Kabilang Siya sa Pamilya ni Caifas
Kung minsan, ang mga tuklas sa arkeolohiya ay tuwiran o di-tuwirang nagpapatunay na umiral ang isang tauhan sa Bibliya. Bilang halimbawa, isaalang-alang ang impormasyong inilathala ng mga iskolar na Israeli noong 2011. May kinalaman ito sa isang 2,000-taóng-gulang na ossuary—isang batong-apog na kahong pinaglalagyan ng mga buto ng bangkay.
Mababasa sa inskripsiyon ng ossuary na ito: “Si Miriam na anak ni Yeshua na anak ni Caifas, saserdote ng Maazias mula sa Beth ʹImri.” Ang Judiong mataas na saserdote na humawak sa paglilitis at humatol ng kamatayan kay Jesus ay si Caifas. (Juan 11:48-50) Tinutukoy siya ni Flavius Josephus bilang “Jose, na tinatawag na Caifas.” Maliwanag na ang ossuary na ito ay pag-aari ng isa sa kaniyang mga kamag-anak. Sa inskripsiyon ng isang mas naunang natuklasan na ossuary na ipinapalagay na pag-aari mismo ng mataas na saserdote, ang Jose na ito ay tinawag na Yehosef bar Caiapha, o Jose, na anak ni Caifas.a Kaya sa paanuman, si Miriam ay kamag-anak ni Caifas.
Ayon sa Israel Antiquities Authority (IAA), ang ossuary ni Miriam ay nakumpiska mula sa mga magnanakaw na nandambong sa isang sinaunang libingan. Napatunayan ng mga pagsusuri sa ossuary at sa inskripsiyon nito ang autentisidad nito.
May bagong impormasyong isinisiwalat ang ossuary ni Miriam. Binabanggit sa inskripsiyon nito ang “Maazias,” ang pinakahuli sa 24 na pangkat ng mga saserdote, na naghahalinhinan sa paglilingkod sa templo sa Jerusalem. (1 Cro. 24:18) Isinisiwalat nito na “ang pamilya ni Caifas ay nagmula sa pangkat ng Maazias,” ang sabi ng IAA.
Binanggit din sa inskripsiyon ang Beth ʹImri. May dalawang interpretasyon hinggil dito. “Una, posibleng ang Beth ʹImri ay pangalan ng isang makasaserdoteng pamilya—ang mga anak ni Imer (Ezra 2:36, 37; Neh. 7:39-42) na may mga inapong kabilang sa pangkat ng Maazias,” ang sabi ng IAA. “Ikalawa, posibleng ang [Beth ʹImri ay] pinagmulang lupain ng namatay o ng kaniyang buong pamilya.” Alinman dito ang totoo, pinatutunayan ng ossuary ni Miriam na ang mga tauhang binanggit sa Bibliya ay totoong mga tao na galing sa totoong mga pamilya.
a Hinggil sa ossuary ni Caifas, tingnan ang artikulong “Ang Mataas na Saserdote na Humatol kay Jesus” sa Ang Bantayan, isyu ng Enero 15, 2006, pahina 10-13.