung-gusto ni Jehova na ibigay ang kailangan natin.—Lucas 17:5; Santiago 1:17.
Narito ang isa pang mahalagang salik sa pananalangin. Sinabi ni Jesus: “Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” (Juan 14:6) Kaya si Jesus ang daan para makalapit tayo sa Ama, kay Jehova. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na manalangin sa pangalan niya. (Juan 14:13; 15:16) Hindi iyan nangangahulugan na dapat tayong manalangin kay Jesus. Sa halip, dapat tayong manalangin sa pangalan ni Jesus, na inaalaalang siya ang dahilan kung bakit tayo nakalalapit sa ating sakdal at banal na Ama.
Minsan, hiniling ng malalapít na tagasunod ni Jesus: “Panginoon, turuan mo kaming manalangin.” (Lucas 11:1) Hindi nila tinutukoy ang mga bagay na natalakay natin. Sa halip, sa diwa ay sinasabi nila, ‘Ano ang dapat naming ipanalangin?’
[Blurb sa pahina 6]
Diringgin ng Diyos ang panalangin kung kaayon ito ng kaniyang kalooban, binigkas nang may pananampalataya, at ipinarating sa pangalan ni Jesus