Isang Taga-Silangang Asia sa Sinaunang Italya
PAANO kaya napadpad ang isang taga-Silangang Asia sa sinaunang Imperyo ng Roma 2,000 taon na ang nakalipas? Iyan ang tanong ng mga arkeologo nang mahukay nila ang kalansay nito sa timugang Italya noong 2009.
Natagpuan ito sa isang sinaunang sementeryong Romano sa Vagnari, 60 kilometro sa kanluran ng Bari. Pitumpu’t limang kalansay ng tao ang nahukay. Ipinakikita ng mga pagsusuri sa mga buto na ang karamihan sa mga taong ito ay isinilang sa kalapit na lugar. Pero palaisipan sa mga mananaliksik ang kalansay ng isang tao. Ipinakikita ng pagsusuri sa kaniyang DNA na taga-Silangang Asia ang kaniyang nanay.a Tinatayang namatay siya noong una o ikalawang siglo C.E. Ayon sa isang report, “waring ito ang unang pagkakataon na may natagpuang kalansay ng isang taga-Silangang Asia sa Imperyo ng Roma.” Sino kaya ang taong ito?
“Sa unang tingin, maiuugnay ang taong ito sa kalakalan ng seda sa pagitan ng Tsina at Roma,” ang sabi ng report ding iyon. Pero ayon sa pala-palagay, ang gayong kalakalan ay ginawa ng mga tagapamagitan, o mga ahente, kaya walang sinuman ang talagang naglakbay nang 8,000 kilometro sa pagitan ng Tsina at Italya.
Ano ang sinasabi sa atin ng lugar kung saan nakita ang mga labí? Noong sinaunang panahon, ang Vagnari ay isang lupaing kontrolado ng emperador. Ang trabaho ng mga tagaroon ay pagtunaw ng bakal at paggawa ng mga baldosang-luwad. Marami sa mga manggagawa roon ay mga alipin, at malamang na isa sa kanila ang taga-Silangan na ito. Sa katunayan, ang libingan niya ay hindi pangmayaman. Ang natira sa mga gamit na inilibing kasama niya ay isang palayok, at isa pang bangkay ang nakapatong sa kaniya.
Bakit mahalaga ang tuklas na ito? Ang paglaganap ng mensahe ng mga Kristiyano noong unang siglo C.E. ay depende sa layo ng narating ng mga tao noon. Iniuulat ng Bibliya na pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E., ang mabuting balita ay nakarating sa iba’t ibang malalayong lugar dahil sa mga banyagang dumalaw sa Jerusalem. (Gawa 2:1-12, 37-41) Sa paanuman, ipinahihiwatig ng nahukay na kalansay na nang mga panahong iyon, may mga taong naglakbay mula sa Silangang Asia tungo sa rehiyon ng Mediteraneo.b
[Mga talababa]
a Sa pagsusuri sa DNA, walang nakuhang impormasyon tungkol sa lahi ng kaniyang tatay.
b May katibayan din na ang mga taga-Kanluran ay naglakbay patungong Silangang Asia. Tingnan ang artikulong “Gaano Kaya Kalayo sa Silangan ang Narating ng mga Misyonero?” sa Ang Bantayan, isyu ng Enero 1, 2009.
[Mapa sa pahina 29]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
ROMA
Vagnari
Dagat Mediteraneo
SILANGANG ASIA
KARAGATANG PASIPIKO
[Larawan sa pahina 29]
Kalansay ng isang taga-Silangang Asia na nahukay sa isang sinaunang sementeryong Romano
[Credit Line]
© Su concessione del Ministero per i Beni e le Attività Culturali-Direzione Regionale per i Beni Culturali e Paesaggistici della Puglia-Soprintendenza per i Beni Archeologici della Puglia