Hindi Tayo Kailanman Nakabakasyon
1. Paano natin nalalaman na hindi kailanman itinuring ng mga ebanghelisador noong unang siglo ang kanilang sarili na nakabakasyon sa pagiging ebanghelisador?
1 Ipinahayag ng masisigasig na ebanghelisador noong unang siglo ang mabuting balita “nang walang humpay” saanman may tao. (Gawa 5:42) Kaya hindi natin maiisip na kapag nagbabahay-bahay ay nilalampasan nila ang mga tao sa daan nang hindi rin pinangangaralan ang mga ito. Ni pinalalampas man nila ang pagkakataong magpatotoo nang di-pormal habang nasa pamilihan pagkatapos ng ministeryo sa larangan. Tulad ni Jesus, hindi sila kailanman nakabakasyon sa pagiging ebanghelisador.—Mar. 6:31-34.
2. Ano ang sangkot sa pamumuhay ayon sa ating pangalan?
2 Laging Handa: Ang ating pangalan na Mga Saksi ni Jehova ay hindi lamang naglalarawan kung ano ang ginagawa natin; inilalarawan din nito kung sino tayo. (Isa. 43:10-12) Kaya lagi tayong handa na ipagtanggol ang ating pag-asa, kahit wala tayo sa pagbabahay-bahay. (1 Ped. 3:15) Pinaghahandaan mo ba ang mga kalagayan na maaari kang magpatotoo nang di-pormal at pinag-iisipan kung ano ang sasabihin mo? Nagdadala ka ba ng mga literatura para maibahagi mo sa mga nagpapakita ng interes? (Kaw. 21:5) Nangangaral ka lang ba sa bahay-bahay, o ipinalalaganap mo rin ang mabuting balita sa mga tao sa ibang pagkakataon kapag ipinahihintulot ng kalagayan?
3. Bakit ang terminong “di-sinasadya” ay hindi ang pinakamainam na salita para ilarawan ang pangangaral sa lansangan at sa mga paradahan, parke, lugar ng negosyo, at iba pa?
3 Hindi Isang “Di-sinasadya” na Pagpapatotoo: Dati ay ginagamit natin ang terminong “di-sinasadya” para tumukoy sa pangangaral sa lansangan at sa mga paradahan, parke, lugar ng negosyo, at iba pa. Gayunman, maaaring ipahiwatig ng terminong ito na ang gayong pagsisikap ay nagkataon lamang, na para bang hindi nakaplano o hindi gaanong mahalaga. Hindi ito ang tamang paglalarawan sa ating ministeryo. Totoo na ang ministeryo sa bahay-bahay pa rin ang ating pangunahin at pinakamabisang paraan para mapaabutan ang mga tao ng mensahe ng Kaharian. Pero ang mga ebanghelisador noong unang siglo ay nagpokus sa mga tao, hindi sa mga bahay. Sinamantala nila ang bawat pagkakataon upang ipakipag-usap ang katotohanan—sa pampublikong mga lugar, sa di-pormal na paraan, at sa bahay-bahay. Magkaroon nawa tayo ng gayunding kaisipan upang lubusan nating maganap ang ating ministeryo.—2 Tim. 4:5.