“Ipakita Ninyong Kayo ay Mapagpasalamat”
1 Nang magpagaling si Jesus ng sampung ketongin, isa lamang sa kanila ang bumalik upang magpasalamat. Nagtanong si Jesus: “Ang sampu ay luminis, hindi ba? Kung gayon, nasaan ang siyam na iba pa?” (Luc. 17:11-19) Napakahalaga ngang maging mapagpahalaga at mapagpasalamat tayo sa bawat mabuting kaloob at sakdal na regalo na ibinibigay sa atin ng ating bukas-palad at maibiging Ama sa langit, ang Diyos na Jehova!—Col. 3:15; Sant. 1:17.
2 Anu-anong bagay ang dapat nating ipagpasalamat? Pinahahalagahan natin ang pantubos, ang pinakadakilang kaloob ng Diyos sa sangkatauhan. (Juan 3:16) Pinasasalamatan din natin si Jehova sapagkat inilalapit niya tayo sa kaniya. (Juan 6:44) Ang isa pang bagay na dapat nating ipagpasalamat ay ang ating pagkakaisang Kristiyano. (Awit 133:1-3) Walang-alinlangang marami kang maiisip na iba pang mga kaloob mula kay Jehova. Hinding-hindi natin nanaising maging tulad ng walang utang na loob na mga Israelita na nakalimot sa mga ginawa ni Jehova para sa kanila!—Awit 106:12, 13.
3 Maging Mapagpasalamat: Bagaman maaaring pinahalagahan ng sampung ketongin ang ginawa ni Jesus sa kanila, isa lamang ang nagpakita na siya ay mapagpasalamat. (Luc. 17:15) Sa katulad na paraan, ipinakikita natin ang ating pagpapahalaga sa pamamagitan ng masigasig na pakikibahagi sa ministeryo. Kung talagang nagpapasalamat tayo sa lahat ng ginawa para sa atin ng ating maibiging Ama sa langit, mapakikilos ang puso natin na tularan ang kaniyang pag-ibig at pagkabukas-palad sa pamamagitan ng pagsasabi sa iba ng tungkol sa kaniya. (Luc. 6:45) At kapag sinasabi natin sa iba ang tungkol sa ‘mga kamangha-manghang gawa at mga kaisipan sa atin’ ni Jehova, lalo namang lumalago ang ating pag-ibig at pagpapahalaga sa kaniya.—Awit 40:5.
4 Tulungan ang Iba na Maging Mapagpahalaga: Dapat tayong maging alisto na tulungan ang ating mga anak at mga estudyante sa Bibliya na maging mapagpahalaga. Maraming pagkakataon ang mga magulang na gawin ito, gaya kapag pinagmamasdan nila kasama ng kanilang mga anak ang mga lalang ni Jehova. (Roma 1:20) Kapag nagdaraos ng isang pag-aaral sa Bibliya, maaari nating itanong sa ating estudyante, “Ano ang sinasabi nito sa atin hinggil sa kung anong uri ng persona si Jehova?” Habang lumalaki ang pagpapahalaga ng estudyante, lalong sumisidhi ang kaniyang pag-ibig sa Diyos. Tumitindi rin ang kaniyang determinasyong palugdan Siya.
5 Sa mga huling araw na ito, marami ang hindi mapagpahalaga at mapagpasalamat. (2 Tim. 3:1, 2) Tunay ngang nalulugod si Jehova sa kaniyang tapat na mga lingkod na masigasig na nakikibahagi sa ministeryo bilang pagpapakita na sila ay mapagpasalamat!—Sant. 1:22-25.