Tulungan ang Inyong mga Anak na Sumulong sa Ministeryo
1 Ang Kristiyanong mga magulang ay may mabigat na pananagutang sanayin ang kanilang mga anak sa ministeryo mula pa sa murang edad. Maaaring matamo ito sa ilang paraan. Kabisado na ng ilang bata ang isang angkop na teksto sa Bibliya bago pa man sila matutong bumasa. Maaaring magkaroon ito ng malaking epekto sa mga tagapakinig. Habang lumalaki ang mga bata, higit pa ang kanilang magagawa sa ministeryo. Kayong mga magulang, paano ninyo matutulungan ang inyong mga anak na makibahagi sa pagpapatotoo? Marahil ay higit na makatutulong ang sumusunod na mga mungkahi.
2 Pagkatapos bumati, maaari mong sabihin:
◼ “May mahalagang teksto sa Bibliya na gustong sabihin sa iyo ang aking anak, si [pangalan niya].” Maaaring sabihin ng iyong anak: “Nalaman ko po sa tekstong ito sa Awit ang pangalan ng Diyos. [Babasahin o bibigkasin ng bata ang Awit 83:18.] Sinasabi po ng mga magasing ito kung ano ang gagawin ng Diyos na Jehova para sa atin. Puwede ko po bang iwan sa inyo ang mga ito?” Maaari mong tapusin ang pakikipag-usap sa pamamagitan ng pagpapaliwanag kung paano sinusuportahan ang pambuong-daigdig na gawain.
3 O maaari mong subukin ang paraang ito:
◼ “Kumusta kayo? Sinasanay ko ang aking anak, si [pangalan niya], na maging mapagmalasakit sa ibang mga tao sa ating lugar. Gusto niyang ibahagi sa inyo ang isang maikling mensahe mula sa Bibliya.” Maaari niyang sabihin: “Ang isang paraan po na gusto kong gawin upang makatulong sa mga tao ay ang ibahagi ang pag-asang sinasabi ng Bibliya para sa hinaharap. [Babasahin o bibigkasin ng bata ang Apocalipsis 21:4.] Ipinaliliwanag po ng mga magasing ito kung ano ang gagawin ng Kaharian ng Diyos para sa atin. Sigurado po akong magugustuhan ninyong basahin ang mga ito.”
4 Ang palaging paggamit ng isang pinasimpleng presentasyon ay makatutulong sa mga bata na magtiwala sa kanilang kakayahan na ibahagi ang mensahe ng Kaharian. Ang mga pag-eensayo na nagtutuon ng pansin sa pagsasalita nang malinaw at may sapat na lakas ng tinig ay tutulong sa kanila na magsalita sa iba’t ibang kalagayan. Ang mabuti, patiunang paghahanda at taimtim na papuri ay tutulong sa mga bata na ipahayag ang kanilang pananampalataya.
5 Dahil sa gayong pampatibay-loob, maraming kabataan ang naging kuwalipikado bilang di-bautisadong mga mamamahayag. Kaylaking kagalakan ngang makita ang ating mga anak na sumusulong sa Kristiyanong ministeryo!—Awit 148:12, 13.