‘Sumisikat Bilang mga Tagapagbigay-Liwanag’
1 Sa gitna ng espirituwal at moral na kadiliman ng kasalukuyang sistema ng mga bagay, mga anim na milyong mananamba ng tunay na Diyos na si Jehova ang ‘sumisikat bilang mga tagapagbigay-liwanag’ sa 234 na lupain sa buong daigdig. (Fil. 2:15) Nagiging dahilan ito upang mapansin tayo. Paano natin ipaaaninag ang mahalagang liwanag ng katotohanan na nagmumula kay Jehova?—2 Cor. 3:18.
2 Sa Ating mga Pagkilos: Madaling napapansin ng mga tao ang ating paggawi. (1 Ped. 2:12) Napansin ng isang babae na ang kaniyang katrabahong Saksi ay napakabait at matulungin at hindi nagsasalita nang malaswa o nakikitawa sa mahahalay na biruan. Kapag ginagalit ng iba ang Saksi sa pamamagitan ng malalaswang salita sa harap niya, kalmado lamang siya subalit naninindigan sa kung ano ang tama. Ano ang epekto nito sa babae? Ganito ang naalaala niya: “Hangang-hanga ako sa kaniyang paggawi anupat nagsimula akong magtanong tungkol sa Bibliya. Nag-aral ako ng Salita ng Diyos at nabautismuhan nang dakong huli.” Sabi pa niya: “Ang paggawi niya ang humimok sa akin na suriin ang mga paniwala ng mga Saksi ni Jehova.”
3 Ang ating saloobin hinggil sa awtoridad, ang pangmalas natin sa makasanlibutang mga gawain, at ang ating kaayaayang pananalita ang dahilan kung bakit namumukod-tanging mga tao ang mga Saksi ni Jehova na namumuhay ayon sa matataas na pamantayan ng Bibliya. Ang gayong maiinam na gawa ay nagdudulot ng kaluwalhatian kay Jehova at nakaaakit sa iba para sambahin siya.
4 Sa Ating mga Pananalita: Sabihin pa, baka hindi alam ng mga nakapapansin sa ating mabuting paggawi kung bakit tayo naiiba malibang ipakipag-usap natin sa kanila ang ating mga paniniwala. Alam ba ng iyong mga katrabaho o kaeskuwela na ikaw ay isang Saksi ni Jehova? Naghahanap ka ba ng pagkakataon na makapagpatotoo kapag nakikipagkuwentuhan? Ipinasiya mo ba na ‘pasikatin ang iyong liwanag sa harap ng mga tao’ sa bawat angkop na pagkakataon?—Mat. 5:14-16.
5 Ang pagtupad sa ating atas bilang mga tagapagdala ng liwanag ay nangangailangan ng espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili. Ang buong-kaluluwang saloobin ay mag-uudyok sa atin na iwasan ang hindi gaanong mahahalagang bagay upang higit tayong makabahagi sa nagliligtas-buhay na gawaing pangangaral at paggawa ng mga alagad.—2 Cor. 12:15.
6 Sa pamamagitan ng ating mga pagkilos at pananalita, nawa’y patuloy tayong sumikat bilang mga tagapagbigay-liwanag. Kung gayon ang ating gagawin, mauudyukan ang iba na makibahagi sa atin sa pagbibigay ng kaluwalhatian kay Jehova.