Ang Patuloy na Paglawak ay Nagpapalaki sa Pangangailangan Para sa mga Kingdom Hall
1 Matagal nang panahong inihula ng propeta ni Jehova na “ang mga kanaisnais na bagay ng lahat ng mga bansa ay darating.” (Hag. 2:7) Tunay na nakikita natin ang katuparan nito sa ngayon. Kagilagilalas na may 7,559 na mga nabautismuhan noong 1993 taon ng paglilingkod dito lamang sa Pilipinas! Upang patuloy na matulungan ang lahat ng mga baguhang ito, kailangan nating ‘isapuso ang ating mga lakad’ para makatiyak na ating sinusuportahan nang lubusan ang gawain ng Diyos. (Ihambing ang Hag. 1:5.) Oo, isang mahalagang bahagi sa pagsuporta sa gawain ng Diyos ang pagtulong natin upang makapaglaan ng nababagay na mga bahay ng pagsamba para sa dumaragsang mga bagong tagapuri kay Jehova.
2 Ang Kingdom Hall Fund ng Samahan ay gumagana na sa Pilipinas mga ilang taon na ngayon anupat 1,013 mga kongregasyon ang nagkaroon ng mga bagong Kingdom Hall. Noon lamang 1993 taon ng paglilingkod, 101 mga kongregasyon sa 34 na mga lalawigan ang nakatanggap ng loan para sa kanilang proyekto ng Kingdom Hall. Nakapagpapatibay makita ang pagtugon ng mga mamamahayag sa pagsuporta sa umiikot na pondo nito. Ang salaping ipinahiram sa mga kongregasyon ay ibinabalik sa pondong ito anupat ang lahat ng iniabuloy na pondo ay patuloy na nagagamit sa pagtatayo ng mga bagong Kingdom Hall.
3 Ang Maingat na Pagpaplano at Pagkunsulta ay Tumitiyak ng Tagumpay: Sa Lucas 14:28, 29, binalangkas ni Jesus ang isang simulain na dapat matutuhan ng lahat ng nagpapasimula sa proyekto ng Kingdom Hall. Una muna ay kailangang ‘umupo at tayahin ang magagastos, upang makita kung may sapat silang ipagpapatapos’ ng proyekto. Oo, ang maingat na pagpaplano ay kailangan. Ang kasiglahan ay hindi sapat, kundi kailangang suportahan ng buong kongregasyon ang gastusin sa pamamagitan ng mga kontribusyon. Kapag tinanong ang mga kapatid kung magkano ang kanilang iaabuloy bawat buwan, kailangang maging makatotohanan sila, na hindi nangangako nang higit sa kanilang kaya upang makuha lamang ang loan. Mainam din kung hihilingang magpasimula ang mga kapatid sa pag-aabuloy bago pa mag-aplay ng loan. Sa ganitong paraan makapagtitipon ng pondo at makikita ng mga matatanda kung kaya ng kongregasyon na suportahan ang proyekto.
4 Ang isa pang angkop na maka-Kasulatang simulain ay nasa Kawikaan 15:22, na nagsasabi: “Kung saan walang payo ay nagugulo ang mga panukala, ngunit sa karamihan ng mga tagapayo ay nangatatatag.” Ito’y nangangahulugang dapat na sumangguni ang mga matatanda sa isa’t isa at maingat na talakayin ang bagay na ito bago iharap sa kongregasyon. Hindi dapat pagpasiyahan ang mga bagay-bagay ng iisang matatanda. Nagkaroon ng malaking kalituhan at di pagkakaunawaan nang ganito ang ginawa ng mga matatanda. Bukod dito, gaya ng mungkahi sa insert ng Disyembre, 1991 ng Ating Ministeryo sa Kaharian, dapat sumangguni sa tagapangasiwa ng sirkito ukol sa kaniyang payo. Papaano siya makatutulong?
5 Ang pagpili ng lugar para sa bulwagan ay nagsasangkot sa maraming bagay bukod pa sa halaga nito. Ito ba’y sentro para sa mga kapatid? Malapit ba ito sa daan, o nasa looban? May maliwanag na titulo ba ang lupa? May mga nakatira ba sa lupa na maaaring hindi umalis pagkatapos ng bilihan? Maaaring magbigay ang tagapangasiwa ng sirkito ng kaniyang payo sa mga bagay na ito bago bilhin ang lote. Maaaring makapagrekomenda rin siya ng kapatid na magsusuri upang matiyak na walang legal na komplikasyon ang titulo. Karagdagan pa, maaaring masuri ng tagapangasiwa ng sirkito ang mga plano na ginawa ng mga matatanda, at magbigay ng mga mungkahi sa laki ng Kingdom Hall at sa plano nito. Maaari ring masuri niya ang aplikasyon sa loan upang matiyak na natutugunan ang lahat ng mga kahilingan.
6 Minsang sinang-ayunan ng Samahan ang plano, walang malaking pagbabago sa disenyo o laki ng Kingdom Hall o lokasyon nito ang dapat gawin nang hindi muna kumukunsulta sa Samahan. Binago ng ilang kongregasyon ang lokasyon o disenyo ng bulwagan nang hindi ipinababatid sa Samahan. Ito’y lumikha ng di kinakailangang mga suliranin.
