Pagtupad sa Ating Panata sa Araw-Araw
1 Ang salmistang si David ay naganyak na magpahayag kay Jehova: “Sa gayo’y aawit ako ng pagpuri sa iyong pangalan magpakailanman, upang matupad ko sa araw-araw ang aking mga panata.” (Awit 61:8) Nababatid ni David na ang paggawa ng panata ay isang ganap na boluntaryong bagay. Gayunpaman, pinahalagahan din niya na kung siya’y gagawa ng panata, obligado siyang tuparin iyon.
2 Nang ginawa natin ang pag-aalay kay Jehova, may pagkukusa tayong nanata na gawin ang kaniyang kalooban. Ating itinatwa ang ating sarili at ginawang ating pangunahing tunguhin sa buhay ang paglilingkod kay Jehova. (Luc. 9:23) Kaya, dapat din nating tuparin ang ating panata araw-araw. (Ecles. 5:4-6) Ang ating ginawang pangmadlang pagpapahayag sa panahon ng bautismo sa tubig ay dapat na makita sa buong pamumuhay natin, yamang ating nalalaman na “sa pamamagitan ng bibig ang isa ay gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaligtasan.” (Roma 10:10) Kasama dito ang pangangaral ng mabuting balita. (Heb. 13:15) Ang personal na mga kalagayan natin ay hindi pare-pareho, subalit araw-araw ay maaaring gawin nating lahat na tunguhin na maibahagi ang mabuting balita sa iba.
3 Gumawa ng mga Pagkakataong Mangaral sa Araw-Araw: Upang maibahagi ang mabuting balita sa araw-araw kailangan nating gumawa ng mga pagkakataon na mangaral kailanpama’t ipinahihintulot ng mga pagkakataon. Maraming maliligayang karanasan ang tinamasa niyaong mga kumuha ng unang hakbangin na magpatotoo nang di pormal sa trabaho o sa paaralan at sa mga kapitbahay o sa iba pa na nakakatagpo natin bawat araw. Maging ang pagsulat ng mga liham o paggamit ng telepono ay maaaring maging paraan upang magpatotoo sa iba. Ang lahat ng mga pamamaraang ito, lakip na ang pagtatakda ng panahon upang regular na magpatotoo sa bahay-bahay at gumawa ng mga pagdalaw-muli ay maaaring umakay sa kagalakan na nagmumula sa pagdaraos ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Oo, araw-araw tayo ay maaaring lumikha ng mga pagkakataon upang mangaral.
4 Isang kapatid na babae ang nagpasimulang magbasa ng Pagsusuri sa Kasulatan Araw-Araw habang nagmimeryenda sa trabaho. Inanyayahan niya ang isang kamanggagawa na basahing kasama niya ang teksto sa araw na iyon, at di nagtagal yaon ay humantong sa isang pag-aaral sa Bibliya sa babae. Sila’y nag-aral ng kalahating oras araw-araw, limang araw bawat linggo. Napansin ng isa pang kamanggagawa ang kanilang pag-aaral sa araw-araw. Sa dakong huli ay ipinakilala niya ang sarili bilang isang di-aktibong kapatid na lalaki. Palibhasa’y naganyak ng sigasig ng kapatid na babae, nakipagkita siya sa isang matanda upang maging aktibong muli. Ang kapatid na babaing ito ay nakaimpluwensiya sa dalawa pang tao dahilan sa pagsisikap na tuparin ang kaniyang panata sa araw-araw.
5 Kapag tayo ay napakilos ng isang nagpapahalagang puso, ang pagtupad sa ating panata ng pag-aalay ay magdudulot sa atin ng kagalakan at kasiyahan. Gaya ng salmista, masasabi rin natin: “Pupurihin kita, Oh Jehovang aking Diyos, ng buong puso ko, at luluwalhatiin ko ang iyong pangalan magpakailanman.”—Awit 86:12.