Dahil sa Ipinakitang Kabaitan
SA ISANG maliit na bayan ng Gujarat, India, ang tatay ni John ay nabautismuhan bilang Saksi ni Jehova noong huling bahagi ng dekada ’50. Si John, ang kaniyang limang kapatid, at ang nanay nila ay sarado Katoliko kung kaya tutol sila sa paniniwala ng kanilang ama.
Isang araw, inutusan si John ng tatay niya na maghatid ng sobre sa isang kaibigan nito sa kongregasyon. Pero nang umagang iyon, nasugatan ang daliri ni John habang binubuksan niya ang isang malaking latang bariles. Sa kagustuhang sundin ang tatay niya, binalot ni John ng tela ang nagdurugong daliri niya at naglakad para ihatid ang sobre.
Pagdating ni John, ang misis ng kaibigan ng tatay niya, na isang Saksi ni Jehova, ang tumanggap sa sobre. Napansin niya na may sugat ang daliri ni John kung kaya nag-alok siya ng tulong. Kumuha ang sister ng first-aid kit, nilinis ang sugat ni John, at binendahan ang daliri nito. Saka niya ipinagtimpla ng tsaa si John, habang nakikipag-usap tungkol sa Bibliya.
Sa puntong iyon, unti-unti nang nagbabago ang negatibong pananaw ni John sa mga Saksi, kaya tinanong niya ang babae tungkol sa dalawang paksa na magkaiba ang paniniwala nilang mag-ama—kung si Jesus ba ang Diyos, at kung dapat bang magdasal kay Maria ang mga Kristiyano. Palibhasa’y marunong ang sister ng Gujarati, na katutubong wika ni John, sinagot niya ang tanong ni John gamit ang Bibliya at binigyan siya ng buklet na “Ang Mabuting Balitang Ito ng Kaharian.”
Habang binabasa ni John ang buklet, nakita niyang ito ang katotohanan. Pumunta siya sa kanilang pari at itinanong din ang dalawang tanong na iyon. Nagalit ang pari at binato siya ng Bibliya habang sumisigaw: “Satanas ka! Saan sinasabi sa Bibliya na hindi si Jesus ang Diyos? Ipakita mo kung saan sinasabi na hindi dapat sambahin si Maria. Ipakita mo!” Nabigla si John sa ginawa ng pari at sinabi niya, “Hinding-hindi na ako tutuntong sa simbahan ng Katoliko kahit kailan.” At hindi na nga niya ito ginawa!
Nagsimulang makipag-aral ng Bibliya si John sa mga Saksi, nanindigan para sa tunay na pagsamba, at naglingkod kay Jehova. Nang maglaon, ganito rin ang ginawa ng ilan pang kapamilya niya. May peklat pa rin si John sa kaniyang kanang hintuturo, na nasugatan mga 60 taon na ang nakararaan. Pero hindi niya makakalimutan ang ipinakitang kabaitan sa kaniya, na umakay sa kaniya sa dalisay na pagsamba.—2 Cor. 6:4, 6.