Turuan ang Iyong mga Anak
“Patuloy Siyang Nanatili kay Jehova”
MAY nagsabi na ba sa iyo na dapat kang manatiling tapat sa Diyos?—a Pag-uusapan natin ngayon ang isang tao na ayon sa Bibliya ay ‘patuloy na nanatili kay Jehova,’ ang tunay na Diyos. Hezekias ang pangalan niya. Tingnan natin kung ano ang matututuhan natin sa kaniya.
Malungkot ang buhay ni Hezekias noong bata pa siya. Ang ama niyang si Ahaz, na hari ng Juda, ay tumigil sa paglilingkod kay Jehova. Nanguna si Ahaz sa pagsamba sa huwad na mga diyos noong bata pa si Hezekias. Maaari pa ngang ipinapatay ni Ahaz hindi lang ang isa sa kaniyang mga anak—sariling kapatid ni Hezekias—para ihandog sa isang diyos na sinasamba niya!
Kahit patuloy na gumagawa ng masama si Ahaz, nanatili pa ring masunurin si Hezekias kay Jehova. Naging madali kaya ito para kay Hezekias?— Malamang na hindi. Pero hindi sumuko si Hezekias! Tingnan natin kung paano siya nakapanatili kay Jehova, at kung paano natin siya matutularan.
Natutuhan ni Hezekias ang tungkol sa mga taong nanatili kay Jehova. Ang isa sa kanila ay si David. Kahit daan-daang taon na siyang patay noong panahon ni Hezekias, maaari pa ring matuto si Hezekias tungkol sa kaniya mula sa Kasulatan. “Sakaling iwan ako ng aking ama at ng aking ina,” ang isinulat ni David, “si Jehova mismo ang kukupkop sa akin.”
Sa palagay mo, ano ang nakatulong kay David para sumunod kay Jehova?— Ang kaniyang pananampalataya! Siguradung-sigurado si David na kapag masunurin siya, tutulungan siya ni Jehova. Kapag iniisip ni Hezekias ang tungkol kay David, tiyak na nakatutulong ito sa kaniya na manatili kay Jehova sa pamamagitan ng pagsunod. Makatitiyak ka rin na tutulungan ka ni Jehova kung mananatili ka sa kaniya sa pamamagitan ng pagsunod.
Pero, paano kung hindi sumasamba kay Jehova ang iyong tatay o nanay?— Sinabi ng Diyos na dapat sundin ng mga anak ang kanilang mga magulang. Kaya dapat mong sundin ang iyong mga magulang. Pero kung may ipagagawa sila sa iyo na ipinagbabawal ng Diyos, maaari mong ipaliwanag sa kanila kung bakit hindi mo puwedeng gawin iyon. Hindi ka dapat magsinungaling, magnakaw, o gumawa ng iba pang bagay na ayon sa Diyos ay masama, kahit sino pa ang mag-utos sa iyo. Ang Diyos ang dapat mong sundin!
May magagandang halimbawa tayong matutularan. Bukod kay David, naging halimbawa rin para kay Hezekias ang lolo niyang si Jotam. Maaaring natuto si Hezekias sa kaniya, gaya rin natin ngayon sa tulong ng Bibliya. May naiisip ka pa bang ibang magagandang halimbawa na maaari nating tularan?—
Totoo, mababasa mo sa Bibliya ang ilang pagkakamaling nagawa nina Hezekias, David, Jotam at ng iba pang di-perpektong tao. Pero minahal ng mga taong iyon si Jehova, inamin nila ang kanilang mga pagkakamali, at sinikap na gawin ang tama. Tandaan, si Jesus lang, na Anak ng Diyos, ang perpektong tao. Bakit hindi natin pag-aralan ang tungkol sa kaniya at sikaping tularan ang kaniyang halimbawa?
Basahin sa iyong Bibliya
a Kapag binabasa mo ito sa isang bata, ang gatlang pagkatapos ng tanong ay nagsisilbing paalaala sa iyo na huminto at hintayin ang kaniyang sagot.