Liham Mula sa Haiti
“Talagang Pinagpala Ako”
HINDI ko matingnan sa balita ang pagkawasak na dulot ng lindol sa Haiti noong Enero 12, 2010. Pero noong ika-20 ng Enero, tinawagan ako ng kaibigan kong si Carmen at niyaya akong magboluntaryo sa Haiti. Nakilala ko si Carmen mga ilang taon na ang nakalilipas nang magboluntaryo kami bilang nars sa isang itinatayong Kingdom Hall. Mula noon, nagboluntaryo pa kami sa ibang mga proyekto at naging matalik na magkaibigan.
Sinabi ko kay Carmen na baka hindi ko kayanin na magboluntaryo sa Haiti. Pero ang sabi niya, bagay kaming magkapartner at puwede kaming magtulungan. Kaya tumawag ako sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York. Kinausap ko ang nag-oorganisa sa pagtulong sa mga nasalanta ng lindol at nagpalista ako bilang boluntaryo. Binanggit ko rin si Carmen at sinabi kong gusto naming magtrabaho nang magkasama. Pero hindi raw tiyak kung matatawag kami o kung puwede kaming pagsamahin.
Hindi na ako umasang matatawag kaya nagpatuloy ako sa aking araw-araw na gawain. Pagkalipas ng apat na araw, Lunes, Enero 25, tinawagan ako ng Brooklyn at tinanong kung puwede akong magbiyahe patungong Haiti—kung maaari kinabukasan! Hindi ako makapaniwala. Sinabi kong gagawin ko ang lahat ng magagawa ko. Una, nagbakasyon ako sa trabaho. Pagkatapos, tinawagan ko si Carmen at nalaman kong hindi pala siya naanyayahang magboluntaryo dahil hindi siya nagsasalita ng wikang Pranses. Tuwang-tuwa ako na natawag ako pero nakakanerbiyos. Noong Enero 28, nang makabili ako ng tiket ng eroplano, lumipad na ako mula New York patungong Santo Domingo sa Dominican Republic, na katabi lang ng Haiti.
Sinundo ako ng isang Saksi sa airport at inihatid sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Dominican Republic. Dalawa pang nars mula sa Estados Unidos ang dumating, at magkakasama kaming natulog sa isang kuwarto nang gabing iyon. Kinaumagahan, inihatid kami sa tanggapang pansangay sa Haiti sa Port-au-Prince, na pito at kalahating oras na biyahe.
Pagdating sa Haiti, nakita namin ang kagibaan. Halos hindi kapani-paniwala ang pinsalang naidulot ng 35-segundong lindol sa magandang lupaing ito. Sa TV pa lang, napakahirap na nitong tingnan, ano pa kaya ang makita ito nang aktuwal. Maraming napinsalang bahay, pati na ang palasyo ng presidente. Pero ang iba, talagang gumuho. Marami sa mga tahanang iyon ay buong-buhay na pinaghirapan—pero naglaho lang na parang bula. Nakita ko na hindi talaga materyal na mga bagay ang mahalaga.
Pagdating namin sa sangay, napatakbo ang resepsiyonista at sinalubong kami ng mahigpit na yakap at matamis na ngiti. Pinasalamatan niya ang pagsasakripisyo namin para makapunta roon. Pagkatapos mananghali, nagpunta kami sa kalapít na Assembly Hall na ginawang ospital. Nakilala ko roon ang iba pang boluntaryong Saksi, kabilang ang mag-asawang doktor na taga-Alemanya, ang kanilang assistant, at isang komadrona mula sa Switzerland.
Nagsimula na akong magtrabaho nang gabing iyon. May 18 pasyente na nakahiga sa mga kutson sa sahig ng Assembly Hall. Saksi man sila o hindi, pare-pareho ang libreng pangangalagang ibinibigay sa bawat pasyente.
Nang gabi ring iyon, isang 80-anyos na lalaki ang namatay. Nasa tabi niya ang kaniyang asawa at kami ng roommate ko. Pagkatapos, isa namang kabataang babaing nagngangalang Ketly ang napasigaw sa sakit. Ang kaniyang kanang braso ay pinutol dahil sa mga pinsalang natamo niya sa lindol. Nasa tabi niya ang Saksi na nagtuturo sa kaniya ng Bibliya. Halos gabi-gabi nitong sinasamahan si Ketly sa Assembly Hall.
