Lubos Nating Pinahahalagahan ang Ating mga Pribilehiyo!
1 Sa buong kasaysayan ng tao, pinagkalooban ni Jehova ang kaniyang mga lingkod ng iba’t ibang pribilehiyo. Binigyan niya sila ng mga pribilehiyo anuman ang kanilang kasarian, edad, o kalagayan sa buhay. (Luc. 1:41, 42; Gawa 7:46; Fil. 1:29) Anu-anong pribilehiyo ang ibinibigay niya sa atin sa ngayon?
2 Ilan sa Ating Pribilehiyo: Pribilehiyo natin na maturuan ni Jehova. (Mat. 13:11, 15) Ang pagpuri kay Jehova sa pamamagitan ng pagkokomento sa mga pulong sa kongregasyon ay isa pang pribilehiyo na pinahahalagahan natin. (Awit 35:18) Kapag may mga pagkakataon tayong magkomento, ginagawa natin ito nang may kasiglahan. Sa katulad na paraan, kung itinuturing nating isang pribilehiyo ang bawat atas sa kongregasyon, gagampanan natin ito nang ating buong makakaya. Regular ba tayong nakikibahagi sa pribilehiyo na panatilihing malinis at namamantining mabuti ang Kingdom Hall?
3 Bagaman milyun-milyon ang nag-aalinlangan kung dinirinig ba ng Diyos ang kanilang mga panalangin, natitiyak naman natin na dinirinig ng pinakamahalagang Persona sa uniberso ang ating mga panalangin. (Kaw. 15:29) Si Jehova mismo ang nakikinig sa mga panalangin ng kaniyang mga lingkod. (1 Ped. 3:12) Maaari tayong lumapit sa kaniya sa lahat ng panahon. Isa ngang napakahalagang kaloob na makapanalangin “sa bawat pagkakataon”!—Efe. 6:18.
4 “Mga Kamanggagawa ng Diyos”: Ang isa sa ating pinakamainam na pribilehiyo ay ang paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos bilang “mga kamanggagawa ng Diyos.” (1 Cor. 3:9) Ang gawaing ito ay nagdudulot ng kasiyahan at kaginhawahan. (Juan 4:34) Hindi kailangang gamitin ni Jehova ang mga tao upang isakatuparan ang gawaing ito, ngunit ibinigay niya sa atin ang atas na ito bilang kapahayagan ng kaniyang pag-ibig. (Luc. 19:39, 40) Sa paggawa nito, hindi ibinigay ni Jehova ang pribilehiyong ito sa kahit kanino na lamang. Kailangang maabot at mapanatili ng mga nakikibahagi sa pangmadlang ministeryo ang ilang espirituwal na kuwalipikasyon. (Isa. 52:11) Ipinakikita ba natin na pinahahalagahan natin ang pribilehiyong ito anupat ginagawang mahalagang bahagi ng ating lingguhang rutin ang ating ministeryo?
5 Ang ating buhay ay nagiging kasiya-siya dahil sa mga pribilehiyo mula kay Jehova. (Kaw. 10:22) Huwag kailanman ipagwalang-bahala ang mga ito! Kung ipinakikita natin na talagang lubos nating pinahahalagahan ang ating mga pribilehiyo sa paglilingkod, pinalulugdan natin ang ating Ama sa langit, ang Tagapagbigay ng ‘bawat mabuting kaloob at ng bawat sakdal na regalo.’—Sant. 1:17.