KARUNUNGAN NOON NA MAGAGAMIT NGAYON
Huwag Mabalisa
SIMULAIN SA BIBLIYA: “Huwag na kayong mabalisa tungkol sa inyong mga kaluluwa.”—Mateo 6:25.
Ano ang ibig sabihin nito? Sinabi ni Jesus ang mga salitang ito sa kaniyang Sermon sa Bundok. Ayon sa isang diksyunaryo sa Bibliya, ang pandiwang Griego na isinaling “mabalisa” ay maaaring tumukoy sa “likas na reaksiyon ng tao sa kahirapan, gutom, at iba pang problema na nararanasan niya sa araw-araw.” Madalas, kasali sa pagkabalisa ang pag-aalala sa maaaring mangyari sa hinaharap. Tama lang naman at normal na mabalisa sa ating materyal na mga pangangailangan at sa kapakanan ng mga mahal natin sa buhay. (Filipos 2:20) Pero nang sabihin ni Jesus na “huwag kayong mabalisa,” pinapayuhan niya ang kaniyang mga tagasunod na iwasan ang labis na pag-aalala—ang sobrang pagkatakot o pangamba sa hinaharap, anupat hindi na nasisiyahan sa kasalukuyang buhay.—Mateo 6:31, 34.
Praktikal pa ba ito sa ngayon? Isang katalinuhan na sundin ang payo ni Jesus. Bakit? Ipinahihiwatig ng ilang reperensiya na kapag labis na nababalisa ang mga tao, ang kanilang sympathetic nervous system ay palaging aktibo. Ang kondisyong ito ay “iniuugnay sa mga sakit na gaya ng ulser, sakit sa puso, at hika.”
Nagbigay si Jesus ng matibay na dahilan kung bakit dapat iwasan ang labis na pag-aalala: Wala itong maidudulot na mabuti. “Sino sa inyo ang sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa haba ng kaniyang buhay?” ang tanong ni Jesus. (Mateo 6:27) Ang laging pag-aalala ay hindi magpapahaba ng ating buhay, kahit isang segundo man lang, ni mapabubuti man nito ang buhay natin. Isa pa, kadalasan nang hindi naman nangyayari ang kinatatakutan natin. Isang iskolar ang nagsabi: “Ang pag-aalala hinggil sa hinaharap ay pag-aaksaya lang ng lakas, at ang tunay na mangyayari sa hinaharap ay bihirang maging kasinsamâ ng ating ipinangangambang mangyari.”
Paano natin maiiwasang mabalisa? Una, magtiwala sa Diyos. Kung hindi pinababayaan ng Diyos ang mga hayop at halaman, lalong hindi niya pababayaan ang mga taong inuuna ang pagsamba sa kaniya. (Mateo 6:25, 26, 28-30) Ikalawa, intindihin lang ang mangyayari sa bawat araw. “Huwag kayong mabalisa tungkol sa susunod na araw,” ang sabi ni Jesus, “sapagkat ang susunod na araw ay magkakaroon ng sarili nitong mga kabalisahan.” Hindi ba’t totoo naman na “bawat araw [ay may] sarili nitong kasamaan”?—Mateo 6:34.
Kung susundin natin ang utos na ito ni Jesus, maiiwasan nating mapinsala ang ating kalusugan. Higit pa riyan, magkakaroon tayo ng kapanatagan—na tinatawag ng Bibliya na “kapayapaan ng Diyos.”—Filipos 4:6, 7.