7 Iminumungkahi na, hanggat maaari, sikaping bilhin ng kongregasyon ang lupa at patituluhan ito sa pangalan ng korporasyon sa sirkito bago ipadala ang aplikasyon ng loan sa Samahan. Pabibilisin nito ang pagsasaayos ng loan yamang ang lupa ay nasa mga kapatid na.
8 Ang wasto at detalyadong ulat ng pananalapi ay dapat ingatan mula sa pasimula ng konstruksiyon. Makabubuting dalawa o tatlong kapatid na lalaki ang magkakasamang mag-aasikaso ng kuwenta upang maiwasan ang paghihinala o di pagkakaunawaan. Sa katapusan ng proyekto, dapat magkaroon ng kompletong rekord ang kongregasyon sa kuwenta ng proyekto.
9 Ang mga Boluntaryong Manggagawa ay Nagpapabilis sa Gawain at Nagpapaliit ng Gastos: Makabubuting gamitin ang mga may kasanayan na kabilang sa mga kongregasyong magtitipon sa bagong Kingdom Hall. Walang alinlangan, gaya ng ipinakita ni Jesus sa Juan 10:12-15, na ang nagbuboluntaryo dahilan sa pag-ibig ay magiging higit na masipag kaysa isang “upahan,” na interesado lamang sa bayad at “hindi nagmamalasakit sa tupa.” Kahit na iisa lamang kapatid ang dalubhasa sa isang trabaho, maaaring hilingan siyang sanayin ang iba habang siya’y nagtatrabaho. Sa ganitong paraan ay marami pa ang magiging kuwalipikado upang tumulong sa iba pang proyekto sa hinaharap. Ang pagbuboluntaryo ay nagpapaliit sa gastos, anupat magagamit na may katalinuhan ang mahalagang pondong inilaan ng mga kapatid. Sa ganitong paraan, ang buong kongregasyon ay makakabahagi at gaya nang kaarawan ni Nehemias, ang mga kapatid ay patuloy na “magkakaron ng puso sa paggawa.” (Neh. 4:6b) Pagkatapos ng kanilang proyekto, ang mga kapatid ay dapat mapakilos ng pag-ibig na tumulong sa pagtatayo ng Kingdom Hall para sa ibang mga kongregasyon.—Neh. 5:19; Fil. 2:3, 4.
10 Makabubuti para sa mga tagapangasiwa ng sirkito na mag-ingat ng listahan ng mga kapatid sa kanilang sirkito na dalubhasa sa iba’t ibang trabaho at handang magboluntaryo sa mga proyekto ng Kingdom Hall sa ibang mga kongregasyon. Habang marami ang nasasanay, darami ang nasa listahan. Pagkatapos, kapag may proyekto sa sirkito, isang grupo ng dalubhasang mga manggagawa ang makatutulong sa lokal na mga kapatid sa pamamagitan ng pagbuboluntaryo ng kanilang paglilingkod, anupat makapag-aalis ito ng malaking alalahanin sa lokal na kongregasyon. Ang pagtugon sa ganitong paraan ay isang katibayan ng ating pag-ibig para sa ating pinakamalapit na kapuwa—ang ating mga kapatid na Kristiyano.—Mat. 7:12; 22:39; Juan 13:35.
11 Pagpapakita ng Pag-ibig at Pagpapahalaga sa Kaayusan: Tandaan na ang anumang loan na ipinagkakaloob sa ating kongregasyon ay nanggaling sa boluntaryong kontribusyon ng ating mga kapatid sa buong daigdig. Walang pagsalang hindi natin kaliligtaang pasalamatan ang kagandahang loob ng ating mga kapatid, gaya ng siyam na ketongin noong kaarawan ni Jesus, hindi ba? (Luc. 11:12-18) Pagpapakita ba ng utang na loob kung nakakaligtaan nating bayaran ang ating loan gaya ng ipinangako? Ito ba’y pagpapakita ng pag-ibig para sa ating mga kapatid sa ibang mga kongregasyon? Kung tayo’y tumatanggap lamang ng tulong sa pagtatayo ng ating Kingdom Hall at pagkatapos ay hindi nababahala para doon sa nasa ibang kongregasyong nangangailangan ng tulong, ito ba’y pagpapakita sa espiritu ng Filipos 2:4?
12 Dahilan sa pagkabahala, hindi lamang sa ating kongregasyon, kundi para sa “buong kalipunan ng mga kapatid sa daigdig,” (1 Ped. 5:9) maraming kongregasyon ang nagkusang gumawa ng resolusyon na magpadala sa Samahan ng mga kontribusyon para sa Kingdom Hall Fund buwan-buwan. Kahit na yaong mga may binabayarang Kingdom Hall loan ay nagpapadala ng mga kontribusyon sa pondong ito. Kay inam na espiritu ang ipinakikita nito! Tandaan, “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap,” kaya pagsikapan nating lahat na maging tagapagbigay at hindi lamang mga tagatanggap sa pamamagitan ng pagtulong sa ibang mga kongregasyon hanggat magagawa natin.—Gawa 20:35.