Pinuntahan ko si Ketly dahil gusto kong maibsan ang kirot na nadarama niya, pero higit pa ito sa pisikal na kirot. Sinabi niyang nasa bahay siya ng kaniyang kaibigan nang lumindol. Hindi nila alam kung ano ang nangyayari. Tumakbo sila sa balkonahe na nakakapit sa isa’t isa, nang bumagsak sa kanila ang dingding. Tinawag niya ang kaniyang kaibigan, pero hindi ito sumasagot. Alam niyang patay na ang kaibigan niya. Ang katawan nito ay bahagya pang nakadagan kay Ketly nang dumating ang mga tagasagip pagkaraan ng apat na oras. Pinutol ang kanang braso ni Ketly hanggang sa hugpungan ng balikat.
Nang unang gabi ko roon, laging naaalaala ni Ketly ang nangyari sa kaniya tuwing sinusubukan niyang makatulog. Habang humihikbi, sinabi niya sa akin: “Alam ko ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga huling araw at lindol. Alam ko rin na may pag-asa tayo sa hinaharap. Alam kong dapat akong magpasalamat na buháy ako. Pero sa iyo man mangyari ang nangyari sa akin, ano’ng mararamdaman mo? Ayos na ayos ang lahat, ’tapos bigla kang magkakaganito.” Wala akong nagawa kundi yakapin siya at umiyak din. Nag-iyakan kami hanggang sa makatulog siya.
Araw-araw, isang doktor at dalawang nars ang ipinadadala para magbigay ng medikal na tulong sa mga nangangailangan. Ipinadala ako sa Petit Goave, mga dalawang oras na biyahe mula sa Port-au-Prince. Kasama ko ang dalawa pang boluntaryo—isang nars mula sa Florida at isang doktor mula sa Pransiya. Nakarating kami roon nang 9:30 n.u. Ibinaba namin ang mga gamit at suplay, at dinala ito sa loob ng Kingdom Hall. Sinabihan ang mga tao na parating kami, kaya nakaupo na sila at naghihintay sa amin.
Nagtrabaho agad kami. Mainit noon, at ang pila ng mga magpapatingin ay pahaba nang pahaba. Mga alas tres na ng hapon nang makapananghali kami. Nang araw na iyon, kaming tatlo ay nakapagbigay ng 114 na bakuna at 105 ang natingnan namin. Pagód ako pero masaya dahil nakatulong kami sa mga nangangailangan.
Mahigit dalawang linggo rin akong tumulong sa Haiti. Halos gabi-gabi, 12 oras akong nagtatrabaho sa Assembly Hall. Noon lang ako nagkaroon ng ganoon kabigat na pananagutan. Pero isang pribilehiyo para sa akin na makapagtrabaho roon. Tuwang-tuwa ako na kahit paano ay nakatulong ako sa mga taga-Haiti na lubhang napinsala.
Marami kaming natutuhan sa kanila. Halimbawa, may inalagaan akong 15-anyos na batang lalaki, si Eliser, na kinailangang putulin ang isang binti. Napansin ko na hindi niya inuubos ang kaniyang pagkain para may maibigay siya kay Jimmy, ang nagbabantay sa kaniya kung gabi. Sinabi niya sa akin na hindi nakakakain si Jimmy bago ito pumunta sa kaniya. Pinatunayan ni Eliser na hindi natin kailangang maging mayaman o malusog para maibahagi sa iba ang taglay natin.
Kitang-kita rin ang pagiging mapagsakripisyo ng mga boluntaryo na kasama ko. Masama ang pakiramdam ng isang boluntaryo; masakit naman ang likod ng isa. Pero inuna nila ang mga pangangailangan ng pasyente kaysa sa kanilang sarili. Napasigla ako nito na magpatuloy. Kung minsan, hirap na hirap na ang kalooban namin at pagod na pagod na ang aming isip at katawan. Pero inaalalayan namin ang isa’t isa at hindi kami sumusuko. Isa ngang di-malilimutang karanasan! Nagpapasalamat ako na maging bahagi ng isang organisasyon ng mga Kristiyano na mababait, maibigin, at mapagsakripisyo.
Bago ako umalis sa Haiti, dalawang pasyente na naputulan ng kanang braso ang nakagawa pa ng mga liham ng pasasalamat sa akin. Sinabi nila na basahin ko ito kapag nasa eroplano na ako. Iyon nga ang ginawa ko. Parang kinurot ang puso ko nang mabasa ko ang mga ito. Hindi ko napigil na umiyak.
Kahit nakauwi na ako, hindi naputol ang komunikasyon namin ng mga bago kong kaibigan sa Haiti. Naging matibay ang aming pagkakaibigan na sinubok sa mga panahon ng kahirapan at krisis. Naniniwala akong walang pagsubok na hindi namin kayang lampasan. Talagang pinagpala ako.