13 Pinahahalagahan ang May Pagkukusang Espiritu: Ang may pagkukusang espiritu at sigasig ng ating mga kapatid sa pagtatayo ng mga bulwagan ay kitang-kita, gaya ng isinulat ng isang grupo: “Kay laking kagalakan na makita ang mga kongregasyong nagsasalita ng Koreano-, Kastila-, at Ingles na gumagawang magkakasama sa nagkakaisang pagsamba kay Jehova!” Tunay na totoo ang mga salita sa Awit 133:1, 3: “Narito! Kaybuti at kaiga-igaya para sa mga magkakapatid na tumahang magkakasama sa pagkakaisa!”
14 Bilang pagpapahalaga sa ginawang tulong para sa Kingdom Hall ng isang kongregasyon, ang punong tagapangasiwa ay sumulat: “Dahilan sa napakaraming may edad na mga kapatid sa kongregasyon, ang proyektong ito ay hindi matatapos sa pagsisikap lamang namin. Kaya isang malaking pasasalamat ang nauukol sa inyo at sa mga kapatid na gaya ninyo na nakadarama ng pag-ibig ni Jehova at nagnanais na, hindi lamang makadama nito, kundi magpamalas nito. Nais naming sabihin sa ating mga kapatid: ‘Ipagpatuloy ninyo ang mabuting gawa.’”
15 Humanga ang mga Nagmamasid: Ang maliwanag na pagkilos ng banal na espiritu ni Jehova sa mga kapatid na gumagawa sa mga proyekto ng konstruksiyon ng Kingdom Hall ay nakapagbigay ng pagpapatotoo sa iba. Ang mga materyal para sa isang bulwagan ay binili sa isang kompanya ng kahoy, at pagkatapos nito’y sumulat ang manedyer: “Hindi ko natatandaang ako’y humanga sa isang grupo ng mga tao na gaya sa mga Saksi ni Jehova sa panahon ng proyekto. Ito’y kapuwa nakatutuwa at kapanapanabik para sa akin na masaksihan ang gayong okasyon, at ako’y nagagalak na nakabahagi sa maliit na paraan. Kayo at ang inyong mga kasamahan ay nararapat papurihan, at hangad ko ang higit ninyong tagumpay sa inyong panghinaharap na mga proyekto.”
16 Sa isa pang pangyayari, isang kinatawan ng tagapagdala ng materyales ang inatasang gumugol ng tatlong araw sa proyekto ng Kingdom Hall. Sinabi niya: “Ang aking buhay ay pinayaman ng pagiging kasama ninyo sa dulong sanlinggong ito. Ang impresyon ko sa mga Saksi ni Jehova ay nagbago! Higit pa ang inyong ginagawa kaysa kumatok lamang sa mga pintuan. Isang pribilehiyo na magkaroon ng bahagi. Huwag kayong magtataka kung makita ninyo ako sa inyong pahayag pangmadla.”
17 Nang matapos ang isang proyekto, sumulat ang alkalde ng siyudad, na nagsasabi: “Isang inspirasyong makita ang daan-daang boluntaryo na gumagawang magkakasama upang itayo ang bulwagan nang napakabilis. Tunay na ito’y isang magandang gusali. Ang mga naninirahan ay nag-uusap-usap hinggil sa pagtatayo ng gusali nang napakabilis. Ang bagong Kingdom Hall ay isang tunay na kredito sa komunidad, at kami’y nagkakapuring tanggapin ito at ang inyong kongregasyon.”
18 Ang Pinansiyal na mga Kontribusyon ay Patuloy na Nakatutulong: Ang bukas-palad na mga kontribusyon sa Kingdom Hall Fund ng Samahan ay nakatulong sa mga kongregasyon sa nakaraan at tiyak na patuloy na makatutulong ito sa hinaharap. Hindi ba’t si Jehova mismo ang nangunguna sa walang pag-iimbot na pagbibigay? (Sant. 1:17) Bagaman totoo na ang ating mga kakayahang magbigay ay nagkakaiba, masusumpungan natin na sa pamamagitan ng pagbabago sa ating personal na paggastos, magkakaroon tayo ng lubusang bahagi sa pagtataguyod sa gawaing pagtatayo. Ang gayong pagkamapagbigay ay magdudulot ng kagalakan sa puso ni Jehova, at ng malaking pampatibay loob sa ating mga kapatid.
19 Higit at higit, “ang kanaisnais na mga bagay” ay dumaragsa sa espirituwal na templo ni Jehova, at kaniyang ‘pinupuno ang kaniyang bahay ng kaluwalhatian.’ (Hag. 2:7) Gaya ng mga tapat na Judio nang kaarawan ni Hagai, ilagak nawa natin ang ating mga puso sa gawain ng Diyos, na lubusang itinataguyod ang pangangailangan para sa mga karagdagang Kingdom Hall. Ang pagsulong ay nagpapatuloy sa bumibilis na paraan. Ang ating patuloy na pagsuporta sa Kingdom Hall Fund ng Samahan ay isang napakainam na paraan ng pakikibahagi sa gawain ng Diyos.